US sa rehimeng Duterte
Change and continuity ang ugnay ni Bongbong Marcos sa kanyang sinundan na si Duterte sa pakikitungo nito sa US. Sa unang tatlong buwan, mistulang pagbabago ang muling-pihit sa US ng gubyerno na sa nagdaang termino ay mas itinago. Subalit, nanalaytay sa lohika ng relasyong US-PH ang pagpapatuloy ng pagpapakatuta sa US, primarya sa ekonomiya at militar.
Habang pumoposturong anti-imperyalista, maraming agresibong pahayag si Rodrigo Duterte ukol sa relasyon ng Pilipinas at US sa kanyang termino. Ilang beses nitong ininsulto ang Washington at minura pa nga si Obama bago siya mahalal na pangulo. Ngunit kung susuriing mabuti, mas malinaw na ebidensya ang kanyang mga ginawa kaysa salita.
Sa gabay ng Operation Pacific Eagle-Philippines, ang Batas Militar sa Mindanao ay nilangisan ng tropa at armas mula sa Amerika. Sa kabila rin ng banta niyang ibasura ang Visiting Forces Agreement, nanatili ang mga de facto nabase-militar ng US sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), at patuloy pa rin ang balikatan exercises na nilalahukan ng mga gaya ni Joseph Pemberton, pumatay sa isang transgender Pilipina, na pinalaya pa.
Dagdag sa mga pormal na tratadong militar, ang kultura ng karahasan at patayan na bitbit ng War on Drugs o Tokhang ay iniluwal din mula sa impluwensiya ng Amerika. Palisiyang export sa mga bansang Latino Amerika at mismong sa US ang war on drugs. Sa Pilipinas, bagaman batay sa anti-komunismo nina Duterte at Bato dela Rosa ang metodo, malaking pondo ang binuhos ng US para pondohan ang pulis at militar na nagpatupad ng huwad na digmaang ito.
Liban sa ugnayang militar, umarangkada rin ang mga patakaran na pabor sa US kung saan mas importante ang pagpapalago ng kapital kaysa paggasta sa serbisyong panlipunan. Ilan sa mga hitsura nito ay paglobo ng panlabas na utang, pagpasok ng mga kumpanyang logging at mining sa mga lupang ninuno, at pagsasamantala sa mga export-processing zones.
Ginamit din ang batas upang ilehitimisa ang ganitong kaayusan. Pinirmahan ni Duterte ang RA 11659 o ang amendments sa Public Service Act na pinapayagan ang 100% full foreign ownership sa iba’t ibang sektor. Habang pinababayaan ang atrasadong agrikultura at kawalan ng industriyal na base, inaatang ng batas na ito—kasama ang iba pang tax cuts at tax holidays para sa mga dayuhang kumpanya—-ang pagtakbo ng ekonomya sa mga dayuhan.
Sa ilalim din ni Duterte, naipasa ang Rice Tarrification Act (RTA) na pinayagan ang pagtatambak ng bigas dito sa Pilipinas mula sa mga bansang US, Thailand, at Vietnam. Ang epekto nito, na siyang inamin din ng US Trade Representatives’ Office, ay mas lalo lamang naglulugmok sa mga magsasaka sa kahirapan dahil hindi kayang makipagkumpitensya ng mga lokal na magsasaka sa sobrang mura at mataas na produksyon ng imported na bigas.
Sa huling suri, hungkag ang “independent” foreign policy ni Duterte at ang “friend to all, enemy to none” ni Marcos. Ang pamamangka sa dalawang ilog ni Duterte ay kaparehong ilog na binabagtas ngayon ni Marcos. Iguguhit ng mga susunod na polisiya niya ang direksyong nais niyang tahakin ngunit malinaw na ito ay dependent sa dayuhan at kaaway ng mamamayan.
Anti-imperyalismo at ang masang Pilipino
“The role of the United States in maintaining the peace in our region is something that is much appreciated by all the countries in the region and the Philippines especially.”
Ito ang sinabi ni Marcos Jr. kay Biden sa kanilang bilateral meet. Muling-pagtitibay ito ng pagpapakatuta ng isang tigreng papel sa isa pang tigreng papel. Ang kapayapaang kanilang pinagkakasunduan ay kapayapaan para sa mga imperyalista at kanilang kasabwat gaya ng mga Marcos. Subalit para sa mamamayan, ang kapayapaan na ito ay pang-uupat ng digmaan sa rehiyon, pagpasok ng mga dayuhang multinasyunal, at madugong kontra-insurhensiya.
Ang tunay na “strong and enduring” na tinutukoy ni Biden—matapos ang tila paumanhin nito matapos onsehan ang mga Marcos nang patalsikin si Macoy noong 1986—ay hindi ang “alyansa” ng US at Pilipinas, kundi ang pagpapakatuta na naman ni Marcos Jr. sa dikta ng Amerika. Ang “strong and enduring” ay ang nagpapatuloy na imperyalismo na siya ring naghuhukay ng sarili nitong libingan at tagapaglibing sa porma ng rebolusyong bayan.
Ang rebolusyon ang pinakamataas na porma ng anti-imperyalismo. Sapagkat ito lamang ang tumatanaw sa kinabukasang taliwas sa normalisadong kaayusan na pinakikinabangan ng mga gaya ni Bongbong Marcos. Higit lalong kinakailangan ngayon ang pag-aaklas ng bayan upang distrungkahin ang kawing na nag-uugnay sa US at Pilipinas sa tagibang na palitan.
Hindi pa patay si Uncle Sam, alive and kicking pa rin hanggang ngayon. Hindi pa rin patay ang mga Marcos, lalo at nasa poder na silang muli. At kapwa silang nasa yugto ng kamatayan na nasasalamin sa tumitinding krisis sa pambansa at pandaigdigang lebel. Ngunit hindi sila babagsak ng sila lamang. Ang kinakailangan ay anti-imperyalismong iniluluwal ng kamulatang ibagsak ang kaayusang panlipunan na matagal nang nagpapahirap sa sambayanan.
Ika nga ng isang matandang hangal, tigreng papel ang mga imperyalista at masa ang mapagpasya sa digmaan. Kaya hindi magwawagi ang tigre at agila sa tereyn ng digmaang matagal nang ipinunla sa lupain ng krisis at pinayabong ng masang tila kalabaw sa pagpupunyagi. Sa kamay lamang ng masa na ang “bayan, babangon muli” hindi sa deka-dekada nang bangkaroteng kasaysayan ng pagdidikta ng US at ng mga Marcos.
Dumadagundong muli ang panawagan noon: Ibagsak ang diktadurang US-Marcos!
PART 1: https://sinag.press/news/2022/10/02/ang-tigreng-tuta-ng-kano/
Featured image courtesy of INQUIRER