Patay sina Lonie Hainampos Pison at Jessa Terol Empoy matapos dakpin ng mga tropa ng 9th Special Forces Company mula sa kanilang tirahan sa Brgy. San Vicente, Prosperidad, Agusan del Sur noong ika-30 ng Setyembre, ayon sa ulat ng Berdugo Alert at lokal na midya.
Dakong alas-6 ng gabi nang magkasa ng isa umanong Intensified Military Operations ang mga sundalo sa bulubunduking erya ng naturang lugar kung saan 10-minuto silang nagpapaputok at iginiit na napatay sa labanan ang mga biktima.
Subalit, ayon sa Berdugo Alert, sina Pison at Empoy ay mga sibilyan na pinalalabas ng mga militar na mga kasapi ng New People’s Army (NPA) na namatay sa engkwentro. Dati silang kasapi ng NPA ngunit nagpahinga at tumigil na sa pagiging mga rebelde.
Ayon sa mga balita sa komunidad, posibleng dinakip nga ang dalawa at dinala sa isang magubat na lugar kung saan sila pinatay.
Ayon sa militar, narekober ang isang M1 Carbine, backpack, bandolier, at umano’y mga subersibong dokumento ng mga biktima. Ngunit, giit ng mga rebolusyonaryo ay itinanim lamang ang mga armas sa kanila upang pagmukhaing sila ay aktibo pa sa NPA.
Hindi na bago ang iskemang pekeng engkwentro ng mga militar upang pagtakpan ang lantaran nitong pagpaslang sa mga di-armadong sibilyan. Ayon sa Partido Komunista ng Pilipinas, ito ang estilo na ginagamit ng militar sa mga gerilyang hors de combat o wala na sa katayuang lumaban kagaya nina Jorge “Ka Oris” Madlos at Menandro “Ka Bok” Villanueva.
Samantala, nananatiling bundat ang pondong makukuha ng kapulisan at militar para sa 2023 sa ilalim ni Marcos Jr. Nasa P19B ang itinaas ng pondo ng Department of National Defense (DND) habang nasa P820M naman ang sa DILG-PNP at higit P10B ang pondo ng NTF-ELCAC.
Featured image courtesy of GEOCITIES