Desperadong makakapit sa impluwensiya’t kapangyarihan, hayok ang tambalang Marcos-Duterte at mga kasabwat nitong magpatahimik, manindak, at mandahas.
Walang bago sa naratibo na ang kritikal na paglalantad at pagtutol sa kanilang interes ay walang habas na tinutugunan ng panunupil at pagkitil sa lipunang umiinog ang kultura ng impunidad at patayan. Ngunit ito rin ang magsisilbing liwanag sa dilim, lalo sa panahong pilit ginagawang ni Marcos na tama ang mali, talino ang kamangmangan, at liwanag ang ninging.
Pagpatay sa mitsa ng paglalantad
Agarang pagkasawi ang sinapit ni Ka Percy Lapid, o mas kilala bilang “Lapid Fire” ng mga tagasubaybay nito. Gabi ng ika-3 ng Oktubre nang siya ay pagbabarilin sa studio niya sa Las Piñas ng mga di-kilalang suspek sa motibong patlang pa rin ngayon.
Subalit, malinaw sa linyang iginuguhit ni Ka Percy sa kaniyang matatalim na pagkundena sa tinagurian niyang “Digong niyo” o si Duterte at kay Bongbong, politikal ang pagpaslang sa kanya. Salamin din iyon sa kinabukasan ng mga mamamahayag sa ilalim muli ng isang Marcos.
Sa katotohanan, ilang araw bago siya patayin ay binira ni Ka Percy ang redtagger na si Lorraine Badoy at si Vic Rodriguez, na kaaalis lamang sa kaniyang poste bilang “little president” o executive secretary ni Bongbong. Nagsalita rin siya laban sa katiwalian ng matandang Duterte.
Beterano at matapang na brodkaster siya alalahanin ng mga tagasubaybay at mahal sa buhay. Bilang “Lapid Fire,” matatalas ang mga patutsada niya sa mga krimen ng nagdaang pamahalaang Duterte hanggang sa kasalukuyang paghahari-harian nina Bongbong at Inday.
Wala pang 100 araw sa poder si Marcos, inapula agad ang apoy ni Lapid Fire.
Wala pang 100 araw, dalawang mamamahayag na ang pinatay. Sa ilalim ni Duterte, nasa 22. Sa ilalim ni Marcos Sr. higit sa 24 kasabay ng pagpapasara sa malayang pahayagan. Mula 1986, halos 200 mamamahayag na ang pinaslang sa isa sa pinakamapanganib na bansa para sa kanila. Dilim pa rin ang nananaig, bagaman may natatanaw tayong patsi ng liwanag.
Hindi na sapat na patayin na lamang ang mensahe. Kailangan na ring patayin ang mensahero. Ito ang chilling effect na nais ikintal ng estado sa publiko sa pagpaslang kay Lapid.
Silang mga basang posporo
Sa matatalas na asinta ni Ka Percy at nakasusugat na pagkundena ng taumbayan, nagulantang ang pantasya nina Marcos at Duterte na walang lalaban sa kanilang pamumuno.
Nagkakaundagaga sila ngayong magpakalat ng kasinungalingan: mabuti raw ang Batas Militar, nagtatrabaho raw si Bongbong sa 100 days kahit puro party ang inatupag, at kailangan daw ng intelligence funds ng Department of Education. Masaklap pa, lubos na pinamumukha sa mamamayan na si Bongbong na walang alam sa ekonomya ang makakapagresolba sa tumataas na presyo ng mga bilihin at kahirapang pinalala pa lalo ng kanyang ama.
Sa bagay, bayad ng pera ng taumbayan ang pamapasarap ni Bongbong at pamilya niya. Aalingasaw pa rin ito gaano man pagtakpan ni Bersamin. Ang malinaw, binebenta tayo ni Bongbong sa mga dayuhang “investor” upang sila muli ang kumamig ng kita—samantala, wala na namang tunay na pag-unlad sa masang patuloy nilang ikinukulong sa dilim.
Sa kaibuturan kasi, marahas, represibo man o ideolohikal, ang rehimeng Marcos at Duterte. Dama ito sa prayoridad nito sa interes ng mga kauri’t pagbibigay-laya sa kanilang manipulahin ang yaman ng bansa. Samantalang ang mamamayan na lugmok na sa walong oras na trabaho ay binabalik lamang ang kakarampot na sahod sa mga negosyanteng bawas pa ang buwis.
Para sa mga kabataan-estudyante, idagdag mo pa ang edukasyong ang layunin ay gawin silang mangmang. Pinagkakaitan na nga ng makamasa’t inklusibong moda ng pagkatuto, ang magulang nilang manggagawa, magsasaka, at panggitnang-uri ay ang pinagbabayad sa utang ni Duterte at nakaw ng mga Marcos. Ang karahasan, sa ganang ito, ay hindi lang ang terorismo ng pulisya at militar kundi ang araw-araw na estruktura ng kriminal na kapabayaan ng estado.
Marahas, hindi lang dahil dumanak ang dugo ng mga kagaya ni Ka Percy. Marahas ito dahil kabuhayan at buhay ng bawat Pilipino ang dahan-dahang ipinagkakait sa bawat araw na manatili sa poder sina Bongbong at Inday. Marahas dahil ang “unity” ng kanilang uri ay realidad na ipinapataw sa mamamayan hirap na sa mataas na presyo at kawalan ng trabaho.
Itinatampok ng kritikal at alternatibong midya ang mga krisis na nais pagtakpan ang baluktutin ng gubyerno. Ang pamamahayag na para sa masa, na isinasanib sa radikal na pagsisipat sa mga isyu at krisis, ay nagiging boses at giya para sa pangangailangang maging kontra-agos sa mga tagapamandila ng namamayaning kaayusang panlipunan.
Pinatunayan na ang aral na ito ng deka-dekadang naraitibo ng pagsisiwalat ng mga alagad ng midya sa katotohanan at pagkilos ng sambayanang Pilipinong nakapagpatalsik na nga ng diktador at lumalaban sa mga moro-morong “demokratikong” gobyerno ng republika ng bansa.
Kaya naman, sa huli, tila basang posporo ang mga pakana nina Marcos at Duterte na sagupain ang nag-aalab na pagliyab ng nagpupuyos na sambayanan—nagmitsa sa krisis panlipunan at pinaypayan ng bawat martir at mamamahayag na tinanganan ang katotohanan. Pinalalakas lamang ng mga atakeng ito sa malayang pamamahayag ang liwanag sa dilim.
Patuloy na pagliliyab hanggang ganap na umalab
Ang pagpaslang kay Ka Percy ay isa sa ilan pang milyon-milyong buhay na biktima ng karahasan ng rehimeng Marcos at Duterte. Kung gayon, nasindihan na ang mitsa, gaano man kasahol ang kasinungalingan ni Marcos na poprotektahan ang midya. Ang kailangan na lamang ay sustenidong pagliliyab ng galit sa karahasan hanggang ganap na sumiklab sa paglaban.
Kakambal ang walang habas na kahirapan at pandarahas sa masa, ang pagpaslang sa kanya ay balitang hindi namamatay. Ani nga mismo ni Ka Percy, patunay ito ng sistema sa bansang hindi hinahayaang maasinta ang sinumang may kapangyarihan—-paglago ng kultura ng impunidad sa lipunang nag-aanak ng sanga-sanga at palagiang krisis.
Subalit, dapat nilang mabatid: pagliliyabin nito ang pakikibaka para sa karapatang pantao Mana sa ama, tiyak nating magpapatuloy ang paglabag sa karapatang pantao kasabay ng krisis. Titindi rin ang karahasan at kasinungalingan. Kaya dapat umigting rin ang ating paglaban.
Ika nga namin sa SINAG, “only those who wish to live in darkness are afraid of the light.” Sina Marcos at Duterte ay takot sa liwanag dahil nais nilang tayo ay manatiling nasa dilim. Nais nilang hindi natin makita ang katotohanan sa kanila at patuloy natin silang pahintulutan.
Subalit sa huling pagsusuri, ang apoy na pinagliliyab ng mga mapagpalayang mamamahayag, kabataang estudyante, manggagawa, magsasaka, at kababaihan ang mismong susunog sa de-papel na pundasyon ng pagkakaisa nina Marcos at Duterte. Tayo ang liwanag sa dilim!
#DefendPressFreedom
Featured image courtesy of Inoue Jaena