“Tuloy ang laban!”


“Kakailanganin ng panahon para makapag-cope sa pinagdaanang emotional at mental stress na idinulot ng pag-aresto at detain sa amin. Pero malaki at malalim ang iniwan nitong marka sa akin. Lalo akong nabigyan ng dahilang ipagpatuloy ang pagiging mananaliksik at aktibista.

Tuloy ang laban!”

Kara Taggaoa, patungkol sa kaniyang naranasan sa Camp Karingal


Ibinahagi ni Kara Taggaoa, international officer ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at mag-aaral ng Sosyolohiya sa UP Diliman CSSP, ang kaniyang naging panandaliang karanasan sa selda ng Camp Karingal at ang personal na halaga ng Sosyolohiya.

Aniya, agad siyang sinalubong ng mga babae sa custodial facility kung saan siya ipiniit. Ipinakilala sa kaniya ang kalakaran sa loob — may “membership fee” na kani-kanilang binubuno para sa mga kasamang walang dalaw. Ito ay upang mapondohan nila ang mga batayang pangangailangan nila habang nakapiit gaya ng mga sabon at pagkain. 

Malugod siyang pinakilala sa ibang mga kasamahan sa selda ng bise mayora, at itinuring pa umanong “bunso” at “bagong anak” nito. 

Nang matanong patungkol sa kaniyang pagkakaaresto, binanggit ni Kara na siya ay isang aktibista at mag-aaral ng Sosyolohiya. Ibinahagi niya kung ano ang ginagawa ng KMU at ang mga natututunan niya sa Sosyolohiya. 

Naunang naging mag-aaral ng Agham Pampulitika si Kara sa kaniyang pagpasok sa UP Diliman. Noon pa lamang, ayon na rin sa mga kwento ng kaniyang kasama sa League of Filipino Students (LFS), masikhay na aktibista si Kara. Palagi itong nakikipamuhay sa mga komunidad, at nagsimulang maging organisador sa sektor ng mga manggagawa. 

Sa kaniyang paglipat sa departamento ng Sosyolohiya, para sa kaniya, mahalaga ang kaniyang natututunan dito buhat ng pagsisiwalat ng disiplina sa tunay at kongkretong kondisyon ng lipunan. Radikal ang disiplina, kung susumahin sa isang salita. 

Basahin: https://bit.ly/3fZgAAO 

Dagdag sa kaniyang pagiging estudyante, ibinuhos ni Kara ang kaniyang oras sa pag-aaral din kasama ang iba’t ibang sektor sa lipunan. Bilang kasalukuyang international officer ng KMU, pinagtibay ang niya ang pagiging organisador ng mga manggagawa, sa Pilipinas man o ibang bansa.

Bunsod ng insidente noong Hulyo 2020 sa isang pagkilos laban sa Anti-Terror Law sa harap ng Commission on Human Rights (CHR), pinagbintangan sina Kara at si Larry Valbuena na nagnakaw ng baril at nanakit ng isang pulis na naniniktik sa kanila. Maski walang ebidensya, kanila rin daw itong sinaktan. Ito ang ginamit bilang dahilan sa mga kasong “robbery” at “direct assault” na isinampa laban sa kanila.

Ibinahagi ng mga nakasama ni Kara sa selda ang ilang kwento ng kanilang karanasan sa pagkakapiit doon, lalo na sa kawalang-awa ng mga kapulisan. Anila, mayroon noong isang matandang babaeng ikinulong na dumaranas noon ng sakit. Wala na raw itong baga. Kamamatay lang din ng matandang babae noong isang araw, dahil na rin sa kapabayaan.

Pagsasalaysay ng nakausap ni Kara, “walang awa ang mga pulis. Para na rin nila nanay iyon.”

Hindi na rin naman bago sa pwersa ng estadong magkulong ng ninuman, kahit pa may sakit ito o matanda na. Sa aktwal, kalakhan ng mga pulitikal na bilanggo ay mga senior citizen, may sakit, at kababaihan. Ayon sa datos ng Karapatan, sa ilalim ng termino ni Duterte (Nobyembre 2021), nasa 64 ang mga matatanda, 99 ang may sakit, at 133 ang kababaihan. 

Isa na rito ang magsasakang si Antonio Molina, 67-anyos, na inaresto noong 2019 sa gawa-gawang kaso ng “murder,” “illegal possession of firearms,” at pinaratangan ding miyembro ng NPA. Marso 2021 nang siya ay madiagnose ng Stage 4 na stomach cancer. Sa kabila ng pag-aapela para sa kaniyang paglaya, hindi ito pinayagan ng Puerto Prinsesa RTC. Siya ay namatay noong Nobyembre 2021.

Nitong nakaraan nga lamang, hinostage si dating Sen. Leila de Lima na limang taon nang nakapiit kahit pa man itinanggi na ng mga saksi noon ang mga paratang sa kaniya. Nakaranas ng ibayong pagkabalisa si De Lima, at patuloy ang panawagan sa kaniyang paglaya.

Sa kaso ni Kara, bagaman lubusang nakaapekto sa kaniyang disposiyon ang pag-aresto at pagpataw ng gawa-gawang kaso, pinagtibay ng kaniyang pakikisalamuha sa mga babaeng bilanggo noon sa Camp Karingal ang loob niya bilang isang aktibista at mananaliksik, sa kabila ng dagok sa mental health at kaso.

Sa katotohanan, sa pagpoproseso ng paglaya nina Kara at Larry ay nakaranas pa ng halos tatlong oras na aberya sa pagpapalabas ng kapulisan kahit pinalaya na ng korte nang makapagpyansa. Dagdag dito, pinabulaanan ni KMU chair Ka Bong Labog ang sinabi ng kapulisang noon pa raw inihain ang warrant of arrest at kasalanan pa raw nina Kara at Larry na hindi sila agad nakapagpiyansa. 

Taliwas dito, ika-27 ng Setyembre lamang noong pormal na natanggap ang warrant laban kina Kara at Larry sa gawa-gawang kasong “robbery,” bagaman ika-9 ng Disyembre, 2021 ang petsang nakalagay aa dokumento. Samantala, huli na nang inihain ang Warrant sa pag-aresto sa kanila noong ika-10 ng Oktubre sa kaso namang “direct assault” na walang warrant. 

Ani Labog, ang pag-aresto kina Kara at Larry ay isang klarong pandarahas sa sektor ng mga manggagawa at pagharang sa karapatan at panawagan ng sektor. Kanila daw tutugunan ang mga atake ng pwersa ng estado sa paghahain ng counter-charges laban dito. 

Bagaman nakalaya na, nananatili ang pagkalampag ng KMU, mga estudyante, at iba pang sektor ang ganap na pagbabasura na sa mga gawa-gawang kasong isinampa laban kina Kara at Larry. 

#StopTheAttacks

Featured image courtesy of Kodao Productions

Aral sa Aresto

A Department of Injustice

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *