Numero uno para kanino?


Kahit ano pang unibersidad ang numero uno sa rankings, isa lamang ang tiyak: hangga’t ranggo sa merkado ang batayan ng husay, maeetsapuwera ang paglilingkod sa masa. 

Sa isang Facebook post, tanong ni Dr. Ramon Guillermo, Direktor ng Center for International Studies at dating UP Faculty Regent, “Bakit tayo manlulumo?”. Ikinabahala (at ikinatuwa) kasi ng marami ang pagbaba nang pwesto ng Unibersidad ng Pilipinas sa Times Higher Education-World University Rankings (THE-WUR) na lumabas kamakailan. Ngunit para kay Guillermo, hindi dapat tayo magpabitag sa ranggo-sentrismo, o ang pagsamba sa rankings, dahil hindi naman nito nasusukat nang buo ang kalidad ng edukasyon ng isang unibersidad. 

Hindi lang si Guillermo ang kritikal sa labis na pagpapahalaga sa mga rankings gaya ng THE-WUR. Ayon sa ilang propesor, masyadong pinapahalagahan ng mga ranking ang “internasyunalisayon.” Kung susuriin ang pamantayan ng mga naturang ranking, imbes na tumingin sa panlipunanghalaga ng pamantasan at pananaliksik nito, nilalagay ang bigat sa pagiging tanyag, epektibo, at napapagkitaan ng unibersidad bilang primaryang salik. 

Nasa 30% na bigat ng kabuuang iskor ang tumutukoy raw sa paraan ng pagtuturo na sinukat lang sa reputasyon ratio at hindi kalidad habang pinahahalagahan rin ang income o kita ng unibersidad. Nasa 30% din, halimbawa, ay nakasalalay sa paglathala ng mga guro ng unibersidad sa mga reputable journal na nasa talaan ng Kanluraning Elsevier at Scopus.

Higit kalahati ng talaan nito – na ginagamit bilang tanging sukatan ng kalidad ng pananaliksik – ay binubuo ng mga journal mula sa US at UK, habang apat lamang ang naglalathala ng artikulo sa Filipino. Lamang na lamang kaagad ang mga unibersidad sa Kanluran, at may tulak na rin ang mga unibersidad sa Pilipinas na gumaya sa mga ito. Kasabay ng kalakarang “publish or perish” sa akademya, naliligaw sa makabayang tunguhin ang kolonyal na edukasyon.

Hindi na ito bagong puna. Sa katunayan, 2000 pa lamang ay tinuligsa na ito ni Guillermo, bunga na rin ng parehong pagkabahala ng unibersidad dahil nahuhuli noon sa rankings. Sabi niya nga, “Bakit kailangang tanggapin ang pamantayan hinggil sa “kabuluhan” na itinatakda ng mga “intemasyonal na dyornal” na ito kung may mga sariling bagay na dapat pagkaabalahan ang mga syentistang Pilipino tungo sa higit na pagpapaunlad ng kanilang sariling bansa? … Klasikong sintomas ng kaisipang kolonyal ang palaging paghahanap ng basbas ng mga dating Panginoong Kolonyal sa lahat ng mga “katutubong” gawaing intelektwal.”

Ito din ang pananaw ni Prop. Gerardo Lanuza, propesor ng Sosyolohiya at tagapagsalita ng Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND). Aniya, hindi sambayanan ang nakikinabang sa internasyonalisasyon ng pananaliksik na prayoridad ng THE-WUR, kundi mga banyagang kumpanya at institusyon. Hindi naman sinusukat ng ranking ang ambag ng mga unibersidad sa bansa; nakapokus lamang ito sa nailalathala sa malalaking journal at mga mapagkakakitaang ambag sa industriya. 

“The criteria of the ranking are tilted towards neoliberal academic market demands: profits, citations, and publications. Should UP now move towards embracing the neoliberal demands? No! Its mandate is to serve the public, be the beacon of the nation for social transformation, and academic excellence without bowing to the pressures of capital accumulation – symbolic, cultural or otherwise,” ani Lanuza.

Numero Uno

Bagamat hindi dapat manlumo dahil lang sa pagbaba ng UP sa rankings, nakababahala pa rin daw ito dahil sa posibleng maging epekto sa pamamalakad sa unibersidad. Nangangamba si Guillermo na marahil, sa kagustuhang makabalik sa tuktok ng listahan, isantabi pa lalo ng UP ang kinakailangang reporma sa UP para mapataas ang iskor sa susunod na THE-WUR. 

“Maaari itong mangahulugan ng pagbibigay ng lalo pang malalaking insentibo para sa pag-publish at pagkuha ng mataas na bilang ng citation sa mga “high impact journal” na sakop ng mga listahan ng Elsevier at Thomson Reuters. Maaaring tuluyang pilitin na ang mga guro sa lahat ng disiplina na maglathala sa ganitong mga journal para makakuha ng mga award, grant, promotion o tenure. Maaaring tuluyan nang balewalain o maliitin ang paglathala ng mga artikulo sa mga journal na inilalathala lamang sa Pilipinas na wala sa mga nabanggit na talaan.

Matagal na itong nangyayari sa iba’t-ibang pamantasan sa bansa. Deka-dekada nang batayan ng promosyon at tenure ang publikasyon sa mga banyagang journal. Sabi ni Dr. David Michael San Juan ng De La Salle University, nagdudulot ito ng pananatiling dominante ng Ingles sa pananaliksik, pag-etsapuwera sa mga journal na nakasulat sa Filipino, at pagkunsinti sa tinatawag na “predatory publishing,” o pananaliksik na mapagsamantala sa mga mananaliksik at unibersidad.  Ngunit kung masyado ngang pahahalagan ang mga ranking, lalo pa itong lalala. 

Mauugat ito sa polisiya ng Commission on Higher Education. Imbis na itaguyod ang mga journal sa sariling bansa at suportahan ang mga proyektong mas makatutulong sa sambayanan, iskor pa rin sa mga pandaigdigang ranking ang nasa isip ng ahensya. Noong 2015, bagamat inamin nilang hindi naman talaga epektibong sukatan ng kalidad ang mga naturang ranking, iginiit pa rin nila ang halaga ng tinatawag nilang “ranking game” para mapataas ang reputasyon ng mga unibersidad sa bansa. Ito din ang sinabi ni CHED Chairperson Prospero De Vera na “kailangang itanghal ng mga unibersidad sa Pilipinas ang husay nito sa mundo.”

Katulad ng THE-WUR, internasyonalisasyon din ang batayan ng CHED sa kalidad ng unibersidad. Sa CHED Memorandum Order No. 55 s. 2016 nakalahad ang estratehiya ng ahensya sa lalong pagbibigay-diin sa interes ng ibang bansa: pagbibigay ng suporta batay sa antas ng internasyonalisasyon ng unibersidad, pagbibigay ng prayoridad ng pagpopondo sa pananaliksik para sa ibang bansa,  at marami pang iba.  Muli, bahagi ito ranggo-sentrismo, pati na rin ang mas malaking isyu: ang paglalako ng edukasyon ayon sa pandaigdigang pamilihan. 

Aminado din naman ang CHED at ibang institusyong pang-edukasyon na ito ang prayoridad nila. Noong 2017, igniit ni dating CHED Chairperson Patricia Licuanan, kasama nina dating DepEd Secretary Leonor Briones at TESDA Director General Guiling A. Mamondiong, ang halaga ng pakikilahok ng bansa sa pandaigdigang pamilihang pang-edukasyon. Kitang-kita din sa pagkahumaling nila sa “pandaigdigang batayan” at pagsunod sa mga polisiyang pang-edukasyon ng mayayaman na bansa. Lahat ng ito ay para mailako sa mga dayuhang mag-aaral at makalikha ng murang lakas-paggawa para sa mga banyagang kumpanya – hindi para sa interes ng sariling bansa. Naghahabol sila ng mga ranggo at parangal dahil patunay itong nagagampanan nila ang tungkulin nilang gawing lalong kolonyalisado ang edukasyon. 

“Malinaw na nakatuon ang lahat ng pamantayan ng mga internasyonal na ranking sa marketing sa pandaigdigang pamilihang pang-edukasyon. Ito ba ang dapat pagkaabalahan ng isang pampublikong unibersidad sa isang bansa katulad ng Pilipinas?” 

Kung mayroon mang halaga ang pagraranggo ng THE-WUR, kakarampot lamang ito – mga 12.75%. Para kay Guillermo, tatlo lamang sa napakaraming batayan ng THE-WUR ang talagang may saysay sa Unibersidad at dapat pag-ibayuhin: staff-to-student ratio (4.5%), doctorate-to-bachelor’s ratio (2.25%), doctorates-awarded-to-academic-staff ratio (6%). Subalit dapat umigpaw pa rin ang mga pamantayang ito sa usapin ng numero at magtuon ukol sa kalidad ng pagtuturo dahil sa katunayan ay repleksyon din ito ng pondong inilalaan sa edukasyon—kaso may budget cuts pa nga pala sa 2023!

Katulad ng lahat ng bagay sa unibersidad, kailangan ng sapat na pondo para paunlarin itong mga ito. Ngunit ngayong patuloy na ginigipit ang Unibersidad, saan kukunin ang pondo? Nakaumang ang 2-bilyong piso na tapyas sa badyet ng Unibersidad sa susunod na taon. Kung lalong maghahabol ng iskor ang unibersidad para makabalik sa tuktok ng susunod sa THE-WUR, tiyak isasantabi na naman ang mahahalagang paggastusan. Ibubuhos lamang ang pondo sa internasyonalisasyon o lalong pagtalima sa hinihingi ng merkado at hindi ng masa. 

Sa pagkaalipin sa ranggo-sentrismo at pagkahumaling sa internasyunalisasyon, kailangang mamili ng unibersidad sa pinakamahalagang tanong: para kanino nagsisilbi ang edukasyon?

Para Kanino?

“Imbes na lalo pang magpaalipin sa mga pamantayan ng mga ranking na ito, dapat atupagin ng administrasyon ng UP ang mga bagay na tunay na pinakamahalaga,” sabi ni Guillermo. Mas dapat daw bigyang pansin ang pagpapahusay ng pagtuturo ng mga guro. Bahagi nito ang pondo para sa patuloy na pag-aaral at insentibo para sa mga propesor na patuloy na nagpapakahusay sa kanilang itinuturo o pedagogy. 

Gayundin, dapat palakasin ang gawaing reserts sa bansa. Dapat daw magtatag ng mga  journal sa Pilipinas at lalong palakasin ang mga kasalakuyang naglalathala sa bansa. Mungkahi din ang pagkakaroon ng mga pang-eryang journal sa Timog-Silangang Asya. Mahalaga din ang pagwaksi sa burukrasyang pahirap sa mga mananaliksik. 

Mungkahi din niya ang paggamit ng mga bagong panukat para sa kalidad ng pananaliksik. Imbis na umasa sa mga talaan katulad ng Elsevier na puno ng internasyonal na journal, kailangan ding pahalagahan ang mga journal sa Pilipinas na maraming prinoprodyus ang UP mismo. Maliban sa pagbalikwas sa Euro-Amerika-sentrikong sukatan ng kalidad, mas masusukat din nito ang panlipunang ambag ng mga pamantasan sa pagbubuo ng bansa. 

Huli, dapat daw ay tiyakin ng UP na pinagsisilbihan nito ang pangangailangan ng bansa at ng mga Pilipino, patuloy na igiit ang kalayaang pang-akademiko at itakwil ang mga pag-atake ng estado, at bigyan ng maayos na kondisyon sa pagtatrabaho ang lahat ng guro at kawani ng pamantasan. Ito ay lalo’t public service universityang UP.

Dahil sa pagkahumaling nito sa internasyunalisasyon at pangangailangan ng merkado, hindi nasasapul ng THE-WUR ang esensya ng ambag ng UP. “Nagkukulang ang mga internasyonal na ranking na ito sa pagkilala sa pangkabuuang integridad ng UP bilang isang institusyong panlipunan, pangkomunidad, pangkultura, at pang-agham na may mahalaga at natatanging papel na pangkasaysayan para sa bansa,” ani Guillermo.

Laging mauuwi ang labis na pagkahumaling sa THE-WUR at iba pang pandaigdigang pagraranggo sa pagkabigo. Kailanman, hindi masusukat ng mga banyagang kumpanya at institusyon ang ating dangal at husay kung ang nakikita lamang nito ay ang sariling kapakinabangan. Palaging mauuna ang pangangailangan ng pamilihan; palaging mahuhuli ang tunay na mahalaga: ang paglilingkod sa sambayanan at pagbubuo ng talinong-bayan. 

Imbes na lalong magpaalipin sa kahingian ng internasyonalisasyon, mas dapat ngang bumalikwas ang mga Iskolar ng Bayan sa ganitong tipo ng “edukasyon.” Higit na napaglilingkuran ng UP ang sambayanan kapag tinatalikuran nito ang interes ng merkado at isinusulong ang interes ng masa na siyang layunin dapat ng mga pamantasan.

Kaya naman ang panawagan ngayon sa mga mag-aaral ay hamunin ang nakagawiang mga ideya at prayoridad.  Sabi nga ni Guillermo sa isang lektyur kamakailan, malinaw sa progresibong bahagi ng kasaysayan ng UP ang mga Iskolar na bumalikwas at nanindigan laban sa mga ideyang hindi makamasa. Ito rin daw ang dapat gawin ng mga mag-aaral at guro ngayon: maging kritikal o kontra-hegemoniko hindi lamang sa mga ranking na ito, kundi sa lahat ng ideyang nagpapanatili ng kasalukuyang pagkakaayos ng lipunan, gaya ng neoliberalismo. 

Para dito ang panawagan ay tumungo ang mga Iskolar ng Bayan sa komunidad, hanggang kanayunan. Doon, at hindi sa komersyalisadong klasrum, natututuhan ang tunay na kalagayan ng lipunan. Dito, at hindi sa Euro-Ameriko-sentrikong pamantayan ng THE-WUR, masusukat ang pagkatuto ng estudyante at ang husay ng unibersidad. Dito, at hindi sa anumang ranking o parangal, napalilitaw ang rurok ng husay ng kabataan at naipakikita ang tunay na halaga ng UP. 

Sabi nga ni Guillermo, “walang kinalaman ang mga [rankings na] ito sa pinaka-importanteng misyon ng UP: ang pagtatanghal ng husay at dangal sa paglilingkod sa sambayanang Pilipino.” 

Featured image courtesy of PhilStar Global

Makabayan, pinaaalis ang VAT sa ilang batayang bilihin

#BalikPamantASan, iginiit sa ikalawang F2F Technical Committee Meeting

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *