Rumaragasang paglaban ang sagot sa rumaragasang krisis


Rumaragasang krisis panlipunan ang dulot ng kapalpakan ng mga mandarambong sa gubyerno na sinagupa ng mga welgistang tsuper, at hindi na ito mapagtatakpan ng kanilang pandarahas at panloloko. 

Dapat lamang silang matakot, dahil napatunayan na ng kasaysayan – at patutunayan muli ngayon – na ang lumalawak at lumalakas na hanay ng nagngangalit na sambayanan ay signos na ng tiyak na pagbagsak ng nasa poder. 

Bagamat hindi pa tuluyang naipababasura ang public utility vehicle (PUV) Phaseout, malaking tagumpay ang dalawang araw na tigil-pasada ng mga tsuper sa buong bansa. Hindi pa nga nagsisimula ang welga, napausog na agad ang deadline ng pagkonsolida ng prangkisa. Matapos maparalisa ang halos lahat ng pangunahing ruta ng transportasyon sa Metro Manila at karatig lalawigan, napilitan ang Malacanang na magpatawag ng dayalogo sa mga grupong pantransportasyon at tiyakin sa mga ito na pakikinggan sila sa muling pagsasaayos ng programa para sa modernisasyon. 

Patunay ang mga tagumpay na ito na kahit anong pangmamaliit at panghahamak ng estado, gumagana talaga ang welga, at hindi titigil ang taumbayan sa pagkalampag sa mga nagbibingi-bingihan hangga’t hindi ito napakikinggan. Ngunit higit sa antas ng polisiya, mas malaking tagumpay ang pagkalantad sa takot ng mga nasa poder at ang kawastuhan ng welgang bayan at protesta.

Si Sara Duterte na walang kibo pagdating sa kongkretong polisiya na tutugon sa krisis ng edukasyon, agad-agad naglabas ng pahayag para maliitin ang mga tsuper at ired-tag ang mga grupo katulad ng PISTON at Alliance of Concerned Teachers. Sinisi niya pa ang mga ito para sa mawawalang ilang araw ng pagkatuto ng estudyante. Hindi niya man lang kinilala na taon ng pagkatuto ang nawala dahil sa palpak na pamamalakad noong pandemya ng kaniyang ama at ng palpak niya rin mismong pamumuno sa Kagawaran ng Edukasyon na inuuna ang paniniktik sa mga guro at pambebrainwash sa mga mag-aaral kaysa ayusin ang pagkatuto.

Nagbanta rin ang LTFRB na tatanggalan ng prangkisa ang mga tsuper na pipiliing sumama sa welga. Anila, nilabag daw nila ang kanilang mga prangkisa dahil ilang araw nilang ipinagkait ang serbisyo nila sa mga komyuter. Ngunit hindi ba’t gobyerno ang lumabag sa panlipunang kontrata nito mailako lamang ang mga “modernong” jeep ng dayuhan at malaking negosyo kapalit ng barya-baryang kita ng tsuper at opereytor?

Ginamit din ang 18,000 na pulis na naka-deploy sa Metro Manila noong araw na iyon para takutin at gipitin ang mga welgistang tsuper. Nagtala ng kaliwa’t-kanang kaso ng paniniktik, paninindak, at panghuhuli pa nga sa gawa-gawang kaso sa maraming strike center sa iba’t ibang bayan: sa Katipunan, Sta. Mesa, Pedro Gil, Alabang, at marami pang iba. Muling ginamit ng duwag na estado ang kapulisan “to serve and protect” – hindi para sa mga tsuper, kundi para paglingkuran at protektahan ang mga makikinabang sa pag-agaw ng prangkisa mula sa maliliit na operator at pagbibigay nito sa malalaking korporasyon at kooperatiba na hakbang sa lalong pribatisasyon ng pampublikong transportasyon.

Ngunit hindi naman naapula ng panggigipit na ito ang galit ng masa; nagbigay lamang ito ng mas maraming dahilan para bumalikwas. Pinakita lamang nito na hindi na maitanggi nina Marcos at Duterte ang lumalalang krisis at ang kanilang kapalpakan. Pinakita din nitong maging sina Marcos at Duterte, natatakot na sa namumuong lakas ng taumbayang magpapabagsak sa kanila. 

Kaya naman, matapos ang matagumpay na paglalantad ng mga welgistang tsuper ng karuwagan at desperasyon nina Marcos at Duterte, dapat lalo pang ipakita ng kilusang masa ang pwersa nito. Katulad ng tigil-pasadang sumalubong sa kontra-tsuper na PUV phaseout, dapat ding salubungin ng bawat sektor ang lahat ng hindi makataong polisiya ng kasalukuyang rehimen.  Dapat dalhin ang nabuong ahitasyon sa iba pang laban ng sambayanan tungo sa mas marami pang tagumpay. 

Dapat dalhin ang ahitasyong ito sa pagtutol ng mga kabataan sa iniraratsadang Mandatory ROTC sa kamara. Sa gitna ng matinding krisis ng edukasyon, hindi hahayaan ng kilusang kabataan-estudyante na ang tanging sagot na naman ng kamara ay militarisasyon. Sa kabila ng kawalan ng  pondo para sa sweldo ng guro, maayos na klasrum, at tulong-pinansyal para sa mga estudyante, gusto nilang ibuhos ang higit P61 bilyon sa programang wala namang maidudulot kundi banta ng karahasan at pang-aabuso. 

Hindi man binibigyan ng pagkakataong magsalita ang kabataan sa mga talakayan ukol sa Mandatory ROTC, paano sila magbibingi-bingihan kung sa labas naman ng Kongreso At Senado ay libo-libong kabataan na inirerehistro ang kanilang mga panawagan—sa parlamentaryo ng lansangan, ng tunay na demokrasya?

Gayundin, dapat dalhin ng mga manggagawa ang galit na ito upang kalampagin ang Malacañang sa na walang ginagawa sa palugmok na ekonomiya. Paunti nang paunti ang kayang bilhin ng mahihirap dahil habang nakapako ang sweldo, pumalo na ng 8.6% ang implasyon sa huling ulat ng gobyerno. Milyon-milyon pang Pilipino ang nawawalan ng trabaho, habang wala pa ring malinaw na plano ang rehimeng Marcos upang tugunan ang kanilang mga pangangailangan. 

Kahit ilang dekada nang iniitsapuwera ng estado ang panawagan ng mga manggagawa, paano nila ito maisasantabi kung palawak na nang palawak ang hanay na nagmamartsa sa Mendiola? 

Higit sa lahat, dapat gamitin ng sambayanan ang galit na ito upang itakwil ang Charter Change na ipinipilit ng mga kampon ni Marcos. Imbis na tugunan ang mga kagyat na pangangailangan ng masa, ang inuuna pa nila ay lalong pagbuyangyang ng ating ekonomiya sa mga dayuhan at pagkonsolida ng kanilang kapangyarihan. 

Kahit paulit-ulit nang sinasabi ng mga eksperto na hindi ito ang sagot sa kasalukuyang krisis, ito pa rin ang prayoridad ng mga mambabatas at ang mga kumukumpas sa likod nila. 

Ngunit anumang pwersa ang nasa likod nito, paano ito makakapasa kung sasalubungin ito ng nagkakaisang hanay ng masa? Kung, sa lahat ng larangan ng pakikibaka, ipapakita nilang isinusuka nila hindi lamang ang charter change, kundi ang lahat ng kontra-mamamayang polisiya ng kasalukuyang rehimen? 

Napatunayan na – at muli pang patutunayan sa mga susunod na buwan – na gumagana ang kolektibong pagkilos. Ang duduluhin nito ay hindi lamang pagtutol sa bawat kontra-mamamayang polisiya ng estado, kundi ang pagpapabagsak sa mga nasa kapangyarihang kontra-mamamayan din mismo. 

Nagpupuyos sa galit at nakataas ang mga kamao, papalapit nang papalapit ang malawak  na hanay ng masa. ”Ayan na ang sambayanan”, sigaw nila, at nandito sila para maningil. 

Sa gitna ng rumaragasang unos, raragasa rin ang mga paglaban. Kaya dapat lamang na matakot sina Marcos at Duterte sa atin dahil simula pa lang ang isa na namang sigwa sa unang kwarto ng taon.

Patuloy na pambobomba sa Kalinga, pinangangambahan ng mga residente

Mga kabataang hinuli sa Tinang, tinitiktikan pa rin ng mga ahente ng estado

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *