Umalma ang Free Tinang Farmers and Advocates Network matapos makatanggap ng mga ulat ng sunod-sunod na pagbisita ng mga nagpapakilalang miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa mga kabataang kabilang sa malawakang pag-aresto sa Tinang 83.
Ayon sa ulat, katuwang ng AFP at NTF-ELCAC ang mga opisyales ng kani-kanilang mga Barangay upang kumbinisihin silang “makipagtulungan” o “itigil ang paglaban sa gobyerno.”
Dagdag nila, tinutulungan din ng mga ito ang AFP at NTF-ELCAC sa paghahanap ng tahanan ng mga biktima sa pagbibigay ng mga personal na rekord at mugshot.
Ayon sa isa sa mga biktima na mag-aaral din sa UP Diliman, binibigyan ng partikular na atensyon ng mga ahente ng estado ang mga kabataang aktibista sa rehiyon.
Kasalukuyang nangangamba ang mga biktima dahil sa maraming kaso ng paglabag ng mga ahente ng estado sa karapatang pantao.
Kinundena naman ng mga progresibong grupo ang pag-atake, na anila’y pagpapatuloy lamang ng pasismo ng rehimen.
“Malinaw na sa tumataas na presyo ng mga bilihin at kabi-kabilang krisis panglipunan, mas inuuna ng estado ang walang habas na pasismo sa bawat progresibong grupo o indibidwal. Instrumento nito ang mga militar at pwersa ng mga komunidad (katulad ng baranggay) para patuloy na atakehin ang kabataan,” sabi ng Panday Sining Pampanga sa isang pahayag.
Marahas na sagot sa paggiit ng karapatan
Hanggang ngayon, tuloy ang laban ng mga hinuli para sa tuluyang pag-abswelto at pagpapanagot sa mga humuli sa kanila.
Noong Hunyo 9, 2022, marahas na hinuli at kinulong ang 83 na kalahok – mga magsasaka, mamamahayag, estudyante, at iba pa – ng isang Bungkalan sa Barangay Tinang, Concepcion, Tarlac.
Layunin ng Bungkalan, sa pangunguna ng MAKISAMA-Tinang, na igiit ang karapatan ng mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa lupa ng Hacienda Tinang na 27 taon nang ipinagkakait sa mga magsasaka sa lugar.
Kahit 1995 pa lamang ay dapat natamasa na nila ang benepisyo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa nasa 200-ektaryang lupain, ngunit hanggang ngayon, hindi pa rin ito naipapamahagi sa kanila.
Noong 2016, binigyan din sila ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA) ng Department of Agrarian Reform, ngunit hinarang pa rin daw ito kaya hanggang ngayon ay hindi napapasakanila ang lupa.
Noong 2018 at 2019 naman, iniutos ng DAR sa isang writ of execution na ipamahagi ito, ngunit hindi pa rin napatupad, kaya nagpatuloy pa rin ang pakikibaka ng mga benepisyaryo ng repormang pang-agraryo.
Kaya naman noong Hunyo 9, katulad ng nakagawian, payapang nagtatanim ng gulay ang mga nasa Bungkalan, ngunit biglang dumating ang higit 100 na pulis upang marahas na patigilin ito at hulihin ang mga kalahok.
Sinampahan ang mga kalahok ng kasong Illegal Assembly, Malicious Mischief, at Obstruction of Justice ang mga biktima bago idinetine sa kulungan nang ilang araw bago sila nakapagpiyansa.
Noong sumunod na linggo, dinagdagan pa ng mga kasong Obstruction of Justice, Usurpation of Real Property, at Disobedience to Persons of authority ang Tinang 83.
Salaysay ng mga biktima, ipinagsiksikan ang 50 katao sa isang selda at hindi makatao ang kondisyon sa loob ng kulungan nila.
Giit ng mga progresibong grupo, naipakita ng nangyari sa Tinang na huwad ang repormang pang-agraryo na ipinagmamalaki ng gobyerno.
“Deprived farmers are faced with violent reprisal when they assert their rightful claim to land. This exposes CARP as intrumental to landlords while majority of our farmers remain landless, poor, and hungry. Moreover, we call for the immediate release of the farmers and their supporters who were baselessly arrested as well, hold Noel Villanueva and the police accountable,” sabi ni Cathy Estavillo, Amihan secretary-general.
Kinundena rin ni Felino Cunanan Jr., yumaong tagapangulo ng MAKISAMA, ang nangyaring paghuli dahil pinagmukha nitong kriminal ang mga magsasaka.
“Ang magbungkal ay hindi krimen, ang magbungkal ay makatarungan, ang magbungkal ay marangal, ang magbungkal ay karapatan!” aniya.
Tinang 83, tuloy ang laban para sa hustisya
Matapos ang ilang linggo, nakamit din naman ng mga biktima ang panimulang tagumpay nang pansamantalang ibasura ng korte ang kaso para matukoy ng DAR kung ito ay “agrarian dispute,” na wala sa saklaw ng korte.
Gayundin, pinagpapaliwanag na ng korte ang mga PNP Concecpion para sa marahas na pag-aresto sa Tinang 83 matapos magsampa ang mga biktima ng kaso.
Higit pa rito, nangako si DAR Secretary Conrado Estrella III noong Pebrero 7 na sa loob ng 45 araw ay maibibigay na ang lupa sa mga benepisyaryo ng repormang pang-agraryo.
Ngunit hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin tuluyang nagbababa ng mga desisyon ukol dito.
Higit isang linggo matapos mangako ni Estrella, nagpadala ng liham si Municipal Agrarian Reform Officer Nestor Calma ng liham na nagsasabing ibinalik ang proseso sa identipikasyon ng mga benepisyaryo – ang unang hakbang sa pagpapamahagi ng lupa.
Ulat ng MAKISAMA – Tinang, inilista sila bilang potensyal pa lamang na claimant kahit nakalista sila bilang may-ari sa titulo ng CLOA na ibinigay noong 2016 at nakapasa naman na sila sa revalidation para maging kwalipikadong benepisyaryo.
Giit ng organisasyon, hinaharangan pa rin ng pamilya ni Noel Villanueva, alkalde ng Concepcion, at ng Tinang Samahang Nayon Multipurpose Cooperative Inc., ang kooperatibang kontrolado nito, ang pagpapamahagi ng lupa.
“Malinaw na panlilinlang, maniobra, at sabwatan ito ng panginoong may lupang pamilya Villanueva at MARO Nestor Calma,” anila sa kanilang pahayag.
Ngunit hanggang ngayon, kahit matagal nang ipinagkakait sa kanila ang mga lupain ng Hacienda Tinang, umaasa pa rin ang mga magsasaka na balang-araw, makakamit nila ang hustisya.
Patuloy na nagkakasa ng mga kilos-protesta ang organisasyon, at sinisingil pa rin ang DAR sa pangako nito.
“Ito din ang gintong aral ng dakilang pag-aalsang bayan noong 1986. Kung magkakaisa, kung magsasama-sama ang aping mamamayan, walang pasista at ganid, gaano man ka-makapangyarihan sa ekonomiya at pulitika, ang di kayang patalsikin!”
Hamon ngayon ng organisasyon sa estado: ipamahagi na sa kagyat ang lupa sa sa mga ARB at wakasan na ang pag-atake sa mga lumalaban para sa tunay na reporma sa lupa.
Ang larawan ay mula sa ABS-CBN News
.