Hindi maisasantabi ang madugong kasaysayan ng ROTC


Pilit na ibinabaon sa limot ng mga nagsusulong ng Mandatory ROTC kung paanong naging pugad lamang ito ng karahasan. Ngunit kaya nga bang tabunan ng kanilang mga dahilan ang madugo nitong nakaraan? 

Ngayong araw, 22 taon na nang patayin ng mga kadete ng Reserve Officers Training Course (ROTC)  si  Mark Welson Chua, isang 19-taong gulang na estudyante ng University of Santo Tomas. Isiniwalat ni Chua, kasama ng isa niya pang kapwa kadete, sa isang artikulo ng The Varsitarian ang korupsiyon at hazing sa ROTC.  Nailathala ang artikulo noong Pebrero 21, 2022, at nagbunga ito sa pagtanggal kay UST-ROTC commandant Maj. Demy Tejares at iba pang opisyal.

Wala pang isang buwan matapos mailathala ang artikulo, noong Marso 16, nakatanggap ng tawag ang kanyang ama kung saan may humihingi umano ng 3 million peso na pantubos kapalit ng buhay ng binata. Pagdating ng Marso 19, iniulat na ng isang dyaryo ang nabubulok na katawan ng isang hindi makilalang lalaki sa ilog Pasig. Ilang linggo matapos ang nangyari, lumitaw ang ilang mga saksi at sinabing mga “tila-sundalo” na naka-”crew cut” ang huling nakita kasama ang bangkay. Tatlong taon matapos, hinatulan ng isang korte sa Manila si ROTC cadet Arnulfo Aparri Jr. ng kamatayan na naging panghabang buhay na pagkakulong dahil sa pagtanggal sa death penalty noong 2006. 

Dahil dito, at sa marami pang ibang naitalang kaso, tinanggal na ang pagiging sapilitan ng ROTC.

Noong nakaraang Disyembre 2022, inaprubahan ng House of Representatives ang panukalang muling pipilitin ang mga estudyante ng kolehiyo na sumailalim sa National Citizens Service Training, nagkukubling Reserved Officers Training’ Corps o ROTC.

Sa Senado naman, hindi na sila nahiyang tawagin itong Mandatory ROTC; tahasang itinutulak ng mga kaalyado ng administrasyon sa Senado ang pagbabalik ng sapilitang pagsasanay na mala-militar sa kabila ng kasaysayan nito ng karahasan. Malinaw pa ngang isinantabi ang boses ng kabataan na halos ayaw paupuin sa mga pagdinig ng panukala sa Senado.

BASAHIN: https://sinag.press/news/2023/01/24/anti-student-anti-youth-bato-is-afraid-of-being-exposed-nusp/

Tila kinalimutan na ang madugong kapalaran ni Mark Chua. Anu-ano nga ba ang mga argumentong pinanghuhugutan ng mga Kongresista’t Senador para burahin ang kanyang pangalan? 

#1. Mapapalakas ng ROTC ang pagtugon sa kalamidad

Iginigiit ng mga nagtutulak ng Mandatory ROTC, hindi naman talaga ito tungkol sa militarisasyon; sa bagong porma ng batas, mas bibigyang-diin daw ang mga gawain tulad ng pagtulong sa mga komunidad na masasalanta ng matitinding kalamidad katulad ng lindol at bagyo. 

Ngunit, kung hindi naman militarisasyon ang pangunahing pakay, bakit pa kailangang idaan sa Mandatory ROTC, at bakit kailangang sapilitang ipasailalim ang mga estudyante sa institusyong may mahabang kasaysayan ng karahasan? Maliban pa sa ginawa ng mga kadete kay Chua, marami pang kaso – naitala man o hindi – ng pisikal at sikolohikal na pang-aabuso dahil sa ROTC., at maging sa ibang antas ng pagsasanay-militar. Bakit pa bibigyan ng bagong dahilan ang mga militar na manghimasok sa mga kampus – na palagi nilang ginagamit upang maniktik at manindak ng mga progresibong indibidwal at pormasyon – kung disaster response lamang ang nais nilang ituro?

Higit pa rito, ito na rin naman ang itinuturo ng National Service Training Program. Sa pagtatapos ng NSTP, nagiging bahagi ang mga estudyante ng National Service Reserve Corps, na tutugon sa parehong gawain kahit wala sa kamay ng militar. Hindi ba’t dapat, kung nais sanayin ang mga estudyante sa mga gawaing hindi para sa militar, dapat pang palawigin ang NSTP imbis na ibalik lamang ito sa ROTC? 

#2 Ang ibang bansa tulad ng United States, Russia, China, atbp. ay may maunlad na militar dahil sa military training—uubra rin ito sa Pilipinas.

Ayon sa Philippine News Agency noong 2019, tinitingala umano ng “kahit sinumang tao sa mundo” ang kultura ng militar dahil sa angking disiplina at responsibilidad na meron ito. Base sa isang Business Insider Report, kabilang ang United States, Russia, China, at iba pang mayayamang bansa sa may pinakamakapangyarihang ng militar sa buong mundo.

Giit ng mga nagtutulak ng ROTC, dahil ito sa agresibong paggawa ng citizen assetskung saan partisipasyon mula sa mga kabataan ay makikita. Dagdag pa, ang military training ay nakakapagturo sa mga kabataan at inihahanda sila bilang mabuting mamamayan. Dahil dito, ang mga bansang may malakas na pundasyon ng militar ay maliit ang tyansa na lusubin ng ibang nasyon-estado o mga grupo. 

Maunlad ang militar ng ibang bansa hindi dahil sa pagkakaroon ng maagang military training; bilyon-bilyong dolyar ang ibinubuhos nila para dito. Noong 2021, $801 bilyon ang ginastos ng US para sa kanilang militar, habang $293.4 bilyon naman ang ginastos ng China. Sa Pilipinas, $4.09 bilyon lamang ang nakalaan — malaki na nga ito, gayong hindi mapondohan ng gobyerno ang edukasyon at batayang serbisyo. Ano namang magagawa ng mandatory ROTC kung ang ipantatapat natin sa pinakabagong mga armas sa mundo ay mga pinaglumaang eroplano’t nangangalawang na baril?

Kung nais talaga nating itaboy ang gyera, hindi sagot ang pagpapalala ng militarisasyon. Mas mahalaga ang pagbalikwas sa nakasanayang polisiyang panlabas at pagtutol sa lumalalang presensiya ng mga sundalo ng US sa bansa. Ngayong nais magtayo ng limang bagong base para sa US at ikakasa ang pinakamalaking Balikatan — pagsasanay ng mga sundalo ng US at Pilipinas, hindi ba’t lalo itong naghahamon ng gyerang hindi natin kakayanin, may MROTC man o wala?

#3 Sinusulong ng Mandatory ROTC ang nasyonalismo sa mga kabataan

Isinaad ni dating PNP Chief Gen. Oscar Albayalde noong 2019  na ang programa ng ROTC ay, “dinisenyo upang magtayo ng matibay na pundasyon na magtatanim ng patriotismo at nasyonalismo sa isip ng mga kabataan.” 

Ngunit ano bang patriyotismo at nasyonalismo ang itinutulak ng Mandatory ROTC?  Kasabay ba ng patriotismo at nasyonalismo na ito ay ang pagbubulag-bulagan sa totoong kalagayan ng bansa at pagiging sunod-sunuran sa isang pasistang rehimen? 

Sa mismong kaso pa lamang ni Chua, kitang-kita na ito: kung paanong ang nais na ikintal na disiplina ng Mandatory ROTC ay pagtahimik sa harap ng kamalian ng nakatataas. “What you see, what you hear, when you leave, leave it here,” ika nga. 

Kaya nga wala sa sapilitang mala-militar na pagsasanay ang pagiging makabayan, kundi sa pagbalik sa kasaysayan. Kung nais nating magkaroon ng patriyotikong kabataan, dapat magbalik-tanaw at ipakita sa mga estudyante kung paanong dugo’t buhay ang pumanday sa ating bansa. Kung nais nating lumikha ng kabataang magiging tunay na pag-asa ng bayan, mas dapat bigyan ng oras ang pag-aaral ng kasaysayan at agham panlipunan.

Sabi nga ni Dr. Chester Cabalza, eksperto sa national security mula sa UP Department of Anthropology, “Patriotism and nationalism should be embedded in our education, not military training.”

BASAHIN: https://sinag.press/news/2022/07/27/nationalism-in-education-not-military-training/

Kaya naman, huwad na nasyonalismo ang ipinaglalaban ng MROTC. Aanhin pa ng kabataan ang nasyonalismo kung huhubuguin lamang sila ng bulok na sistema nito na maging tuta ng mga elitista at mapagmalabis na uri? Sa tunay na pagiging makabayan, interes ng masang-api na kanilang dapat paglingkuran at protektahan.

Sa gitna ng matinding krisis sa edukasyon, pagsasayang lamang ng badyet ang MROTC na wala namang magagawa para tugunan ito. Imbes na ROTC, dapat paglaanan ng pondo ang mga pag-aaral ng mga programa sa kolehiyo at ang mga estudyanteng hindi nga makatungtong dito dahil sa hirap ng buhay. 

BASAHIN: https://sinag.press/news/2023/02/04/pagtutol-sa-mandatory-rotc-pinagdiinan-sa-ika-54-na-gasc/

Sa kabila ng kaliwa’t kanang problema sa presyo ng mga bilihin, modernisasyon ng mga dyip, at patuloy na pagkakaroon ng mababang sahod ng mga manggagawa, hindi na dapat ito hayaang dumagdag pa sa kalbaryo na pasan-pasan ng sambayanang Pilipino.

Ang Mandatory ROTC Program ay nagbabalatkayo lamang bilang isang progresibo, demokratiko, at nasyonalistikong adhikain, ngunit ang katotohanan ay isa itong makinarya ng gobyerno na patuloy na pahihirapan ang masang-api. Palalalain lamang nito ang kultura ng dahas at impunidad na nagsisilbing tabing ng mga kampon nina Marcos at Duterte.

Walang laman ang mga dahilang inihahain ng estado para pumabor sa Mandatory ROTC at isantabi ang marahas na nakaraan nito. Ang tunay na makabayang gawin ay hindi ang pagbubulag-bulagan sa ilalim ng sapiliaing pagsasanay ng militar, kundi pagtutol sa Mandatory ROTC at pagtiyak na hindi na ito makalilikha ng mga bagong Mark Welson Chua.

Mula ang larawan sa The Varsitarian

“Wala ba kayong printer?” tanong ng mga Iskolar sa kapulisan

CEGP cries foul over another case of Meta censorship

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *