Komunidad ng UP, hindi kuntento sa “pure silence” ng BOR


Sa gitna ng malabo at pabago-bagong proseso ng pagpili ng susunod na tsanselor ng UP Diliman, hindi napapalagay ang komunidad ng UP sa Lupon ng mga Rehente, lalo na ngayong walang kibo ang BOR sa panawagan para sa demokratikong proseso ng pagpili. 

Giit ng iba’t-ibang grupo, nakababahala ang kawalan ng linaw sa proseso, lalo na dahil sa biglaang pagpaaga ng pagpupulong para piliin ang bagong tsanselor mula Abril 27 patungong Abril 3 dahil diumano sa personal na iskedyul ng mga rehente.

Anila, masyadong maiksi ang oras na ito para makilatis nang maayos ng komunidad ang mga nominado, at hindi maaaring gawin basta-basta ang pagpili sa mamumuno sa UP Diliman sa susunod na tatlong taon. 

Ngunit hanggang ngayon, wala pa ring natatanggap ang UP Diliman University Student Council na tugon mula sa BOR para sa liham nilang hinihiling na bumalik sa orihinal na iskedyul.

BASAHIN: https://web.facebook.com/USCUPDiliman/posts/pfbid0AtNRpTY844Y3jpwMusZvnugparmQmqme9QmFeGePW8A7BDEEzEtyH9xNdRXZiDJZl

“Pure silence lang ang natanggap namin at nakakagalit yun. Kung gusto talaga nilang pagsilbihan ang ating komunidad, pakikingan ng BOR ang demands natin na imove yung selection,” ani UPD USC Chairperson Latrell Felix.

Nagpahayag ng suporta ang mga rehenteng sektoral sa panawagang ito, ngunit wala rin silang natanggap na tugon mula sa ibang rehente. 

Giit naman ng mga guro ng Congress of Teachers/Educatiors for Nationalism and Democracy (CONTEND), dinudumihan ng palipat-lipat na iskedyul at biglaang pagraratsada ang integridad ng pagpili sa susunod na tsanselor. 

“Gayunman, kung hindi ililipat ng BOR ang iskedyul ng kanilang pulong, maghihintay kami ng CONTEND sa paanan ng Bulwagang Quezon para magmobilisa sa Abril 3. 

Maliban sa palipat-lipat na iskedyul ng mismong pagpili ng mga rehente, una nang nausog ang buong iskedyul nang halos isang buwan.

Sa orihinal na iskedyul na inilabas noong Peb. 2, ilalabas na dapat ang pangalan ng mga nominado noong Peb. 13, habang Marso 30 ang orihinal na iskedyul ng pagpupulong para piliin ang bagong tsanselor. Ngunit, sa bisa ng Administrative Order No. PAJ 23-01, Marso 6 na inilabas ang pangalan ng mga nominado, at ginawang Abril 27 ang pagpupulong. 

Sa bagong iskedyul, wala pang isang buwan ang oras ng komunidad – maging ng search committee at ng mismong mga rehente na boboto – para suriin ang tatlong nominado. 

Kasabay nito, gaganapin pa ang pagpupulong nang Lunes Santo,  habang wala ang karamihan ng mga estudyante sa kampus na makapagbabantay din sana sa harapan ng Bulwagang Quezon. 

“Tina-tacticize nila na hindi tayo papuntahin sa selection process dahil holy week na at wala nang tao dito sa campus. Isang malaking kataksilan ito sa atin na igiit na sa atin ang ganitong proseso. Kailangang yung boto nila ay nagrerepresent talaga kung ano ang nasa ground, kung ano ang pulso ng Diliman community,” sabi ni Felix. 

Komunidad, hindi BOR, ang “highest policy-making body,” 

Hinamon ng mga sektor ang BOR na unahin hindi lamang ang interes ng mga rehente kundi ang ikabubuti ng lahat ng nasasakupan ng opisina ng tsanselor. 

Anila, sa matagal na panahon, inililihim talaga sa publiko ang proseso, kaya nababalot ito sa pagdududa at nasusunod lamang ang kagustuhan ng iilang naghahari sa BOR. 

“Not only is the recommendation of the Search Committee inaccessible to the public. The BOR also withholds any information about their votation from the public. This lack of transparency smacks of poor governance. We, the constituents of UP, must reserve the right to know which regents represent our needs and interests,” sabi nga ng CONTEND sa kanilang pahayag. 

Sinasariwa daw ng mga kataka-takang pagbabago sa proseso ngayon itong mga agam-agam ng komunidad – na, katulad ng nakagawian, hindi na naman sila mapakikinggin. 

“Gusto lang natin ipaalala sa lupon ng mga rehente na ang highest policy-making body ng UP ay ang UP community at hindi ang BOR,” sabi ni Narry Hernandez, pangulo ng Samahan ng mga Manininda sa UP Campus. 

Aniya, nakita naman nilang dati nang isinasantabi ng lupon ng mga rehente ang interes ng komunidad. 

Sabi nga rin ng Rise for Education Alliance – UP Diliman, ang panawagan nila ang dapat maging mas matimbang, at hindi ang kagustuhan ng iilan.

“The Rise for Education Alliance – UP Diliman reminds the BOR that we are their constituents — the very stakeholders that will be directly affected in the next three years because of their decisions,” anila sa isang pahayag.

Pinagdududahan na rin ng isang guwardiya sa kampus – hiniling niya na hindi na siya pangalanan – ang  “due process,” na mayroon sa loob ng mga papgupulong ng mga rehente. 

“Kahit naman sabihin namin kung sinong gusto naming kandidato, papakinggan ba kami? Eh parang may kandidato naman na sila eh. Parang lutong Macau,” aniya.

Ngunit kahit may mga ganito nang pagdududa, patuloy pa ring igigiit ng iiba’t-ibang sektor ang kani-kanilang panawagan sa pagpili ng bagong tsanselor. 

“Sama-sama tayo sa lunes!” sabi ni Hernandez sa ngalan ng mga manininda. 

#UPDChancy2023

KILATIS in context: Fast Talk

Points of Divergence

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *