Huwad ang kalayaan sa ilalim ng imperyalismo


Tunay ngang magiting ang mga lumalaban upang ipagtanggol ang lupang sinilangan, ngunit hindi makatarungan na pagkatapos ng ilang taong pambubusabos ay patuloy pa rin tayong pinagkakaitan ng tunay na kalayaan.

Inaalala tuwing ika-9 ng Abril ang pagmartsa ng mahigit 76,000 sundalong Pilipino at Amerikano mula Bataan hanggang Tarlac matapos bumagsak ang Corregidor. Kung kaya’t bukod sa pagpupugay sa sakripisyo na ginawa ng mga sundalo ay pinatatampok rin ng Araw ng Kagitingan ang malapit na relasyon at pakikipagkaibigan kuno ng tropang Amerikano sa ating mga ninuno, na diumano ay nakatulong sa ating paglaya laban sa mga Hapones.

Sa katotohanan, hindi pa rin tuluyang nagagapi ang mga mananakop ng Pilipinas, bagkus ay nag-iba lamang ng porma ng pakikitungo ang Estados Unidos. Simula’t sapul, noong binenta pa lang tayo ni Aguinaldo sa mga Kano ay hawak na nila tayo sa leeg. Marapat lang na ilapat ang katotohanang sila ang primaryang dahilan kung bakit kailangang magpaalipin ng bansa sa likod ng likas na kayamanang mayroon ito.

Lumilitaw ito sa pagpapatakbo ng ating mga institusyon—mapa-militar, pangkalusugan, o edukasyon. Kaya sinuspinde ang pagkapaso ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa kadahilanang kailangan daw natin ng magsusuplay ng hindi lamang armas at kagamitang pandigma, pati na rin posibleng donasyon ng mga bakuna panlaban sa COVID-19 na matulin muli ang pagtaas ng bilang ng kaso.

Hayag din ito sa produksyon at industriya na halos kontrolado lamang ng mga dayuhang puwersa. Bagama’t isa sa mga pinakamalaking suplayer ang Pilipinas ng iba’t ibang hilaw na materyales ay nananatiling nasa pinaka-naghihirap na sektor ang mga pesante sapagkat ang limpak-limpak na kita galing sa sobrang tubong pinapatong matapos itong mailuwas at imanupaktura bilang bagong produkto ay napupunta lamang sa kapitalistang bansa.

At upang manatili ang burukrasyang nagpapatakbo sa mala-kolonyal nating lipunan ay iniluluklok mismo sa mga matataas na posisyon ang mga naghaharing uring kinabibilangan ng mgapanginoong may lupang pinananatiling buhay ang abusadong itsura ng pyudalismo. Kabilang pa rito, ang mga burgesya kumprador na umuugnay sa mga nagpapatakbo ng monopolyo ng industriya, kung kaya’t wala tayong pagpipilian kung hindi konsumihin ito.

Hindi lang literal na mga produkto ang pinipilit ipakain sa ating mga sistema kung hindi kultura, midya, pati mismong kasaysayang pinanday ng ating mga ninuno ay binubura’t pinapatungan ng bagong tintang pumapabor sa magiging pagtingin ng hinaharap na henerasyon sa mga dayuhang mananalakay, tulad na lamang ng ipinagdiriwang ngayong araw. Kasabay ng pag-alala sa mga martir na naglingkod at lumaban para sa sambayanan ay ang patuloy na pagbaklas sa mga nangangalawang kadena ng pang-aabuso ng imperyalistang kapangyarihan.

Sa araw-araw na tayo’y pinapahirapan ng imperyalismo, araw-araw din idinaraos ang araw ng kagitingan.

This image has an empty alt attribute; its file name is 02-sinag-logo_variation-a_black.png

Sectors back Nemenzo, demand democratic chancy selection

Why the police and military work for the oppressors, not the oppressed

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *