Bumalikwas sa bangungot ng bagong batas militar


Sa likod ng tabing ng pagmamaang-maangan at mga palamuti ng demokrasya, taglay pa rin ng rehimeng US-Marcos-Duterte ang parehong bangis ng mga desperadong diktador na kapit-tuko sa kapangyarihan. Hindi na lamang alaala ang Batas Militar; buhay na buhay itong bangungot, kaya kailangan na rin nating bumangon mula sa ating pagkakahimbing. 

Bagamat inasahan naman na noong tumatakbo pa lamang ang nakababatang Marcos, pinatunayan lamang ng huling taon sa ilalim ng kanyang rehimen na hindi lang pangalan at mukha ang kinuha ni Bongbong sa kanyang ama. Wala pa mang deklarasyon ng batas militar, samu’t sari nang pagyurak sa karapatang pantao ang ginamit ni Marcos upang supilin ang galit ng sambayanan. 

Kahit nga sa mismong taktika, hindi na tinangka ni Bongbong maging orihinal: kung paanong tinatakot, dinarahas, at pinapatay ang mga kritiko noong panahon ng ama, ganoon din sa panahon ng anak. Malinaw na halimbawa ang mga sapilitang pagkawala. Noong panahon ng Batas Militar, libo-libo ang dinukot at hindi na lumitaw. Ngayon, mula sa mga dinukot na natagpuan muli katulad ni Jhed Tamano, Jonila Castro, Dayan Gumanao at Armand Dayoha, hanggang sa mga hindi pa rin nakikita katulad nila Dexter Capuyan at Bazoo de Jesus, malinaw na sumusunod si Bongbong sa yapak ng kanyang ama. 

Maliban sa mga tahasang atake, minana din ni Bongbong ang paggamit ng batas upang gawing lehitimo ang pagsupil sa mga kritiko. Sa Cordillera, binansagan ang Northern Luzon 7 – ilang tanyag na tanggol-katutubo at tanggol-karapatan – na terorista. Ito rin ang ginawa sa 16 na indibidwal sa Timog Katagalugan. Katulad ng “constitutional authoritarianism” at kung ano-anong gawa-gawang kaso sa panahon ng ama, ikinakasangkapan lamang ni Bongbong ang Anti-Terror Act at ang iba pang batas sa pambubusal sa mga kalaban. 

Naitutulak si Marcos na umasa sa ganitong taktika dahil sa dalawang bagay: ang paglala ng krisis ng lipunan, at ang kaakibat nitong galit ng sambayanan. Sabi nga ng isang mahusay na dating propesor ng UP, iniluluwal ng krisis ang pagbalikwas. Ngayong walang magawa si Marcos para tugunan ang krisis — o marahil dahil napakikinabangan pa niya ito — ibinabaling na lamang niya ang kanyang oras at atensyon sa pandarahas.

Tiyak na lalala lamang ito habang lalong nailalantad sa taumbayan ang kabalintunaan ng rehimeng Marcos. Kahit dito, hindi malabong sumunod siya sa yapak ng kanyang ama.

Nang mailantad ang huwad na “golden age” ng diktadurang Marcos Sr. — noong sumisirit na ang presyo ng langis at iba pang batayang bilihin habang nagpapasarap lang ang angkan sa Malacañang sa kaban ng bayan — naging hinog ang mga kondisyon para sa malawakang pag-aklas. Napupuno ng libo-libo ang mga lansangan sa mga kilos-protesta, habang libo-libo rin ang tumungo sa kanayunan para tumangan ng armas laban sa diktadura. 

Desperadong sinagot ng diktador ang lumalakas na oposisyon ng dahas. 70,000 ang inaresto; 35,000 ang tinortyur; at mahigit 2,000 ang pinatay. Hindi pa kasama ang libo-libong hindi naitala ng kasaysayan. 

Sa kasalukuyang kalagayan ng rehimen, ito rin ang kanilang kahihinatnan. Hindi na maitatanggi ni Marcos ang kanyang kapalpakan at kapabayaan, dahil mas malapit pa sa sisenta kaysa sa bente ang isang kilos bigas, barya-barya ang dagdag pasahod sa mga rehiyon, at walang makita ni anino ng “Bagong Pilipinas” na ipinangako niya noong kampanya. Alam na rin ng tao na habang naghihirap sila sa ganitong kalagayan, prayoridad pa rin ni Marcos ang mga Confidential at Intelligence Funds at ang pagpondo sa mga ahensyang nananakot, dumudukot, at pumapatay sa kanyang mga kritiko. 

Hindi na mabilang ang dahilan ng sambayanan para tumindig laban sa kasalukuyang administrasyon.

Kaya naman hindi na nakagugulat ang mala-Marcos Sr. na pandarahas ni Bongbong. Sa araw-araw na lalong pag-alingasaw ng baho ni Bongbong, lalo lamang natutulak ang sambayanan na mag-aklas. Sa araw-araw din na ito lalo siyang natatakot, at natutulak na umasa sa kanyang desperadong pandarahas. Tahasan mang ideklara o hindi, paparating na ang bagong Batas Militar.

Ngunit kung nauulit lang talaga ang kasaysayan – at masyado lang talagang natutuwa si Bongbong na manang-mana siya sa kanyang ama – hindi dapat takot ang reaksyon sa nagbabadyang diktadura, kundi lakas ng loob na pakilusin ang masa laban sa rehimen. Bagamat kinakailangan ng mga diktador na magpakita ng bangis upang supilin ang pag-aalsa, dito rin nailalantad ang kanilang tunay na anyo. Sa ganitong panahon, nagigising ang taumbayan sa kanilang pagkakahimbing – sa pagiisip na maaaring manatiling kimi at walang pakialam – dahil hindi na makapagkunwaring tupa ang mga nakaupong lobo naman talaga.

Sa kanyang pandarahas, si Marcos mismo ang huhukay sa sarili niyang libingan.

Ngayong buhay na buhay ang bangungot ng batas-militar, hindi na dapat tayo tutulog-tulog – dapat igugol ang bawat segundo sa paggising sa militanteng diwa ng sambayanan at pagpapakilos sa kanila laban sa nagbabadyang diktadura. Oras na para ilantad ang diktador na nagtatago sa tabing ng demokrasya at ipakitang maging sa pagbagsak, susunod siya sa yapak ng kanyang ama.

Walang kapayapaan sa estadong walang katarungan: “Estado ang totoong terorista,” giit ng mga tanggol-karapatan

Kaso laban sa kapulisang marahas na humuli sa Tinang 83, ibinasura ng Ombudsman

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *