Umalma ang Samahan ng Nagkakaisang Guwardiya ng UP Diliman dahil sa ilang buwan nang nahuhuling pagpapasahod at binibiting benepisyo sa mga guwardiyang nasa ilalim ng Star Special Corporate Security Agency Management Inc. (SSCMI).
Sa isang pagkilos kaninang umaga, Oktubre 13, sa harapan mismo ng opisina ng kanilang ahensya, nanawagan sila sa SSCMI na magpaliwanag ukol sa nahuhuling pagpapasahod at magpasweldo na nang maayos.
Hindi sila hinarap ng ahensya, ngunit nakadayalogo na ng mga guwardiya si Vice Chancellor for Community Affairs Roehl Jamon at tiniyak nitong tutulungan silang ayusin ang mga problema sa SSCMI.
Ayon sa mga guwardiya, apat na beses nang nahuhuli ang pagpapasahod sa kanila ng SSCMI, na dapat ay sa bawat ika-10 at ika-25 ng buwan. Anila, imbis na pasahurin ng maayos, binibigyan lamang sila ng paunang dalawa o tatlong libo, habang tumatagal nang lagpas isang linggo ang natitirang bahagi ng kanilang sahod.
“Eh paano kung may baby ka? Paano kung nagbabayad ka ng upa? Saan naman aabot yang tatlong libo mo?” sabi ng isang guwardiya na naka-istasyon sa Palma Hall.
Dagdag pa nila, bagamat kinakaltasan ang kanilang mga sweldo para sa mga benepisyo katulad ng SSS, PAG-IBIG, at PHILHEALTH, hindi raw ito hinuhulugan ng kanilang ahensya. Sa kaso ng guwardiyang nakapanayam ng SINAG, Mayo pa huling nahulugan ang kanyang kontribusyon sa SSS, bago pa pumasok ang SSCMI.
“Malamang sasabihin nila dahil hindi pa sila makasingil sa UP. Eh hindi naman kami ang dapat naiipit dun; responsibilidad nilang pasahurin kami at hulugan yung SSS namin,” giit niya.
Setyembre 6 pa lamang, nang unang iulat ng samahan ang mga nahuhuling pasahod, pinadalhan na ito ng SINAG ng ilang liham upang makapagbigay ng panig, ngunit hindi ito sumagot.
Nagpadala na rin ang samahan ng liham sa ahensya noong Setyembre 26, ngunit hindi rin ito natugunan.
“Noong pumasok sa UP Diliman ang Star security noong June 1, 2023 ang buong akala namin, liliwanag ang aming buhay bilang mga manggagawa. Ngunit ang star na ito pala ay bituin na wala g ningning. Maawa po kayo sa bawat pamilya na nagugutom, dahil dyan lamang kami umaasa sa sahod namin,” sabi ni Johnny Azusana, isang lider-guwardiya ng SNG.
Mga Guwardiya ng UP, matagal nang minamaltrato
Hindi ito ang unang beses na dumaing ang guwardiya dahil sa kawalan ng katiyakan sa sweldo at benepisyo.
Matatandaang noong 2022, tinanggal ang FEMJEG security agency dahil sa ilang buwang hindi pagpapasweldo sa mga guwardiya, pati na rin ang iba’t ibang hindi makataong pagtrato sa kanila.
BASAHIN: https://sinag.press/news/2022/08/17/up-cuts-femjeg-contract-due-to-unpaid-wages/
Naging susi sa pagpapatanggal ng ahensya ang samahan, na nagtayo pa ng kampuhan upang igiit ang panawagan para sa sahod.
Bagamat napatanggal na, hanggang ngayon ay hindi pa rin natatanggap ng mga guwardiya ang sweldo na ipinagkait sa kanila.
Matatandaan rin na sa kabila ng patuloy na panawagang ito, biglaang pinagiba ni OVCCA Jamon ang kanilang kampuhan, at hinayaang maiwanan sa ulanan at putikan ang kanilang mga gamit.
Sa kaniyang tugon sa mga tanong ng SINAG, pinaratangan niya ang mga guwardiya na ginagamit daw ang kampuhan na “parausan ng mga paboritong aktibidad,” na, kung paniniwalaan ang naunang mga paratang, ay pagsusugal at pag-iinom.
Mahigpit naman itong tinutulan ng SNG at UP Worker’s Alliance, na nagsabing walang katotohanan ang mga paratang na ito.
Sinabi rin niya na pinahintulutan ng UPWA ang paggiba, kahit sila mismo ang humarang sa utos ni Jamon na gibain ito noong unang araw niya sa pwesto.
Bagamat maraming kinahaharap, desidido naman ang samahan na patibayin lalo ang kanilang hanay.
“Sa panahong ganito, wala tayong magagawa kundi magpalakas,” sabi ni Azusana
Ang larawan ay mula kay Allanes Oceans