Busina ng Komyuter: Si Marcos ang pahirap, hindi ang tsuper!


Sa kabila ng patuloy na pagkontra ng mga tsuper at komyuter, patuloy na iginigiit ni Pangulong Bongbong Marcos na buo na ang kanyang desisyon sa pagpapatupad ng Public Utlity Vehicle Modernization (PUVMP) kung saan kanyang idineklara ang Disyembre 31, 2023 bilang huling araw ng PUV consolidation. Dahil dito, ilang araw na lang bago ang pag-phaseout sa lahat ng traditional jeepneys na pumapasada upang tuluyan itong palitan ng mga modernong jeepney na tinatayang nagkakahalaga ng halos P2.5 hanggang P2.8 milyon kada-yunit.

Hindi doble o triple ngunit halos limang beses itong mas mahal kumpara sa mga presyo ng mga kasalukuyang pumapasada na mga tradisyonal na jeepney na nagkakahalaga lamang ng P200,000 hanggang P400,000 kada-isa. 

Dahil sa laki ng presyong ito at dahil na rin sa mandato ng gobyerno, mapipilitan ang mga drayber at operator na sumailalim sa mga korporasyon o bumuo ng mga kooperatiba nang sa gayon ay hindi sila mawalan ng prangkisa. 

Upang ibsan ang galit ng mga tsuper, ipinangako ng Land Bank of the Philippines na sa pamamagitan ng kanilang programa na Special Package for Environment-Friendly and Efficiently-Driven Public Utility Vehicles (SPEED PUV Program), handa silang pautangin ang mga drayber at operator na magiging kasapi ng mga korporasyon ngunit kaakibat nito ay ang 6% na interest rate kada-taon o halos P634, 863. 

Ang pagpapataw ng ganitong kalaking halagang interest sa mga drayber at operator ay tinatayang doble pa kesa sa interes na ipinapatong kung bibili ang isang indibidwal ng pribadong sasakyan na karaninwang nagkakahalaga ng 3% lamang na interest  kada-taon. 

Bukod pa riyan, nangako rin ang Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) na pahihintulutan nila ng subsidiya ang mga tsuper at operator na nagkakahalaga ng P210,000 hanggang P280,000 depende sa klase ng yunit na kanilang bibilihin upang matulungan raw ang mga ito kahit papaano.

Gayunpaman, kulang na kulang pa rin ito dahil kung tutuusin, 6.3% hanggang 8.2% lamang ito sa kabuuang presyo na kailangang pasanin ng mga tsuper at operator para mabayaran ang kabuuang halaga ng mga modernong yunit ng jeepney.

Tanong ng Masa: Modernisasyon Para Kanino?

Masidhing pagtutol ang naging reaksyon ng mga drayber at operator sa programang ito dahil anila, hindi nila kakayaning magbayad ng ganitong kalaking halaga at mababaon lamang sila sa utang. 

Ngayong taon lamang, nagkasa ng sunod-sunod na malawakang tigil-pasada at protesta ang iba’t ibang grupo ng mga tsuper at operator gaya ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) at Manibela upang ipanawagan ang kanilang pagtutol sa programang ito.

Mula noong unang tigil pasada nang Marso, ilang beses pang muling nagwelga ang mga tsuper sa pangunguna ng PISTON at Manibela noong Nobyembre at Disyembre. Bagamat mahirap para sa mga tsuper ang mawalan ng ilang araw ng kita, giit nila ay mas magiging mahirap kung habambuhay silang magtitigil-pasada.

Maging sa mga korte, lumalaban pa rin ang mga tsuper. Noong Disyembre 20 nagsampa ang PISTON ng petisyon sa Korte Suprema kasama si dating Bayan Muna Representative Neri Colmenares upang ipanawagan ang kanilang pagkontra PUVMP at tutulan ang nakaambang deadline ng franchise consolidation.

Bagama’t sinabi ni Bongbong Marcos sa kanyang Facebook post na pito sa bawat sampung operator ang umayon sa konsolidasyon at hindi na raw dapat hayaan ang natitirang minorya na maging sagabal sa pagpapatuloy ng PUVMP, taliwas ito sa iminumungkahi ng mga grupo ng tsuper at sa mga datos na nakalap na nagpapakita kung ano nga ba ang tunay at kasalukuyang lagay nila kaugnay sa inihahaing hakbang na dapat sundin sa ilalim ng programa.

Ayon sa mga pinakahuling datos ngayong buwan  ng Disyembre, mayroon pa ring 71,365 na PUV ang hindi pa rin nakokonsolida. Isiniwalat rin ng PISTON na tinatayang 140,000 na mga tsuper at 60,000 naman na maliliit na operator ang mawawalan ng kabuhayan kung magmamatigas si Marcos sa itinakda nitong deadline ng franchise consolidation.

Sabi pa ng gobyerno, ang programa ay layon rin daw na mas mabigyan ng komportableng masasakyan ang mga komyuter. Ngunit ayon kay Kuya Jun  na matagal nang nagtitinda ng taho na araw-araw na bumabyahe mula Fairview patungong Mendiola, mas lalo siyang mahihirapan sa araw-araw na biyahe.

“Hindi ako pabor na i-phase out ang mga jeep. Kasi ako komyuter ako, nagji-jeep ako, nakagisnan ko na ang pagkukomyut sa jeep. Eh sa mga modernization, halos hindi ako pasakayin, sa mga mini-bus, kaya talagang kawawa ako,”aniya. 

Dagdag pa ni John Paul na kasalukuyang mag-aaral sa kolehiyo, lalo lamang mahihirapan ang mga estudyante dahil sa dagdag pamasahe. 

“Like ngayon, nag-jeep ako from Taft to United Nations, 13 pesos na siya agad, eh kung magmomodernize pa yung mga jeep, mas mamahal at malaking kabawasan yun sa baon ng mga kagaya kong estudyante lalo na sa mga public school students,” sabi niya.

Magiging malaking pasakit ang PUVMP sa mga komyuter na kagaya ni John Paul dahil upang mabayaran ang halos 3 milyong pisong halaga ng mga modernong dyip, bawat tsuper ay kinakailangang kumita ng humigit kumulang pitong libong pisong halaga kada-araw sa kanilang pagpapasada at kaakibat nito ay ang kinakailangang pagtataas rin ng halaga ng pamasahe na papalo sa 34 piso o higit pa ayon sa pagtalakay ng polisiya ng University of the Philippines Center for Integrative and Development Studies (UP CIDS).

Ang Laban ng Tsuper ay Laban rin ng Komyuter

Tinatayang nasa 28.5 milyon ang bilang ng mga komyuter ang nakaambang maapektuhan dahil sa panukalang huwad na programa ng gobyerno. Kahit na iginigiit ng LTFRB na ang malawakang tigil-pasada at kilos-protesta ng mga tsuper at operator ay sagabal lamang sa mga komyuter, iba ang salaysay ng mga mananakay na naroon din habang nagwewelga ang mga tsuper.

Pahayag ni Nanay Rebecca sa administrasyon, isang lola na halos araw-araw hinahatid ang kanyang mga apo sa eskwelahan sa Katipunan, kaisa ng mga komyuter – lalo na raw ang mga katulad niyang senior citizen na umaasa sa mga jeep – ang mga tsuper sa kanilang laban. 

“Sana si Marcos pag-isipan niyang mabuti ito, hindi yung puro sila lang ang umaangat samantalang ang mga mahihirap katulad namin at ng mga drayber ay lalong naghihirap,” panawagan ni Nanay Rebecca.

Kahit patuloy na ipinipintang pahirap ng administrasyon ang sunod-sunod na tigil-pasada ng tsuper, mukhang hindi pa rin nila napapapaniwala ang mga komyuter. Alam kasi nilang ang tunay na pahirap ay hindi ang welga, kundi ang pinagpipilitan ni Marcos na habambuhay na tigil-pasada.

“Help the Helpdesk,” giit kay Chancellor Vistan laban kay VC Agpaoa

Tuloy ang welga: Hanggang sa huli, patuloy ang laban ng tsuper kontra PUVMP

0 thoughts on “Busina ng Komyuter: Si Marcos ang pahirap, hindi ang tsuper!

  1. I can’t wait to implement some of these ideas. This blogpost answered a lot of questions I had. I can’t wait to implement some of these ideas. Thanks for taking the time to put this together! I can’t wait to implement some of these ideas. I’ve been searching for information like this for a while. I enjoyed reading this and learned something new. I’m definitely going to share this with my friends. Excellent post with lots of actionable advice!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *