Bitbit ang mga panawagan para sa demokratikong pamamahala, kagyat na pagtugon sa pangangailangan ng komunidad, at malinaw na tindig kontra-Cha-cha, kilos-protesta ang isinalubong ng iba’t ibang sektor ng UP Baguio at UP Diliman kay UP President Angelo Jimenez sa tarangkahan ng Bulwagang Quezon noong Huwebes, Abril 4, kasabay ng buwanang pagpupulong ng Lupon ng mga Rehente.
Giit ni Jimenez nang dumating, kaisa siya ng komunidad sa iba’t ibang isyu na kinahaharap nito. Aniya, alam niya ang mga dinaranas ng komunidad dahil naging sektoral na rehente rin siya, at napapakita rin naman daw ng mga dagdag-benepisyong binibigay ng administrasyon sa mga guro at kawani ng unibersidad.
Ngunit giit ng All UP Academic Employees Union, “kwentong barbero” lang ang sinasabi ng kasalukuyang administrasyon ukol sa kalagayan ng Unibersidad, at hindi raw nito nasasalamin ang danas ng komunidad.
“Hindi natin nararamdaman ang pagngawngaw ni jijil, puro pangako na napapako. puro alingawngaw ng salita na walang kongkretong batayan ng paggawa,” giit ni Mr. Rolando Delos Reyes II ng All UP Academic Employees Union.
UPB: No More Delays, BOR Decide Now!
Naunang itinakda ng Lupon ng Rehente ang pagpili sa susunod na Tsanselor ng UP Baguio ngayong araw, Abril 4, 2024. Ngunit sa Administrative Order No. PAJ 24-39 na inilabas noong Marso 27 ay nagbaba ng direktiba si Jimenez na nagpapahaba sa pamimiili ng susunod na Tsanselor ng UP Baguio.
Giit ni Jimenez, ginawa nang may konsultasyon at pahintulot ng Lupon ng Rehente. Dagdag pa niya, pinahaba niya ang panahon ng pamimili upang magkaroon ng higit sa isa pang nominado. Ngunit ayon sa Rehente ng mga Mag-aaral, Manggagawa, at Kaguruan, hindi raw sila tinanong ukol sa nasabing pagbibigay-palugit. Salungat din sa kanyang pahayag, sa pagtatalaga kayna Dr. Jose Camacho Jr. ng UP Los Banos at Dr. Carmencita Padilla ng UP Manila bilang mga tsanselor, walang ibang kandidatong nominado ang mga unibersidad.
Ayon kay Ring Ringor ng Alliance of Concerned Students UP Baguio, ang pag-udlot sa pagpili ng susunod na tsanselor ng UP Baguio ay naglalagay sa buong UP Baguio sa pangamba lalo na’t sunod-sunod ang pag-atake sa sangkaestudyantehan nito dagdag pa sa sandamakmak na pangangailangan ng komunidad. Inilahad ni Ringor ang kawalan ng serbisyo, espasyo, at proteksyon para sa mga iskolar ng bayan kung kaya’t dapat kagyat na magkakaroon ng tsanselor na tutugon sa pangangailangan ng UP Baguio.
Kinwestyon naman ni UP Baguio University Student Council Chairperson Cathleeen De Guzman ang kawalan ng dayalogo at konsultasyon ni Jimenez sa komunidad ng UP Baguio at sa sektoral na rehente bago ibaba ang nasabing direktiba. Aniya may malinaw na pulso ang UP Baguio sa ninanais nilang susunod na tsanselor at ang pag-extend ng search process ay lumalabag sa demokratikong pamamahala.
Hinamon ng UP Baguio University Student Council ang pagkakaroon ng patas na pagpili ng tsanselor at pagtindig ng administrasyon ni Jimenez sa pagkilos nang may pananagutan sa pinagsisilbihan nito at tumalima sa demokratikong pamamahala.
Manggagawa’t Kawani: “Kuwentong Barbero”
Ayon naman sa mga manggagawa’t kawani ng unibersidad, kuwentong barbero lamang ang bukambibig ng administrasyong Jimenez at hindi natatamasa ng mga empleyado at trabahador ng unibersidad ang dagdag sahod, benepisyo, at promosyon na ipinangako ng administrasyon.
Iginiit ni Ani Beldia ng UP Workers Alliance, kaisa ang sektor ng mga manggagawa sa unibersidad para sa panawagang magkaroon ng pananagutan ang administrasyong Jimenez sa pinagsisilbihan nito. Aniya patuloy na lumulubog ang estado ng manggagawa dahil sa kawalan ng pondo ng unibersidad dulot ng paglalaan ng malaking pondo para sa confidential at intelligence funds at Maharlika investment funds ng estado.
Sahod
Ipinahayag ni Ric Felonia ng Samahan ng Nagkakaisang Guwardiya ng UP Diliman ang suporta para sa iba ring sektor dahil aniya hindi nalalayo ang danas ng mga guwardiya sa danas ng mga kontraktwal. Inilahad ni Felonia ang nahuhuling pasahod at paglabag sa terms of reference ng Star Special Corporate Security Agency Management Inc. (SSCMI) sa mga guwardiya nito.
BASAHIN: https://sinag.press/news/2023/10/13/nahuhuling-pasahod-binibiting-benepisyo-inaalmahan-ng-sng/
Ayon kay Felonia, dahil sa nahuhuling pasahod, napipilitang umutang ang mga guwardiya para lamang may pantustos sa kanilang pamilya. Kalauna’y hindi naman daw mababayaran ng sahod ang inutang dahil sa dagdag na interes na babayaran. Dagdag pa niya, kulang ang pasahod ng ahensiya sa kanila dahil walong oras lamang ang binabayaran sa labindalawang oras na pagtatrabaho
Benepisyo
Pinapanawagan naman ng Alliance of Contractual Employees na kilalanin sila ng unibersidad bilang empleyado dahil sa kasalukuyan ay kinikilala lamang ng unibersidad ang serbisyong binibigay nila ngunit hindi sila nabibigyan ng benepisyo.
Imbis na benepisyo, kaltas sa sahod pa raw ang natanggap ng mga kontraktwal na manggagawa matapos hindi kaltasin ng accounting office ng UP Diliman ang aabot sa 11 milyong piso mula sa pasweldo ng nakaraang taon para sa withholding tax. Dahil dito, doble raw ang buwis na kinakaltas sa sahod ng mga manggagawang kontraktwal sa pasahod ngayon.
Promosyon
Itinampok din ni Rommel Rodriguez mula sa All UP Academic Employees Union ang hiling ng mga manggagawa para sa maayos na sistema ng promosyon na magpapataas din ng sahod nila. Inilahod niya na sa kasalukuyang sitwasyon, kinakailangan pang igiit ng mga guro’t kawani ang promosyon.
Ayon kay Rodriguez, dahil sa kawalan ng maayos na sistema ng promosyon, nahihirapan ang mga propesor na mag-ayos ng kanilang promosyon. Sa kasalukuyang sistema ng promosyon, kinakailangan na makapag-lathala ng ilang pananaliksik para sa iisang bahagdan lamang ng promosyon. Dagdag pa rito, kinakailangan daw ng sistema ng promosyon na magkaroon ng “mentee” ang propesor ngunit hindi lahat ng kurso ay may oportunidad na magkaroon ng mentee.
Komunidad ng UP: Tumindig kontra Cha-cha!
Sa huli, bitbit naman ni Brian Placido mula sa Alliance of Contractual Employees ang inisyal na pahayag ng UP Diliman University Council kontra sa Charter Change.
Kamakailan, sinabi ni Jimenez na wala pang malinaw na tindig ang komunidad laban sa iniraratsadang pagbabago ng saligang batas.
Ngunit, giit ng mga sumama sa pagkilos, malinaw itong nilalabanan ng iba’t ibang sektor na bumubuo sa Unibersidad ng Pilipinas, kaya dapat ding tumindig si Jimenez kasama nila.
Giit nila, imbis na Charter Change, kinakailangan ng sektor ng edukasyon ng dagdag na pondo para sa pananaliksik at pasilidad. Dagdag nila, bagama’t hindi perpekto ang konstitusyon, pinapangalagaan pa rin nito ang kapakanan ng sambayanan.
Thank you for sharing this article with me. It helped me a lot and I love it.