Radikal na Pakikibaka ni Kal


‘Di ito ang wakas na inaakala

Ng mga salarin at kaaway

Kundi ang hudyat ng pagsisimula

Ng walang-hangga’t dakila mong buhay

– Danny Fabella, Mananatili Ka (Awit kay Kal)

Sa parangal para kay Kaliska “Ka Rekka” Peralta, rebolusyonaryong martir ng sambayanan, pinagpugayan siya ng mga kaibigan, kapamilya, at kasama. Ibinahagi nila ang kanilang masasayang alaala at karanasan kasama siya—mula sa Kal ng Woodrose haggang sa Ka Rekka ng kanayunan ng Bukidnon. Bagama’t pinaslang siya  ng mga berdugong militar, nananatiling buhay ang kanyang diwa at patuloy na umaalab ang kanyang silab sa mga inorganisa niya.

Si Kal, Artista ng Bayan

Nag-alay ng mga awitin at mensahe ang ilang mga nakiramay,  pati na rin ang kanyang kapatid. Itinanghal ng UP Repertory Company ang isang dula-tula mula sa sipi ng thesis ni Kal “Bago ang SONA” na naglalahad ng karanasan ng isang aktibista mula sa kalunsuran patungong kanayunan. 

Tulad ng mga nagtanghal, mahusay at mahilig ding lumikha ng sining at tula si Kal. Ikinuwento ng mga kasamahan ni Kal sa UP Cineastes ang kahusayan at kasikhayan niya sa bawat produksyon nila.

Para sa mga kasamahan ni Kal sa liga ng softball, parating nariyan si Kal para sa kanila, sa laro man o kahit sa bangkò. Tunay na malaki ang puso ni Kal at pinaramdam niya ito sa mga kalaro niya sa kada palakpak sigaw niya sa mga laro nila.

Si Kal, Lider-Masa

Higit sa lahat, pinakamalaki ang puso ni Kal para sa masang inaapi na ipinamalas ni Kal sa masikhay na pagkilos niya sa pambansang demokratikong kilusan. Ikinuwento ng mga kasama ni Kal sa kilusan ang kanyang pagiging pursigido sa pagmulat, pagpakat, at pag-organisa. Sa kabila ng pagod at mga kontradiksyon, inigpawan ni Kal ang mga ito at araw-araw na pumakat sa komunidad ng mga estudyante. Inalala rin ng “League of Five Students” ang pagpupursigi ni Kal sa pag-oorganisa ng mga estudyante sa kabila ng mababang bilang nila sa balangay ng League of Filipino Students noon. 

Si Ka Rekka, Bayani ng Sambayanan

Sa laki ng kanyang puso at dala ng kanyang matinding pagmamahal sa masa, pinili ni Ka Rekka na tahakin ang masalimuot na landas ng armadong pakikibaka. Binitbit ni Ka Rekka ang kanyang kasikhayan sa pagkilos mula sa pamantasan patungo sa kanayunan. Sa pagbabahagi ng mga kasama niya, sinikap ni Ka Rekka na gampanin ang kanyang tungkulin. Hindi niya iniinda ang dala-dalang mabigat na kagamitan, at labindalawang oras niyang inaakyat ang bundok, kahit pa nadarapa at nadulas na siya at mga kasamahan niya, para lamang madalhan ng supplies ang mga komunidad.

Nagbigay-pugay ang mga guro at kasama ni Ka Rekka para sa tapang ng kanyang loob na tanganan ang pinakamataas na antas ng pakikibaka. Ani Prop. Gerry Lanuza, ang paglahok sa armadong pakikibaka ay pagsasapraktika lamang ng kritikal na teorya ng agham panlipunan. Dagdag pa niya, hindi ang unibersidad o anumang organisasyon ang dapat ituring na rekruter, dahil ang tunay na humihimok sa mga taong lumahok sa armadong pakikibaka ay ang realidad ng mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunan kung saan may masang inaapi at pinagsasamantalahan. Imbis na itakwil ng unibersidad ay dapat umano ipagmalaki ng unibersidad si Kal, tulad ng iba pang iskolar ng bayan na sumapi sa armadong pakikibaka, dahil isinapraktika nila ang pinag-aralan. “If UP does not recognize the revolutionary tradition of its sons and daughters then it should not exist. It has no right to exist.”

Kasabay ng pagpupugay kay Ka Rekka, nanawagan ang mga nakiramay ng hustisya at malayang imbestigasyon hinggil sa walang-awang pagpaslang sa kanya. Ayon sa ulat ng mga saksi at nakalap na impormasyon ng mga progresibong grupo, hindi armado si Ka Rekka nang dukutin ng militar, taliwas sa ulat ng AFP na may naganap na engkwentro. Dagdag pa rito, batay sa kalagayan ng labi ni Ka Rekka, tinortyur at pinahirapan pa siya bago patayin. Ang pagdukot sa hindi armadong kombatant at pagtortyur sa mga dinakip ay parehong labag sa batas ng digmaan batay sa CARHRIHL. 

Nabuwal man ng pasistang estado si Ka Rekka, patuloy na isusulong ng kanyang mga namulat ang pambansang demokratikong kilusan. Tulad nina Chad Booc, Ericson Acosta, at iba pang minartir na rebolusyonaryo, ang pagkamartir kay Ka Rekka ay ang mitsa ng marami pang pagre-rebolusyon sa hanay ng kabataan.

Championing Community Spaces, Condemning Commercialization

Sinong tutugis kung pulis ang kriminal?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *