Ngayong araw ng malayang pamamahayag at pag-alala sa mga desaparecidos o mga sapilitang iwinala, ipinalabas sa UP Film Center ang “Alipato at Muog,”pelikula ni JL Burgos na tampok ang kwento ng kanyang kapatid na si Jonas Burgos. Si Jonas ay isang aktibista at anak ng isang press freedom icon noong panahon ng Martial Law na si Jose Burgos Jr. Gaya ng kanyang ama, nagsilbi si Jonas sa masa at naging miyembro ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP). Dinukot si Jonas noong ika-28 ng Abril 2007 sa Ever Gotesco Mall habang nagtatanghalian. Ayon sa mga nakasaksi kinuha siya ng mga lalaking mukhang sundalo. Ang huli niyang sambit: “aktibista lang ako!”
Ngunit hindi lamang isang aktibista si Jonas. Gaya ng maraming desaparecidos, siya ay isang magulang, anak, kapatid, at kaibigan. Ayon sa Karapatan noong 2023, may 1,911 na kaso ng sapilitang pagkawala mula 1986 hanggang 2023. Sa parehong petsa ng pagkawala ni Jonas Burgos, ika-28 ng Abril 2023, dinukot naman sa Taytay, Rizal sina Dexter Capuyan at Bazoo De Jesus ― mga aktibistang tagapagtaguyod ng karapatan ng mga katutubo sa rehiyon ng Cordillera. Dinukot sila ng mga nagpakilalang nagtatrabaho umano sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na ahensya ng pulisya.
Sa parehong buwan ngayong taon, ika-10 ng Abril, tinutukan ng baril at sapilitang kinuha ng hinihinalang mga miyembro 48th Infantry Batallion ng Philippine Army si William Lariosa, isang manggagawa at miyembro ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa Quezon, Bukidnon. Hanggang ngayon, wala pa ring balita kung saan dinala si Ka William ng mga kumuha sa kanya.
Mailap ang hustisya at manipis ang pag-asa.
Marami pa ang gaya nina Jonas, Manong Dexter, Bazoo, at Ka William na sapilitang iwinala at dinukot, puspusang hinanap, ngunit hindi na muling nakita. Ilan sila sa libong iba pa na sa pasista’y numero lamang, ngunit sa mga naiwan nila ay mga buhay na pilit isinasalba at hinahanapan ng hustisya. Marami sa mga pamilya ng mga biktima ang hindi sumusuko at naghihintay pa rin sa kanilang pag-uwi. Mabigat dalhin ang pangungulila, lalo na ang pagluluksa. Ngunit ibang bigat din ang dalhin araw-araw ang walang katiyakang pag-asa kung buhay pa ba sila.
Mailap pa rin ang hustisya para sa mga naiwan at numinipis ang pag-asang isang araw ay lilitaw ang mga iwinala. Kahit na may direksyong idinidikta ang mga ebidensya sa mga naghananap, lumilihis ang landas sa tuwing susunggab sila sa katarungang halos abot-kamay na. Maraming tanong ang iniwan ng pagkawala ni Jonas: “magkakasama kaya sila?,” “buhay pa kaya sila?,” “kailan kaya sila makikita?.” Subalit may isang malinaw at tiyak na iniwan ito: sa isang pasistang estado, hindi kailanman magiging pantay ang timbangan ng hustisya. Imbis na maging patas, sadyang piniringan ang may hawak ng timabangan upang manatiling bulag sa danas ng mga ordinaryong Pilipino; bulag sa paghahanap sa mga desaparecidos.
Lumilitaw ang sakit ng lipunan sa bawat sapilitang pagkawala.
Sa tuwing may sapilitang iwinawala, lumilitaw ang sakit ng lipunan na siyang dapat gamutin. Imbis na magbigay ng tunay na reporma sa lupa, pinapatay ang mga magsasaka. Kapag pumalag sa kakarampot na kita at humingi ng nakabubuhay na sahod, ganon na lamang kitilan ng buhay ang mga manggagawa. Kapag pinoprotektahan ng mga katutubo ang kanilang lupang ninuno, binobomba ang kanilang mga komunidad sabay tatawagin silang mga terorista.
Ngayong hapon, pagkatapos ng pelikula, nanawagan sa tapat ng UP Film Center ang pamilya Burgos kasama ng iba pang mga progresibong grupo upang ilitaw ang mga desaparecidos. Kasama sa mga dumalo sina Jonila Castro at Eco Dangla, mga nakaligtas sa sapilitang pagkuha at pagdukot. Pawang mga pulis at militar ang tinukoy nilang dumukot at umabuso sa kanila. Sila ay mga buhay na patotoo ng sapilitang pagkawala na ikinukubli ng estado sa deka-dekadang kampanya kontra-insureksyon nito.
Kung nasaan sila, naroon ang hustisya.
Ang hustisya ay kakabit ng bawat buhay na nawala, nawawala, at pilit iwinawala. Hanggat hindi lahat sila ay natatagpuan, hindi pa rin ganap ang katarungan. Ang panawagang mahanap ang mga desaparecidos ay panawagan para sa isang payapang lipunan kung saan panatag at malaya ang mga batayang sektor na ipahayag ang kanilang mga hinaing at interes. Halang ang kaluluwa ng mga nagagawang mandukot ng mga ordinaryong Pilipino at aktibista na ang tanging panawagan ay tugunan ng gobyerno ang kahirapan at kagutuman sa ating bansa.
Hindi matatapos ang paghahanap sa mga desaparecidos. Hindi matatahimik ang mga lansangan na lunduyan ng mga panawagan para sa lupa, sahod, trabaho, at karapatan na mahigpit nilang tinanganan hanggang sa sandali ng panggigipit. Hindi titigil ang sigalot na gustong lupigin ang mga mapang-abuso at mapagsamantala. Hindi natin maaaring hayaan na ang mga dumukot ay hindi managot. Ang nagpupuyos na damdamin ng mga patuloy na naghahanap at nakikibaka ay alipatong magpapaningas sa apoy na tutupok sa muog ng mapang-aping estado.