Larawan mula sa The Vanguard Publication
Maligaya sa halip na masalimuot ang naging pagbabalik ni
Alice Guo. Nakatawa, walang galos, walang gapos. Ikinagalak ang muling pag-apak sa bayang nasa
Rurok ng pagkabulok. Sinigurado nina Marcos at ng mga tuta niya na malinis at mabango ang
Crame para sa pagbabalik ng iginagalang na
Opisyal ng Tsina.
Sisiguraduhin daw na makakamit ang hustisya tulad ng ginawa nila kay
De Lima. Pansinin anong pagkakaiba, at kung bakit tila mas may paggalang sa puganteng halos halikan sa paa sapagkat mamaya’y
Uutusang magluwal ng napakaraming sikreto pa. Makikipagtulungan kaya? O mananatiling
Tagapagtaguyod ng panlilinlang? Mahal na bise presidente,
Ehemplo ng pagkatuta: Kanino ka naglilingkod, sa masa o sa banyaga? Sa dami ng puwedeng panagutin, ang naisipan mong singilin ay si
Risa. Isa ka ngang tunay na kaibigan, maaasahan ng
Tsina. Masa, hindi ba ninyo nakikita? Isang manlolokong kung tratuhi’y parang gintong
Estatwa. Maingat, dahan-dahan, marupok pa sa porselana.
Ibang-iba sa kung paano tinrato si Kian na hindi na nakuhang
Bumuntong ng isa pang hininga. Tinaniman, kinaladkad, pinaslang sa paraang mas masahol pa sa
Asong walang malay. Kataka-taka kung saan nga ba nanggaling ang hawak niya, ngunit ang pusta ko’y
Galing mismo sa opisina ng nangakong susugpo sa droga. Ganyan ang kanilang gawi,
Sasalain ang kababayan habang sinasanto ang dayuhan. Gapos kung kayumanggi,
Abswelto kung puti.
Kung sabagay, ano nga namang timbang ng hamak na Pilipino sa mata ng mga payasong wagas makaluhod sa imperyalista.