Pinausbong ng mga ekonomista, na hindi na agrikultural ang Pilipinas, kundi isang service-oriented na bansa. Giit nila, maliit daw ang kontribusyon ng agrikultura sa ekonomiya ng Pilipinas.
Upang panimulain, magandang ugatin ang pinaghuhugutan ng tinatawag na ‘agrarian question’at ang puntong tinutumbok nito. Ayon sa pag-aaral nina Sam Moyo, Praveen Jha at Paris Yeros, ang agrarian question ay (a) kinumpirma na pangunahing puwersa ang mga magsasaka sa Global South, (b) hindi nito inaabandona ang konsepto ng industriyalisasyon, at (c ) importanteng sangkap ang pagkakakapantay-pantay ng kasarian at pangangalaga sa ekolohikal na lagay ng lipunan upang matamasa ang tunay na pagharap sa pandaigdigang krisis na naghihiwalay sa tila magkalayong konsepto ng produktibong paggawa at pangangalaga sa kalikasan.
Ngunit kung iisipin, ano ba ang mga batayan upang masabi na agrikultural ang bansa? Lapit lang ba ng ekonomiya ang titingnan, o sisipatin din ang interdisiplinaryong suri sa ugat ng kasaysayan at mga peste na bumabalakid sa pagyabong nito?
Upang ilapat ang ilan sa mga argumento na hindi na agrikultural ang Pilipinas, isinalaysay ni JC Punongbayan sa kanyang artikulo sa Rappler ang suri mula sa ekonomiks.
Una, noong 2021 sa bawat P100 na halaga ng output, P60.58 ang nanggaling sa services, halos P30 lang ang hati ng industriya, at P9.59 ang kontribusyon ng agrikultura, ang pinakamaliit sa mga sektor ng ekonomiya.
Pangalawa, pinakamaliit din daw ang kontribusyon ng agrikultura sa paglago ng ekonomiya. Noong 2020 at 2021, tanging services at industriya lang daw ang nagpalago sa gross domestic product o GDP.
Pangatlo, dati tayong itinuring na agrikultural na bansadahil karamihan ng mga Pilipino noon ay nasa sektor ng agrikultura, ngayon ay hindi na. Noong 1970, halimbawa, lagpas kalahati, o 53.7% ng mga may trabaho, ang nasa agrikultura. Sa kasalukuyan naman, halos 60 sa 100 na employed ang nasa serbisyo, samantalang 22 lang sa kanila ang nasa agrikultura ayon sa isang Labor Force Survey ng gobyerno noong 2022.
Paano natin haharapin ito? Mahalagang tanawin na lingid sa namumutawing pananaw, ang Pilipinas ay may 298,170 sq km na lawak ng lupain—napakalaki pa rin. Ngunit mahalagang ipunla ang tanong: tropikal na bansa ang Pilipinas, pero bakit mas nananaig ang serbisyo kaysa sa paggamit ng mayamang lupain nito? Pangunahing pamamaraan ng produksyon ang pagsasaka, ngunit bakit sinasabing hindi na agrikultural ang bansa?
Mahalagang kilalanin na hati ang opinyon ng karamihan sa pagitan ng pagbansag na agrikultural ang Pilipinas at lumalabas na resulta ng lapit ng ekonomiya na hindi ito totoo. Sa kabilang banda, tingin ko ay may pinaghuhugutan naman si Punongbayan kung kaya’t naibahagi niya ang mga datos. Subalit, mahalaga pa ring ugatin kung bakit hindi na kinikilalang agrikultural ng mga ekonomista ang Pilipinas, at mga salik na nakakaapekto sa suri dito.
Ayon kay Sonny Africa ng IBON Foundation, ang konsepto ng ‘agrarian’ ay ang paggamit sa natural na yaman ng bansa para sa ekonomiya. Dagdag niya pa, ang pagliit ng pagpapahalaga sa agrikultura ay sintomas lang ng pambabarat dito.
Narito ang mga rason upang himayin ang mga argumento hindi lamang ni Punongbayan, kundi ang teoretikal na debate sa pagitan ng agrarian question at hulmang service-oriented ng bansa.
Kasaysayang nakaugat sa abuso
Inilabas ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. ang Presidential Decree o PD 27 – ang bersyon niya ng pekeng reporma sa lupa na mapanupil sa mga pesante at manggagawang pang-agrikultural noong Oktubre 21, 1972. Dagdag pa, nakasaad din dito na para ito sa pagtugon ng “marahas na tunggalian at panlipunang ligalig”. Sa madaling salita, ang PD 27 ay isang huwad na reporma sa lupa na mas ibinabaon lamang ang mga magsasaka sa utang dahil sa palpak na konsepto ng amortisasyon.
Labing-apat na porsyento o lang ng kabuuang lupang agrikultural ang naipamahagi sa programang ito. Nasa 17% ng lahat ng manggagawang bukid noon ang nakinabang sa patakarang ito. Palayan at maisan lang din ang saklaw ng PD 27, kaiba sa nauna ritong Agricultural Land Reform Code.
Abswelto sa programa ang lupa ng mga kroni ni Marcos Sr. Mula sa mga niyugan ni Danding Cojuangco Jr., hanggang sa mga tubuhan ni Roberto Benedicto, at mga sagingan ni Antonio Floirendo, sa probisyong ito ay makikitang hilaw ang pagtanaw sa ideya ng pagsasaka. Dagdag pa, inabuso pa lalo ni Marcos Sr. ang mga probisyon ng PD 27 noong nagkamal siya ng P105 bilyong halaga mula sa coco levy funds ng mga maralitang magniniyog.
Kasunod nito, inobliga ng huwad na PD 27 na magbayad ng amortisasyon sa lupa sa loob ng 30 taon ang mga benepisyaryong magbubukid, dagdag pa ang 6% taunang interes, habang binayaran ng kompensasyon ang mga panginoong maylupa. Tinatayang umabot sa 90% ng mga benepisyaryong magsasaka ang pumalya sa pagbabayad at nabaon sa utang. Naging abala ang gobyerno sa pagbabayad ng kumpensasyon sa mga panginoong maylupa. Umabot sa 72% ang overpricing sa lupa para sa kompensasyon.
Kaakibat ng PD 27 ang pag-usbong ng General Order (GO) 47 at Presidential Decree (PD) 472 matapos ang dalawang taon. Binigyang-kontrol ng mga nabanggit ang mga dayuhang korporasyon gaya ng Caltex, Shell, Del Monte, at DoleFil ang nasa 86,000 ektaryang sakahan pagsapit ng 1981.
Ang modelo nito ng amortisasyon mula sa mga magsasaka at kumpensasyon para sa mga panginoong maylupa ay ipinagpatuloy sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Ipinagpatuloy ng lahat ng sumunod na administrasyon matapos ng rehimeng Cory Cojuangco-Aquino,ang CARP. Pinalawig din ito ng rehimeng Duterte sa pamamagitan ng pagsasabatas sa RA 11203 o Rice Liberalization Law. Pinalala pa ito sa rehimeng Marcos Jr., kung saan nasa humigit-kumulang 4.2 million MT ng bigas ang inaangkat ng Pilipinas sa kabila ng pagiging hinog ng mga lupain natin sa pagsasaka.
Nanatili ang lupa, subalit hindi nakikinabang dito ang tunay na may-ari na mga magbubukid. Dagdag pa rito, isang manipestasyon ito ng hilaw na pagpapalago at epektibong paggamit ng yaman na meron ang Pilipinas. Kung ikukumpara sa Cuba, inaalis ng isang mapanupil na estado mula sa mga mamamayan nito ang kanilang ahensya upang tuparin ang kanilang pagkatao bilang magsasaka.
Dahil sa umuusbong na pagbalikwas mula sa mga pekeng reporma sa lupa at pesteng polisiya na ibinunga nito, ipinapanawagan ng mga grupo tulad ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang pag-buwag sa Rice Liberalization Law, pagbabalik sa mandato ng National Food Authority (NFA) na direktang mamili ng palay mula sa mga magsasakang Pilipino, at pagkamit ng tunay na reporma sa lupa sa pamamagitan ng Genuine Agrarian Reform Bill (GARB). Dagdag nila, dapat palakasin ang lokal na produksyon at hindi importasyon ang solusyon sa krisis sa pagkain.
Paano tataas ang pagkonsumo ng mga tao sa bigas at iba pang produktong pananim, kung ang presyo ng mga ito ay ginto sa merkado? Ayon sa KMP, naobliga ang Malacañang na ilabas ang Executive Order 39 dahil tiyak na tataas muli ang implasyon noong nakaraang taon dahil sa napakamahal na presyo ng bigas at iba pang bilihin. Hinayaan pa ng gobyerno na umalagwa nang husto ang presyo ng bigas sa P50 hanggang P60 kada kilo bago naglabas ng price ceiling na nasa mandato naman talaga nito.
Tumubong katotohanan
Ayon kay Jose Monfred Sy, isang propesor sa Philippine Studies sa UP Diliman, mas marami pa rin sa mga Pilipino ang nagmumula sa uring pesante.
Kapag binanggit umano ang salitang uri, ang pinag-uusapan ay ang relasyon ng mga tao sa lipunan at ekonomiya, hindi lang trabaho. Ang mga pamilya at komunidad ng mga pesante ay kinabibilangan nga ng mga service workers, pero sinasabi ni Sy na ang interes ng kanilang uri ay nananatiling nakaugat sa lupa. Halimbawa nito ay ang pagbabayad sa utang na dulot ng pyudal na pang-aalipin, pagbawi sa lupa na inaangkin ng iba, at iba pa.
Subalit kaiba naman ang opinyon ni Herbert Docena, isa namang propesor sa Sosyolohiya sa parehong pamantasan. Aniya, hindi usapin ng pagiging mala-pyudal o pagiging “backward-capitalist”ang lagay ng Pilipinas sa kasalukuyang panahon.
Sa suri niya, pinag-aralan niya ang mga datos mula sa gobyerno—mula census, sahod, at iba pa. Narito ang suma ng kanyang argumento:
- Base sa agrikultural na census, ang dating mga nangungupahan sa lupa, ngayo’y small o medium landowners na ngayon. Dagdag pa niya, mula ⅖ ay naging ⅗ na ang mga magsasakang nagmamay-ari ng kanilang sariling lupain habang ang mga nangungupahan ay naging ⅕ mula ⅖, batay sa datos sa pagitan ng 1960s at 2012.
- Ayon din sa datos, mga manggagawa na ang bumubuo sa malaking bahagi ng populasyon ng Pilipinas.Maaring tignan at ipagkumpara ang 2022 Labor Force Survey sa pagitan ng sektor ng agirkultura at sektor ng serbisyo:
- Masikhay ang low-value manufacturing (food, beverages, tobacco, atbp.) noong 1960s–ngunit ngayon, nananaig na ang pag-produs ng mga makinarya at kagamitan.Nang taong 2020, ang sumunod na nabanggit ay nagtala ng 40% na bahagdan habang ang nauna ay mayroon lamang 33% na bahagdan.
- Iginiit din ni Docena na kung dati’y hilaw na materyales ang iniluluwas ng Pilipinas, ngayon ay puro produkto na mula sa paggawa (81%).
- Panghuli, isinasaad ng “Gross capital formation,” na sukat ng lahat ng outlay o mga kagamitan sa produksyon tulad ng mga planta, makinarya, gamit, buildings, gamit, atbp., na ang mga ito ay indikasyon din ng lawak kung paano kinakamal ang kapital na tumaas ng mahigit 1500% mula noong nakaraang limampung taon.
Mahihinuhang magkaibang lapit ang ibinigay ng dalawang propesor, bukod sa mga naibigay ng ekonomiya. Ngunit magandang balikan ang konsepto ng agrarian question na naipunla sa simula: tali lang ba ito sa produksyon o industriyalisasyon—o mahalaga ring sipatin ang lapit ng tunay na paglaya (liberation)?
Pagsingil, Pagbuhay, Paglaya
Ang usapin ng agrarian question on industrialization at agrarian question on liberation ay pinag-aralan ng Centre for Agrarian Research and Education for South (CARES). Napagtanto nila na sa ilalim ng isang kapitalistang mundo, ang paggawa ay hahantong sa gulo. Ito ay dahil sa konsepto ng imperyalismo, na mapagmamasdan sa nangyayaring henosidyo na ginagawa ng US-Israel sa Palestine.
Sinusuhayan naman ang nabanggit na pananaw ng argumento ni Max Ajil, na naniniwala sa konsepto ng ‘transformed world’ o ekososyalismo. Kaiba sa pananaw ng mga kapitalista, layon ng lapit ni Ajil na magkaroon ng mundong sisiguraduhing ang paggawa ay nakabubuhay, dahil ang tao ay nakikipag-ugnayan sa kalikasan.
Napakahalagang tingnan na tinuturo sa atin noong bata pa tayo na tropikal na kapuluan ang
bansang Pilipinas, kung kaya’t hinog ang bansa para sa pagtatanim. Titingnan mang agrikultural o hindi ang Pilipinas, kailangan pa ring mailantad na ipinipilit sa atin ng kapitalista at imperyalistang mga interes na ilako ang ating serbisyo kapalit ng kakarampot na kita, upang sila’y magkamal ng ganansya o tubo, sa ngalan ng neoliberalisasyon.
Sa kabila ng mapang-abusong kasaysayan na humamon sa mga magsasaka, taun-taon silang nananaig at lumalaban para sa kanilang karapatan. Lupa at teknolohiya ang kanilang puhunan upang makapag-produs ng hilaw na produkto, ngunit pahirapan itong makamit.
Ang paggiit na ‘agrikultural’ ang Pilipinas ay isang uri ng “reklamasyon” o “pagbawi” sa gitna ng tunggalian dulot ng iba’t ibang krisis. Sa pagkakaroon ng tunay na representante ng mga magbubukid sa Kongreso at Senado, mas mapapalakas ang sama-samang tindig ng puwersa ng mga mga magsasaka at kakampi, lalo na sa gitna ng laban para sa hustisyang pangklima sa kabila ng panananalasa ng kaliwa’t kanang kalamidad. Sa kapasidad nila, muling makakamit ng mga magsasaka ang tunay na reporma sa lupa.
Sa taong 2025, ang pagbabago ay makakamit sa pagsandig ng bawat-isa sa kolektibong lakas ng masa na babalikwas mula sa tanikala ng mga imperyalista. Sa taong 2025, ang masang Pilipino ay maniningil, at muling babawiin ang kalayaang pambansa na ipinagkait sa kanila.