Sulat ni Adrianne Ermitanio, Jenelle Raganas
Litrato ni Adrianne Ermitanio, Jenelle Raganas, Kenneth Castor
Paano mo nga ba masasabi na ang isang lugar ay ‘buhay’?
Buhay ba ang espasyong bunga ng pagbubukod?
Buhay ba ang espasyong hindi ligtas?
Buhay ba ang espasyong ganid ang namumutawi?
⠀
Pagpasok pa lamang sa kalye ng JP Laurel, samu’t saring kainan at mga tindahang nagbibigay ng iba’t ibang mga serbisyo na agad ang bubungad sa iyo. Sasalubungin ka ng amoy ng bagong lutong ulam,ng tunog ng mga blender habang inihahanda ang inuming papawi sa init ng araw,ng naglalakihang mga xerox machines at printers na naging saksi sa paglilimbag ng mga thesis at assignments ng libu-libong mga estudyante.
⠀
Nakamamanghang isipin na sa loob ng isang pamantasan, mayroong isang sustinable at nagtutulungan na komunidad. Mula sa karinderyang naghahain ng iba’t ibang mga ulam, kapehan na handang akayin ang mga estudyanteng magdamag na gising para mag-aral, tindahan ng gulay, limbagan ng kung anu-anong mga papel, barbero at marami pang iba.
⠀
Ngunit higit sa kung anumang paninda o serbisyong maaaring mabili rito, ang unang kukuha ng iyong atensyon sakali mang ikaw ay maparaan dito, ay ang diwa ng isang nagkakaisang komunidad. Mula sa mainit na ngiti ng mga maninindang ilang taon nang nagbibigay ng serbisyo, hanggang sa mga estudyanteng nakahanap ng kanilang ikalawang tahanan sa loob ng pamantasan, buháy ang búhay ng komunidad.
⠀
“Ilang taon na akong nagtitinda rito”, sabi ni Kuya Allan, manininda ng mangga sa UP. Kwento niya, taong 2004 pa lamang ay nagtitinda na siya ng iba’t ibang mga kutkutin gaya ng mani sa loob ng unibersidad. Ngunit bakas sa kanyang mukha ang pangamba. Kinausap raw sila atmga kapwa niya manininda ng Office of the Vice Chancellor for Planning and Development na hindi na raw sila pahihintulutang magbenta malapit sa Dilimall.
⠀
Sa lunes, ika-18 ng Nobyembre, inaasahang bahagyang magbubukas ang DiliMall, partikular ang bahaging okupado ng Robinsons Easymart. Papalitan ng DiliMall ang UP Shopping Center na nasunog noong 2018. Malayo sa itsura ng dating Shopping Center ang DiliMall. Sa pamamahala ng master leaseholder na CBMS Research and Management Consultancy Services (CBMS – RMCS), mga naglalakihang mga brands gaya ng Mary Grace, Robinsons, ang bibigyan ng prayoridad sa mga komersyal na espasyo sa halip na mga orihinal na stall holders ng nasunog na Shopping Center.
⠀
Sa gitna ng nagtataasang presyo ng bilihin na dala ng lumalalang pang-ekonomiyang krisis sa lipunan, pursigido ang mga manininda na patuloy na magbigay ng mga paninda at serbisyong abot-kaya para sa komunidad. Ngunit ito ay maaaring mawala sa paglala ng komersalisasyon sa loob ng pamantasan.
⠀
“Dito ako kumukuha ng pambili ko ng gamot”, ani Tatay Rene, 75 taong-gulang at manininda ng pamaypay at iba pang mga gamit sa Area 2. Kwento niya, ilang taon na rin siyang nagtitinda sa UP bilang pantustos sa kanyang mga gamot para sa kanyang sakit na arthritis. Lingid sa kanyang kaalaman, ang mga katulad niyang umaasa sa kanilang arawang kita sa pagtitinda ay haharap pa sa mas malaking karamdaman.
⠀
Iniluwal ng komersalisasyon ang pagsasakahulugan sa konsepto ng ‘buhay’ sa mga espasyo na huwad—imbes na totoong kasanayan at emosyon, pinipeke nito ang karanasan na maari nating makuha sa totoong espasyong nagbubuklod, ligtas, at mapagbigay: ang komunidad.
⠀
Gaya nga ng agos ng buhay, mabilis lamang ang panahon na inilalagi ng mga estudyante sa UP Diliman, ngunit saksi ang mga espasyo gaya ng area 2 sa kanilang buhay sa loob ng pamantasan. Hindi lang mga estudyante ang nakararamdam nito; pati rin ang mga manininda. Para sa kanila, isang malaking taya ang pagbuhos ng lakas, oras, at pagod upang magbigay serbisyo sa araw-araw. Sa papalapit na pagbubukas ng Dilimall, tuluyang gagawing negosyo ang serbisyo para sa tao. Tuluyan din nitong papatayin ang buhay na buhay at makulay na mga alaalang iniwan satin ng mga sulok ng bawat espasyo ng komunidad na ito.
⠀
Buhay ang Area 2; dumadaloy sa mga ugat ng bawat kamay ng mga manininda na nag-aalok ng abot-kayang serbisyo ang pagmamahal na hindi kailanman matatapatan ng kahit anong komersyal na espasyo tulad ng Dilimall. Dahil dito, hinding-hindi mamamatay ang nag-aalab na diwa ng tunay na kahulugan ng paglilingkod sa masa na bitbit ng mga estudyante ng UP at isinasabuhay ng mga manininda. Ito ang uri ng paglilingkod sa sambayanan na matututunan ng bawat mag-aaral sa labas ng apat na sulok ng silid-aralan.
⠀