Mga Katanungan Para Sa Labindalawang Taong Nakilala Ko Sa Tren

Hindi ako sumasakay ng tren. Mainit, siksikan, pagod ka na bago ka pa makarating sa iyong paroroonan. Ngunit bilang isang alternatibong mamamahayag, bahagi ng aking obra ang maglathala ng kuwento ng masa, at hindi ito magagawa ng isang taong hindi bahagi ng katipunan. Sa ganoong gana, kinailangan kong sumakay ng tren upang gawan ng tampok ang kamakailang inanunsyo na pagtaas ng pamasahe sa LRT-1. Sa aking munting paglalakbay, hindi ako nakagawa ng maayos na kuwento. Tulad ng aking nabanggit, mainit, siksikan, pagod ka na bago ka pa makarating sa iyong pinaroroonan. Napailing na lamang ako. Bahagi rin ng aking obra ang magkuwento ng mga kuwentong akin at ng mga kuwentong ikinekuwento ko lamang. Alam naman nating lahat na mahirap ang ikalawa. Isang tarak sa dibdib ng sinumang mananalaysay ang hindi mabigyang hustisya ang kuwentong hindi naman kanya, bagaman mahirap. Gayunpaman, nagkaroon ako ng pagkakataong bumuo ng labindalawang tanong para sa labindalawang taong nakilala ko sa tren. 

Sa kolehiyala: Saan ka hindi sigurado? 

Sa mamamahayag: Kailan mo haharapin ang sarili mong kuwento? Ang kuwentong magtatapos sa isang mapait na kalabit sa gatilyo, sapagkat hindi ang kuwento ng panginoong kataastaasan ang kinuwento mo?

Sa mananayaw: Kaya mo bang sumayaw nang walang musika, o nakadepende ang iyong pag-indak sa pagtugtog ng isa pa? 

Sa manlalakbay: Kapag naikot mo na ang buong mundo, kanino ka uuwi? Pipiliin mo pa rin bang bumalik sa bayang pinagtataksilan ka? 

Sa retratista:Naranasan mo na bang ngumiti sa mga lente? Kung gayon, nasabihan ka ba na nakahuhumaling ang iyong kayumangging mga mata? 

Sa manunulat: Ipinangalan mo ba ang labindalawang paltos sa iyong mga kamay sunod sa labindalawang tulang hindi nakita ang liwanag ng mundo? 

Sa nakikibaka: Natatandaan mo pa ba ang huling pagkakataon na pinili mo ang iyong sarili? 

Sa maestro:Kanino ka unang natutong lumaban? 

Sa karpintero:Ilang beses ka nang nakabuo ng gusali? Eh ng pangarap?

Sa unica hija: Anong pangalan mo? Kilala mo pa ba ang iyong sarili? May maikukuwento ka ba sa akin maliban kila nanay at tatay? 

Sa ama:Kailan ka huling nakabili ng tsinelas? Ng kape at pandesal?

At para sa ginastos ang huling limampung piso sa pagsakay: Ano ang katumbas ng iyong pag-uwi? Isang tasa ng kanin? Isang pakete ng biskwit? Bakit hindi puwedeng parehas? 

May mga taong inuuwian, may mga taong sinasamahan, at may mga taong dinadaanan lamang. Para sa akin, lahat ng ito ay ang mga taong makikilala mo sa tren.

Makikilala mo sila sa kalagitnaan ng ingay ng siyudad, mananatili kang bahagi ng buhay nila sa katiting na oras, bababa ka sa himpilan at dadaanan mo sila nang nakayuko na para bang hindi mo ginugol ang kahabaan ng biyahe sa pagpinta ng kanilang mga kuwento, at uuwi ka sa mga katanungang hindi mo kailanman mabibigyan ng kasagutan. 

Ano ngayon ang iyong gagawin? Ikaw ang tipo ng taong hindi nakakatulog kapag may hindi nasasagot. Hindi ka pa ba nasanay? Ang mundo ay talamak sa mga katanungang walang katiyakan. Bakit nagmamahal ang pamasahe? Ang mga bilihin? Bakit siksikan, bakit mainit, bakit pagod ka na bago ka pa man makarating sa iyong pinaroroonan? Bakit may kolehiyalang hindi sigurado? Bakit may aktibistang pagod nang makibaka? Bakit may karpinterong nakapagtalakad na ng lahat maliban sa kanyang mga pangarap? Bakit may manunulat na may labindalawang kalyong nakapangalan sa labindalawang lathalaing hindi niya mailabas bunga ng takot? Bakit may takot? Bakit walang magsasaka? Mangingisda? Wala ba silang limampung pisong pamasahe? Wala.Bakit may maestrong patuloy na lumalaban? Buti na lang, may maestrong patuloy na lumalaban. 

Ganito na lang; sa susunod mong pagsakay ng tren, sikapin mong huwag tumingin sa kahit kanino. Marahil ay hindi mo masusulit ang limampung piso, ngunit makakauwi kang tahimik ang iyong nag-aalborotong isip.

Nakauwi ako nang matiwasay. Nainitan, nasikipan, napagod bago pa makarating sa aking paroroonan. Naramdaman ko ang araw-araw na nararamdaman ng mga hamak na masang patuloy na nililinlang ng mga nakaaangat sa tatsulok. Ngunit pagkalipas ng ilang minutong pagpapahinga, kinailangan kong umupo nang diretso, buksan ang aking kuwaderno, at isatitik ang labindalawang buhay na silang naging akin sa loob ng iilang minuto. Saka ako nagalit sa aking sarili. 

Bakit ako nakalabas nang buhay? Bakit hindi ako hinarang sa aking pagtataksil sa panginoong nasa kataastaasan ng tatsulok? Bakit pinabayaan akong maglakbay? Bakit may natira pang mahigit limampung piso bukod sa limampung pisong binayad ko sa himpilan? Bakit pag-uwi’y may nakahain sa hapag kainan, samantalang ang humuli ng isda’t nag-ani ng gulay ay nanginginig sa kagutuman? Bakit may bubong sa ibabaw ng aking bumbunan at saplot sa aking katawan? Bakit hindi ako giniginaw, naiinitan, nangangati, nauuhaw? Marahil ay ito ang aking labindalawang tanong para sa sarili. Diyos ko, bakit ako? Bakit ako lang at ang iilang pili? Anong gagawin ko sa kapangyarihang ipinagkaloob mo?

Wala man akong labindalawang sagot, ngunit may iisang tiyak: Ako, upang magalit. Ako at iilang pili, upang makibaka. Ako at ang labindalawang taong nakilala ko sa tren, upang maghimagsik. Upang mag-alsa. Upang, sa iba’t-ibang mga paraan, lumaban. Sumigaw. Baligtarin ang tatsulok gamit ang aming mga kamay na napupuno ng kalyo, mga daliring pinamumugaran ng lupa. 

Naiintindihan ko; mahirap maramdaman ang ngitngit kung ito’y magmumula sa aking dilang napupuno ng ilang-ilang at sampaguita. Tila ba’y lahat ng masama sa mundo’y kaya kong pagandahin sa pamamagitan ng aking mga salita. Pasensya na kung ganoon. Ito ang aking trabaho mula pa noong una. Maniwala ka’t sa hindi, hindi ito babasahin ng isang binatang nagmamaneho ng behikulong mas mahal pa sa aming munting tahanan, kung sisimulan ko ito sa mga katagang “Mga Dahilan Kung Bakit Kailangang Patalsikin Ang Mga Mayayaman”. Ganito ako makibaka — tuso, banayad, nag-aanyaya, ngunit mapanlinlang. Hindi ito tula, at mas lalong hindi liham ng pag-ibig. Iyak ito ng poot. Marahil ay hindi ito ang paraan ng lahat, ngunit ito ang akin. Kung mayroon man akong natutuhang hindi nagpatulog sa akin netong mga nakalipas ng gabi, ito ay ang katotohanang hindi ako makakagawa ng pagbabago kung mag-isa akong sisigaw sa harap ng puting mansyon ng mga panginoon. Kay hina ng aking munting tinig kung ikukumpara sa kanilang mabibigat na mga kubyertos. Ngunit hindi ibig sabihin nito’y wala akong maaaring gawin. Hindi dahilan ang aking pagkakapuwesto sa gitna ng tatsulok upang ako’y maging timi. Susulat ako nang susulat at patuloy na magbabalatkayong makata hanggang sa papasukin ako sa puting mansyon, saka ko ito sisindihan hanggang sa magliyab, gamit ang aking lampara, papel, at panulat. 

Lahat ito, nang dahil lamang sa labindalawang taong nakilala ko sa tren. Kung kaya kong paliyabin ang isang mansyon dahil sa labindalawang tao, mas kaya nating paliyabin ang higit labindalawang mansyon para sa libu-libong Pilipinong hindi pa nakakasakay ng tren.

Kabataan Partylist Decries Terror-Tagging & Harassment Against Central Luzon Volunteer Campaigner, Calls on COMELEC to Intervene

Justice for Kristel Tejada, justice for all!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *