Pahintulot, pero para kanino?

Sulat ni Kirsten Flores

Sa isang tunay na demokrasya, ang karapatan sa pamamahayag ay hindi dapat ikinakahon sa “pahintulot” ng iilang makapangyarihan. Ngunit sa Pilipinas ngayon, ang karapatang mag-ulat ay hayagang kinokompromiso. Ang akses sa impormasyon ay ginagawang larong kontrolado ng estado, habang ang kritikal na tinig ay sistematikong itinataboy palayo.

Accredited? More Like Discredited

Muling ipinapakita kung paano ginagamit ang kapangyarihan upang iguhit kung sino lamang ang “karapat-dapat” magsalita at makialam. Sa pagpapairal ng bagong patakaran ng Presidential Communications Office (PCO) sa akreditasyon ng midya, hindi lamang isinantabi ang mga mamamahayag na bago o alternatibo–binubura rin ang papel ng midya  bilang tagapagbantay ng pamahalaan. Sa ilalim ng patakarang ito, ang gobyerno mismo ang pumipili kung sino ang makakakuha ng pahintulot—na sa kontekstong ito, ay isang anyo ng gatekeeping na nagpapalalim sa patronage politics, o ang sistemang gumagamit ng pabor-paboran upang manatili sa kapangyarihan sa halip na itaguyod ang patas at bukas na paglahok. Ito’y nagpapatuloy sa institusyonalisadong pag-iitsa sa mga kritikal na tinig, at paghina ng demokratikong pagsusuri. Ngunit kung ang mismong Estado ang nagpapasya kung sino ang may karapatang mag-ulat, kaninong tinig nga ba ang tunay na pinapakinggan?

Hindi ito simpleng regulasyon. Isa itong uri ng institusyonalisadong pagsikil na binalutan ng lenggwahe ng propesyonalismo upang palitawin itong lehitimo. Para sa mamamayan, ito ay nangangahulugang unti-unting paglalaho ng akses sa makabuluhang impormasyon—bagay na sentro sa isang demokratikong lipunan. Habang lalong pinipino ang mga rekisito sa pag-uulat, lalong pinapahina ang pundasyon ng demokratikong pananagutan. At sa likod ng lahat ng ito, malinaw na tanong ang sumisilip: pahintulot, pero para kanino?

It’s Giving Censorship…

Ilang araw bago ang World Press Freedom Day Noong nakaraang ika-3 ng Mayo, naglabas ang PCO ng bagong panuntunan na magbibigay sa kanila ng kapangyarihang mamili at bawiin ang akreditasyon ng mga mamamahayag. Ayon sa patakaran, tanging mga may limang (5) taong karanasan at “ethical reporting” portfolio ang maaaring makapag-cover sa Pangulo. Sa ilalim nito, ang mga kritikal na boses ay lalong isinasantabi.

Matapos ang mariing pagtutol ng Malacañang Press Corps (MPC), pansamantalang ipinagpaliban ng PCO ang pagpapatupad ng panuntunan. Ngunit ang pagpapaliban ay hindi solusyon sa kawalan ng transparency at sa diskriminasyon laban sa mga bago at independent na midya. Ayon sa Commission on Human Rights (CHR), ang limang taong requirement ay lantarang pagsasara ng pinto sa mga alternatibong midya.

Malinaw ang kabalintunaang umiiral. Noong nakaraang taon, sa World Press Freedom Day, sinabi pa ni Marcos na “we celebrate our journalists for their courage in conveying unbiased reports, and we rely on them to continue being the stalwarts of truth and transparency.” Ngunit ito ring disimpormasyon tungkol sa diktadurya ng kanyang ama ang nagbukas ng daan sa kanyang pagkapangulo. Ngayon, ang kalayaang ipinagmamalaki niya ay siya ring pinipigilan niya.

Hindi ito simpleng usapin ng akreditasyon—ito ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng kontrol at panunupil. Sa mas malawak na larawan, makikita ang patuloy na pagsikil sa midya sa ilalim ng kaniyang administrasyon. Ayon sa 2025 World Press Freedom Index ng Reporters Without Borders (RSF), nasa ika-116 na pwesto ang Pilipinas—indikasyong mahirap ang kalagayan ng pamamahayag sa bansa. Ang mababang ranggo ay sumasalamin sa kombinasyon ng mga salik gaya ng political pressure, legal harassment, red-tagging, at direktang pag-atake sa mga mamamahayag at alternatibong midya. 

Sa isang panayam, sinabi ni RSF Asia-Pacific advocacy manager Aleksandra Bielakowska na maraming kaso ng paglabag sa press freedom ang nagsimula pa noong administrasyong Duterte at patuloy na umiiral sa ilalim ng kasalukuyang gobyerno. Hangga’t hindi natutugunan ang mga sistematikong pang-aabuso at panunupil, mananatiling mababa ang antas ng kalayaan sa pamamahayag sa Pilipinas.

Under PRESSured

Hindi rin ligtas ang ang mga alternatibong pahayagang pangkampus. Mula 2023 hanggang 2025, ilang publikasyong pang-mag-aaral gaya ng The Catalyst (PUP), Philippine Collegian (UP), Today’s Carolinian (USC), at The Spark (Camarines Sur) ang nakaranas ng eviction, censorship, at harassment. Ayon sa College Editors Guild of the Philippines (CEGP), 206 campus press freedom violations ang naitala mula Hulyo 2023 hanggang Hunyo 2024. Lumampas na sa 1,000 ang kabuuang kaso mula pa 2010. Ngunit inutil ang Campus Journalism Act sa harap ng kaliwa’t kanang pag-atake sa mga publikasyong pangmag-aaral.Sa kontekstong ito, makikitang hindi lamang malalaking institusyon midya ang hinahadlangang gumanap sa kanilang papel. Pati ang maliliit at lokal na publikasyon, gaya ng mga pahayagang pangkampus, ay nakararanas ng sistematikong pagpapahina. Nararapat ding ilantad ang mga hamong kinakaharap ng mga publikasyong gaya ng SINAG. Araw-araw na iniinda ng pahayagan ang kakulangan sa pondo, kagamitan, manpower, at seguridad. 

Gayunpaman, hindi natitinag ang paninindigan ng mga campus journalist sa kanilang tungkuling mulatin ang taumbayan at itampok ang mga isyung pilit tinatabunan ng makapangyarihan. Sa mga aktibidad kung saan inaasahan ang presensya ng publikasyon, kapansin-pansin ang kawalan ng malinaw na koordinasyon mula sa mga institusyon—isang realidad na mas nagpapabigat sa kanilang gawain. Bagaman kinikilala ng unibersidad ang SINAG bilang pahayagang pangkampus ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (KAPP), nananatiling malabo sa maraming tinatawag na Konsensiya ng Bayan ang tunay na gampanin nito. Kulang din ang atensyon at suporta sa mga karapatang kailangang igiit at ipaglaban upang manatiling buhay ang pahayagan sa gitna ng mga hamon. Dito mas lalong luminaw na hindi hiwalay ang usapin ng press freedom sa mga batayang serbisyong pangmag-aaral. 

Sa SINAG mismo, iniinda rin ng mga patnugot at manunulat ang kani-kanilang mga karamdaman—mapa-pisikal man o sikolohikal. Kinikilala nilang bukod sa pagbabalita ng iba’t ibang sakit ng lipunan, sila rin mismo ay may kanya-kanyang karanasan at pagdanas sa mga ito. Sa ganitong pagkakaugat ng personal at pampubliko, lalong nagiging mahalaga ang suporta sa kalagayan ng mga mamamahayag bilang bahagi ng mas malawak na panawagan para sa makataong serbisyo sa lahat ng sektor ng pamantasan. Ang pagtugon sa mga pangangailangan upang maitawid ang pangaraw-araw na buhay, ay isang radikal na desisyon at gawain din.

Lalong lumulutang ang kabalintunaan sa tuwing ang publikasyon ay inaasahang mag-ulat nang mahusay, habang ang kapaligirang ginagalawan nito ay hindi naman nagbibigay ng sapat na espasyo upang maisakatuparan ito. Upang makalikom ng pondo, minsan ay kinakailangan pang maghanap ng paraan ng mga publikasyon upang magkaroon ng pera para maging sustenable ang pamamahayag. Mabigat pasanin para sa mga publikasyon ang pamumolyeto at paglalabas ng printed issues sa kabila ng burukrasyang lubos na nakakaapekto sa malayang pamamahayag. Liban pa rito ang pamasahe papunta sa mga on-ground coverages o training seminars. Hindi ito simpleng usapin tungkol sa lohistika. Isa itong repleksyon ng malalim na kawalan ng pagkilala sa halaga ng campus press bilang aktibong bahagi ng demokratikong proseso sa loob ng unibersidad.

Tungo sa Pamamahayag na Malaya at Mapagpalaya

Mahalagang banggitin rin ang kaso ni Frenchie Mae Cumpio, peryodista mula Eastern Visayas at dating Editor-in-Chief ng UP Vista, na hanggang ngayon ay nakakulong sa ilalim ng gawa-gawang kaso ng illegal possession firearms and explosives, pati na rin ang terrorism financing. Ayon sa mga ulat, nahuli si Cumpio noong Pebrero 2020  sa isang raid kung saan umano’y narekober ang mga baril, pampasabog, at mahigit kalahating milyong piso—mga ebidensyang pinagdududahan at kinukuwestyon ng maraming human rights at media groups bilang itinanim lamang. Ito ay patunay ng patuloy na panunupil sa mga mamamahayag na tumatahak sa landas ng alternatibong midya, lalo na sa mga babaeng nakikipaglaban sa mga probinsiyang pinakaapektado ng militarisasyon.

Pinalalala pa ito ng patuloy na website blocking ng gobyerno sa mga independent midya. Simula Hunyo 2022, ang Bulatlat at Pinoy Weekly ay ni-label na “terrorist-affiliated” at hinarangan ng National Telecommunications Commission (NTC)—kahit walang due process. Sa kabila ng mga panawagan ng mga lokal at internasyonal na grupo tulad ng UN Special Rapporteur on Freedom of Expression, hindi pa rin binabawi ng pamahalaan ang mga block.

Sa ilalim ng rehimeng ito, ang midya ay ginagawang selektibo, ang katotohanan ay binabakuran, at ang tanong ay pinapatahimik. Kung ang kalayaan sa pamamahayag ay dapat hingin pa sa pahintulot ng estado, malabo nang masabing malaya tayo.

Ang kalagayang ito ay hindi na bago—institusyonal na ang mga paraan ng pag-atake sa pamamahayag. Mula sa red-tagging, paninira sa mga alternatibong pahayagan, hanggang sa paggamit ng Anti-Terror Law bilang kasangkapan ng panunupil, mahalagang bigyang-diin ang malawakang estratehiya ng Estado sa pagpapatahimik sa mga tinig ng midya na lumilitaw sa pagpapanatili ng mga sistemang pinapalakas ang iba’t ibang anyo ng abuso sa karapatan at kalayaan. Hindi lamang indibidwal na peryodista ang pinupuntirya kundi maging ang mismong espasyong pampubliko ng malayang pamamahayag. Sa gitna ng lumalalang disimpormasyon at pananakot, lalo pang tumitibay ang panawagan para sa malayang pamamahayag na nagmumulat, nakikibaka, at nagpapalaya. Maging sa panahong elektoral, nararapat na alalahanin natin na ang midya ay may papel na hindi lamang limitado sa pag-uulat. Mariin ang paninindigang “journalism is activism.” sa gitna ng tumitinding impunidad, disinpormasyon, at kriminalisasyon ng kritikal na tinig, hindi sapat na manatiling tagamasid ang midya. Kailangang magsalita, maglantad, at makialam. Ang pagkikritika sa mga kandidatong may kasaysayan ng pananahimik o panunupil ay hindi paglabag sa “neutrality” kundi pagyakap sa responsibilidad ng pagbubunyag ng katotohanan. Sa panahong ang press freedom ay binabaklas pira-piraso, ang paninindigan ng mga mamamahayag na maging aktibista sa pagsiwalat ng katotohanan ay hindi lamang makatwiran, kundi mahalaga sa pagbubuo ng isang mulat na lipunan.

Ang laban para sa malayang pamamahayag ay hindi laban ng midya lamang. Ito ay laban ng bawat mamamayang nagnanais ng pananagutan, katotohanan, at kalayaan. Ang papel ng alternatibong midyaay hindi lamang nakikita at dapat pahalagahan tuwing  eleksyon.  Aktibong kumikilos ang mga alternatibong pahayagan upang bigyang pansin ang mga napapanahong isyu at magbigay ng kritikal na perspektibo upang suriin ang mga pagbabago sa lipunan.

Hindi dapat maging nakakatakot ang pagbabalita. To write is already to choose. Sa pagtangan ng responsibilidad na maging alternatibong mamamahayag, pinili na rin ng isang alagad ng midya na paglingkuran ang sambayanan.

Sa ganitong wari, ang konsepto ng “pahintulot” mula sa gobyerno ay hindi simpleng patakaran kundi salamin ng kakulangan ng pagkilala sa midya bilang mahalagang bahagi ng demokratikong lipunan. Ito ay isang kabalintunaan na hindi natin maaaring palampasin. Dahil kung ang kalayaan sa pamamahayag ay dapat hingin pa sa estado, tanungin natin: anong klaseng kalayaan ang natitira sa atin?

Kung ang kalayaan sa pamamahayag ay kailangan pang pahintulutan ng estado, kalayaan pa ba talaga ito?

Water damage: Google Groups leak information of thousands of students, faculty, and staff across UP system for eight years

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *