mula kay Cate Margaret Paspos (Contributor)
Isang maulang Sabado ang nag-udyok sa aming mag-ina upang kumain ng ihaw. Habang naglalakad sa kahabaan ng Maginhawa, bigla kong narinig ang tanong ng traysikel drayber sa kanyang pasaherong bumaba sa tapat ng panaderya, “Sinong bakla sa inyo?”Mabilisang umiling at sumagot ng “Hindi po ate!” ang pasahero. Chares! Syempre, “Hindi po” lang sinabi niya, hindi naman lahat chronically online.Dagdag ng drayber, “Ah, parehas kayong bakla?” Hindi ko na alam ang sumunod, pasensya at may buhay rin ako. Hindi na para pa!
Nagpatuloy ang mabagal naming paglakad ng aking ina sa likod ng magjowang naka-kulay rosas at lila na may hawak-hawak nang makulay na watawat. “Papunta sila ng Pride?” tanong niya. Tumango ako at biglang nagpaalam na pupunta rin ako para makisama sa martsa. Hindi naman aangal ang aking nanay, pero syempre magtatanong siya sinong artista ang present! Typical.
Kakaiba ang LoveLaban ngayong taon sa Kyusi dahil ito ay nag-ingay sa loob ng UP Diliman, isa ring kilalang tahanan ng sangkabaklaan sapagkat dito nabuo ang unang LGBTQ+ student organization sa Pilipinas na UP Babaylan noong 1992. Imbes na mistulang estrangherong bumibisita, tila ang mga miyembro ng LGBTQIA+ ay nakauwi sa kanilang tahanan kasama ang iba pang mga kapatid. Danas na danas din lalo ng UP Community ang kulay, ganda, saya at laban ng Pride Month ngayong taon.
As usual, umulan o umaraw tuloy ang LoveLaban! Ika nga ni Angel Galang, “Fight tayo!”
Babad na babad na kami dito, pero hindi na para magpatinag sa ulan. Epekto? Sandamakmak nanaman ang booking sa Diliman! Nagaagawan na ng motor o habal ang mga beking napaos at namaltos sa martsa. Sa katunayan, pati rayder ko kanina nagtaka. “Event ba ‘to ng mga bakla?” Tanong niya sa akin bigla. Wala man lang hi/hello kuya? Over sa pa-recitation!
Buti ‘di siya nagpass sa halata. Katakot dahil kalahating oras na rin akong naghihintay bago makapagbook! Pero ganyan talaga kapag ang pampublikong transportasyon mo ay paasa—laging huli, laging mahal, at laging kulang. Kung hindi ka basa sa ulan, tagaktak ka sa pawis sa kahihintay. At ang dami pa naming kasama sa kalsada, hindi lang mga bakla—kundi mga manggagawa, estudyante, at ordinaryong tao na araw-araw nilalamon ng trapik at bulok na sistema ng transportasyon. Oo, mahirap makipag-usap habang naka-angkas ka sa motor. Pero, noong mga segundo na ‘yun, parang tumahimik ang mundo para marinig niya ang ating kwento. Sino ba naman ako para tumanggi magturo e pera niya ang nagpapaaral sa akin dito. Tama, mali?
“Opo, kuya.” Sagot ko.
“Pwede kahit hindi UP student?”Sunod niyang tanong.
“Opo, kuya! Para sa lahat po.”
Para naman talaga sa lahat! Pati nga si kuya napansin, “Ay may foreigner rin.” Eksena!Syempre, dadayuhin talaga ang ganda ng Pinay! Hindi naman kasi limitado sa partikular na sektor ang protesta ng Pride. Ito ay bukas sa lahat ng nagmamahal na may pinaglalaban, kaya nga LoveLaban e. Julit-julit!
Nakakatuwa at may liwanag sa Diliman dahil ating napaabot ang ating makulay na pinaglalaban sa ating mga kapitbahay. Narinig, nagtaka, at natuto ang mga batang naglalaro sa gilid, mga tinderang nagtitinda ng mani, pati na rin mga drayber at rayder sa paligid. Sapagkat kasabay sa ingay ng ating mga pagkakakilanlan ay ang pagpaparinig sa puso ng madla kung sino nga ba ang isang bakla – hindi bilang biro, hindi bilang stereotype, kundi bilang taong may laman, damdamin, at dignidad.
Kinikilala ang “bakla” bilang pagpapakita ng kilos-babae ng isang taong pinanganak na lalaki. Samantala, madalas naman nating gamitin bilang magkasingkahulugan ang “gay” at “bakla” kahit na ito ay may magkaibang depinisyon. Eh, ano? Oh, bakit? Parehas lang naman na may pinaglalaban yan!
Ang “gay” ay ang pagpili ng kung sinong gusto mong mahalin na hindi mapipigil ng kahit na anong rules sa bahay ni Kuya. Hindi ba ganito rin naman magmahal ang mga straight o hetero couples? Pipiliin ka kahit sino ka man! Atake!
Kaya ang laban ng bakla ay dikit sa laban ng kababaihan sapagkat parehas ang dalawang minorya na nakakaranas ng pang-aapi dahil lamang sa pagtanggap at pagpapakita sa mundo ng kanilang feminine side. Ang laban ng bakla ay dikit sa laban ng kalalakihan na bubog sa mabigat na expectation ng lipunan. Ang laban ng bakla ay laban ng lahat sapagkat tayo ay pare-parehong nakakulong sa lipas at maling tuntunin ng mapang-aping sistema.
Salamat sa kwento ng bakla at ng mga curious lang dahil sa unti-unting pagtatanong tungkol sa pagkakakilanlan ng LGBTQIA+ community ay ang pagbubukas din ng masikip at masalimuot na aparador patungo sa tahanang puno ng pagmamahal, pagtanggap, at suporta mula sa bayan.
Sumakses ka eh!






