Hustisya o Palabas? | Isang Explainer sa Pag-arkibo ng Impeachment Case laban kay Bise Presidente Sara Duterte

Sulat ni Kirsten Flores

Habang abala ang gobyerno sa paglalatag ng entablado para sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA)ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., tumaginting ang desisyon ng Korte Supremang i-arkiba ang impeachment case laban kay Bise Presidente Sara Duterte.

Sa gitna ng panawagan para sa kaligtasan at hustisya, umalingawngaw ang kamakailang pag-void ng kataas-taasang hukuman sa impeachment case laban kay Bise Presidente Sara Duterte, dulot ng animo’y unconstitutionality nito.

Bagamat nilinaw ng hukuman na hindi nito ina-abswelto si Duterte sa mga paratang, ang desisyon na ito’y isang matinding political momentum para sa Bise Presidente na ngayon ay isa sa mga pinakamalakas na kandidato para sa halalan sa 2028 . Lalo na’t hindi na makakatakbo si Pres. Marcos Jr. sa ilalim ng one-term limitng 1987 Constitution. Dito mas nagiging mahalaga ang usapin ng kapangyarihan at posisyon: sino ang may kontrol sa naratibo at sino ang makikinabang sa pagguho ng proseso ng pananagutan? Ang hatol ng korte ay hindi lang legal na resolusyon kundi pahiwatig ng pagbubuo ng mga alyansa at awayan sa nalalapit na halalan. 

Ayon  sa ilang grupo ng mga abogado, tulad ng National Union of Peoples’ Lawyers – NCR, malinaw na nakaugat ang hatol sa teknikalidad, ngunit hindi dapat dito natatapos  ang diskusyon. Dagdag pa nila, ang usapin ng pagwawaldas ng pondo at pagpapanagot sa isang opisyal ay kasinghalaga ng pormal na anyo ng batas; kung puro teknikalidad lamang ang pagbabatayan at walang pagtuon sa substantive justice at aktwal na pananagutan, lalong mabubura ang tiwala ng mamamayan. Harap-harapan ang pagtuon sa letra ng batas habang isinasantabi ang katarungan at pampublikong interes. Sa isang bansang paulit-ulit na nakaranas ng katiwalian at kawalan ng pananagutan, nagiging mapanganib ang ganitong pagpapalabo ng hustisya.

Sa kabilang dako, malinaw ang panalo para sa kampo ni Duterte: isang ligal na depensang nagligtas sa kanya mula sa agarang banta ng impeachment at nagpatibay sa kanyang political momentum. Ngunit kung sila ang panalo, ang malinaw na talo ay ang lipunang sawang-sawa na sa ganitong political spectacle at selective justice. Hindi pa ba sapat ang bigat ng mga akusasyon? Ayon sa mga ulat, nilustay niya ang mahigit ₱125 milyong piso na confidential funds sa loob lamang ng 11 na araw noong pagtatapos ng taong 2022. At noong 2023, ₱375 milyong confidential funds at ₱112.5 na pondo para sa Departamento ng Edukasyon ang naiwaldad. Imbes na ilaan ang mga pondo na ito sa pangangailangan ng bansa, nagiging salamin ito ng isang sistematikong pambubulag-bulagan sa tamang auditing. Higit pa rito, anh umano’y ginamit upang suportahan ang NTF-ELCAC, isang ahensya na lalong nagpahirap sa sitwasyon ng red-tagging at militarisasyon ng ating lipunan. ay nagpapakita ng mas malalim na problema: ang paglala ng represibong pamamalakad na lalo lamang naglalayo sa gobyerno sa mamamayang dapat nitong pinaglilingkuran.

Kaya mahalaga ang impeachment bilang mekanismo: ito ang tanging paraan sa ilalim ng Konstitusyon para managot ang isang impeachable official tulad ng Bise Presidente. Ang pagpapaliban o pagbabasura nito ay hindi simpleng legal na aksyon kundi pagbura sa mismong sistema ng checks and balances.

Teknikal man ang naging batayan, ano naman ang sinasabi nito tungkol sa ​positionality ng mga mahistrado, sa frustrated vote ng taumbayan, at sa papel ng Korte Suprema sa gitna ng banggaan ng dalawang haligi ng ehekutibo? At higit pa rito, paano nakikisangkot ang Senado at ang Kamara? Anong nangyari mga institusyong inaasahang magsisilbing tagapagsuri sa kapangyarihan ng ehekutibo?

Halimbawa, ang naging papel ni Senate President Chiz Escudero sa pagbibigay-daan na maharangan ang deliberasyon ay nagpapakita kung paanong ang pamumulitika sa loob ng lehislatura ay may direktang epekto sa kakayahan ng mga mamamayan na makakita ng hustisya.

Hustisya sa Panahon ng ‘#Hashtag’

Hindi na bago sa Pilipinas ang pagsasanib ng batas at palabas. Ngunit sa kasong ito, mas malinaw kaysa dati ang pagkakahalo ng Korte Suprema sa mismong eksena ng pulitika. Isang tunggalian sa pagitan ng Bise Presidenteng taliwas sa nakaupong Pangulo at ng mayoryang nasa kanyang administrasyon, na pinapanood ng sambayanan na parang isang palabas.

Makikita kung paanong ang mga institusyon tulad ng Korte Suprema ay nagiging bahagi ng media-driven na representasyon ng hustisya. Ang mga desisyong dating nakalaan para sa masusing pagsusuri ay ngayon bahagi na ng newsfeed, graphic posts, at trending topics. Ang mga  kumukontrang opinyon ay isinasalin  upang maging “quotable quotes”. At ang sagradong proseso ng paghatol ay pinapaliit sa 60-segundong video at headline na makapukaw-pansin; Isang pagbabalikwas sa masalimuot na proseso sa content production na madaling nguyain ngunit kulang sa lalim.

Sa pahayag ni dating Bayan Muna Representative Neri Colmenares, malinaw ang epekto ng ruling sa transparency at pananagutan: “Mahirap ngayon ang impeachment at nangangamba ako na lalong dumami ang mga nakawan sa mga impeachable officials. Dahil alam nila, mahirap silang i-hold to account dito sa impeachment process.”

Para kay Colmenares, ang pagbibigay ng labis na due process rights sa mga opisyal ay nagiging balakid sa pananagutan: “Napakarami nang requisitos o requirements bago pa makapaghain ng complaint ang mga mamamayan. Parang mas malaki pa ang due process rights na binibigay agad sa respondent, kahit hindi pa naman trialiyon.”

Sa ganitong kalakaran, nagiging passive spectator ang publiko—taong nanonood, nagrereact, pero hindi tunay na nakikilahok sa proseso ng katarungan. Hindi lamang ito usapin ng pawang konsepto ng impormasyon, kundi mas tungkol sa ideya ng pagkontrolkung sino nga ba ang may kapangyarihang ikwento at ipaliwanag ang batas.

Legitimacy o Distraksyon?

Para sa karaniwang Pilipino, ang pagbabasura ng impeachment case ay isa na namang patunay na hindi sila kasali sa desisyon. Sa halip na maramdaman ang kanilang boses sa prosesong demokratiko, paulit-ulit itong binabalewala. Umuusbong ang tinatawag na frustrated vote, o ang kolektibong damdamin ng pagkapagod at kawalang tiwala.

Hindi ito simpleng pagkadismaya. Isa itong pampulitikang sintomas ng isang sistemang tumatangging kilalanin ang hinaing ng mamamayan. Kapag ang isang opisyal na may seryosong kinahaharap na paratang ay hindi man lang dumaan sa paglilitis, saan pa huhugot ng lakas ang sistemang nagpapanggap na patas? Masyadong maluwag ang due process rights na ibinibigay sa impeachable officials kumpara sa ordinaryong Pilipino o Persons Deprived of Liberty (PDLs). Kung ang mga karaniwang akusado ay agad na hinuhuli, ikinukulong, at kinakasuhan nang walang sapat na depensa, bakit ang mataas na opisyal ay tila binabalutan ng teknikal na proteksiyon? Laganap ang krisis ng ligal na representasyon dahil sa procedural loopholes.

Ang desisyong legal ay hindi kailanman hiwalay sa kontekstong pampulitika. Ang pagbasura sa isang impeachment case, gaano man ito ipaliwanag bilang pagsunod sa proseso o batay sa teknikalidad, ay may epekto sa pampublikong pang-unawa ng hustisya. Lalo na sa isang bansang may mahabang kasaysayan ng kapangyarihang tumaliwas sa pananagutan, at sa kabila ng paulit-ulit na pangako ng reporma, ang bawat kilos ng korte ay hindi lamang sinusukat sa pamamagitan ng batas kundi sa pamamagitan ng tiwala ng taumbayan.

Sa paningin ng marami, ang desisyong ito ay hindi simpleng legal interpretation kundi isang aktong pampulitika na may malinaw na implikasyon sa 2028.Kapag ang isang institusyong inaasahang tagapamagitan ay lumilitaw na nakaposisyon pabor sa isa sa mga pangunahing makinarya ng kapangyarihan, ang mismong prinsipyo ng checks and balances ay nalulusaw.

Nariyan din ang posibilidad na ang desisyong ito ay gumaganap bilang pampalubag-loob sa isang alyansang sadyang pinipigilang tuluyang mabuwag. Sa harap ng mga tensyon sa pagitan ng kampong Marcos at Duterte ang papel ng Korte Suprema ay hindi lamang legal kundi taktikal. Sa halip na maging tagapagtanggol ng mamamayan, ito’y nalalagay sa posisyong nagpapanatili ng balanseng pampulitika sa pamamagitan ng hindi pagkikibo, o mas masahol pa, ng tahasang pagtalikod sa papel nitong magpanagot.

Sa gitna ng lahat ng ito, mahalagang tanungin kung ang ganitong desisyon ay nakaugat ba sa tunay na prinsipyo ng hustisya, o ginagamit lamang upang mapanatili ang imahe ng kaayusan sa kabila ng lumalalim na pagguho ng tiwala. Sa ilalim ng ganitong kalagayan, ang korte ay hindi lamang humahatol sa legalidad kundi nagsisilbing bahagi ng mas malawak na estratehiya ng kapangyarihan at kontrol. At kung gayon, ang tunay na tanong ay hindi kung legal ba ang desisyon, kundi kung para kanino ito naging kapaki-pakinabang.

Pagkilos sa Gitna ng Palabas

Sa ganitong sitwasyon, hindi sapat na manood at magkomento. Ang ganitong mga desisyon ay dapat basahin, ipaliwanag, at pag-usapan. Hindi bilang tsismis o headline, kundi bilang pampulitikang kilos.

Sa panawagan ni Colmenares, mahalagang maipaliwanag ang teknikal na prosesong ito sa masa,  “Ganito lang. Napakasimple talaga ng pag-ano namin dyan sa desisyon ng Korte Suprema… Pag may presidente, hawak niya ang kongreso, aba’y, hindi lang pala [para] dinggin ng Kongreso yung impeachment mo. Tapos na, dismissed na.”

Hindi sapat ang legal briefing. Kailangan ng pampublikong diskurso.

Hindi sapat ang dissenting opinion. Kailangan ng kolektibong paninindigan.

Hindi sapat ang tanong kung may batas bang nasunod. Mas mahalagang itanong kung may katarungan bang naabot.

“Chismis gusto, trabaho ayaw? VER ‘YAN BOTH!”: Kwento ng Bakla at Curious lang

ang pakikiBAKa ng isang bakLA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *