Isinulat ni Cyrenne Serrano
Ano nga ba ang anyo ng paglaban, kung hindi rin bakla sa kanyang maraming anyo?
Sa kalsada man o sa silid-aralan, nakapalda man o uniporme, ang bakla’y hindi lang basta nagpapaganda—lumalaban siya.
Gaya ni Ka Dahlia—isang trans woman, dating lider-estudyante ng UP Cebu, at kinatawan ng College of Communication, Art, and Design sa University Student Council mula 2019 hanggang 2021—ang kolorete ay naging armas ng protesta, paninindigan, at pagkakaisa.
Ang pagiging bakla ay hindikahinaan. Ang bakla ay puwersa. Ang bakla ay panawagan. Ang bakla ay pagsalungat.
Laban. Ang pagiging bakla ay paglaban.
Makibeki. ‘Wag mashokot.
Magsalita. Lumaban. Magpalaya.
Ang pagiging bakla ay hindi lang identidad—isa itong paninindigan. Hindi lang ito nakakahon sa konsepto ng aliw, o kulay. Isa itong klase ng buhay na araw-araw na humaharap sa diskriminasyon, pagkalimot, at pagtanggi. Isa itong pag-angkin sa espasyong paulit-ulit na inaagaw.

Sa mundong nagtatakip ng tenga sa sigaw ng mga bakla, ang pagtindig ay rebolusyonaryo. Hindi lang laban sa pang-aapi ang isinusulong ng mga bakla—ito ay laban para sa pagkilala at pagkakapantay-pantay tungo sa tunay na paglaya ng ari. Ang bawat pagtanggi sa sistemang mapanghusga ay hakbang tungo sa hustisya.

Hindi limitado sa glamorang anyo ng bakla.
Ang rampa’y maaaring pagmartsa, ang ganda’y maaaring prinsipyo.
Hindi lang sa entablado ang laban, kundi sa lansangan, pamantasan, at komunidad.
Sa bawat anyo ng bakla, may paninindigan at paglaban—
manggagawa man, guro, abogado, o estudyante.
Kahit sa anyong pormal, ang puso’y patuloy na bumabalikwas.

Ang bakla ay hindi lamang nasa entablado—nasa kalye rin, humihiyaw.Nasa klase, nagtuturo ng makauring pakikibaka. Baklang hindi lang tumatanggap ng karahasan, kundi bumabalikwas. Baklang nagpapasa ng kaalaman, nagsisindi ng alab. Hindi hadlang ang kolorete, hindi kahinaan ang kagandahan. Si Ka Dahlia ang patunay na ang kabaklaan ay may tapang. Ang kanyang laban ay laban ng sambayanang nilalansi, inaapi, at kinakaltasan ng karapatan. Isa siyang paalala: puwedeng maging bakla at rebolusyonaryo.

Walang iisang anyo ang rebolusyon, gaya ng kabaklaan. Minsan ito’y tahimik, minsan pasabog.Pero lahat ng anyo ay lehitimong bahagi ng pakikibaka. At bawat anyo ay may tapang, may saysay, at may layunin. Hindi lang panlabas ang kabaklaan. Higit ito sa make-up, sa runway, sa pagpapasikat. Ito’y nasa pagpili ng ipaglalaban, sa paninindigan sa kabila ng takot.
Ang kabaklaan ay may lalim, may galit, at may layunin.

Ang kabaklaan ay hindi kailanman hiwalay sa masa. Kasama sa hanay ng mga inaapi, ng mga lumalaban. Hindi tagamasid, kundi tagapanday ng kinabukasan. Ang tunay na bakla ay hindi tahimik—sumisigaw ito:
Makibeki! ‘Wag mashokot!