Ika-53 na anibersaryo ng Batas Militar, binaha ng galit at panawagan ng sambayanan

Isinulat nila Rei Pascual at Raphael Mendoza

BINAHA NG PROTESTA mula sa iba’t-ibang sektor at progresibong grupo ang lansangan ng Maynila bilang paggunita sa ika-53 anibersaryo ng Batas Militar nitong linggo, Setyembre 21.  Mula sa iba’t ibang sektor—estudyante, manggagawa, manininda, at mga progresibong organisasyon—umalingawngaw ang panawagan: wakasan ang katiwalian, igiit ang hustisya, at isulong ang pagbabago sa bulok na sistemang panlipunan.

Nagtipon ang mga iba’t ibang mga progresibong grupo at sa Luneta sa ilalim ng programang “Baha sa Luneta: Aksyon Laban sa Korapsyon”. Dito, mariing tinuligsa ang inutil at korap na pamumuno ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., habang ipinanawagan ang paniningil at pagpapanagot kay Sara Duterte sa pandarambong ng bilyon-bilyong confidential at intelligence funds. Nagmartsa ang mga hanay mula Kalaw hanggang Roxas Boulevard. 

Bandang 12:25 n.u., sinalubong ng daan-daang pulis ang mga nagkilos-protesta. Nauwi ito sa marahas na dispersal—. Hindi bababa sa 216 ang dinakip, kabilang ang mga menor de edad at Persons with Disabilities (PWD).

Tumungo ang hanay sa Mendiola ng bandang 12:25 p.m. ng hapon sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN)  Dito, sinalubong ang hanay ng daan-daang mga kapulisan. Nagkaroon ng marahas na dispersal sa pagitan ng mga nagsagawa ng kilos protesta  at mga awtoridad. Gumamit ng tear gas, batuta, at pambubugbog ang kapulisan. Itinatalang nasa 216 ang marahas na ang dinakip.

Anino ng Batas Militar 

Noong Setyembre 21, 1972, idineklara ni dating pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang Batas Militar sa Pilipinas. Sa ilalim nito, halos 70,000 ang ibinilanggo, 34,000 ang pinahirapan, at 3,200 ang pinaslang. Itinuturing itong isa sa pinakamalagim na bahagi ng kasaysayan ng bansa—panahon ng pang-aabuso at matinding katiwalian, mga bagay na patuloy pa ring nararanasan sa kasalukuyan.

Ngunit higit limang dekada na ang lumipas, sa harap ng panibagong Marcos sa kapangyarihan, nananatili pa rin ang mga panlipunang isyung nagpapahirap sa sambayanan. Kamakailan lamang, muling binatikos ang Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa maanomalyang flood control projects, habang daan-daang pamilya ang nalulunod sa baha. 

Binigyang-diin ni Jacob Miranda, isang estudyante mula sa Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (KAPP) ng UP Diliman, na matagal na ang ganitong klaseng sistema ngunit hindi natatapos buhat ng kawalan ng pananagutan at lantarang pagnanakaw sa kaban ng bayan. Giit ni Miranda, ang pagtataas sa presyo ng bilihin at ang kakulangan sa mga espasyo sa paaralan. 

“Kaya iyon ang aking hangarin talagang pagbabago pagdating sa edukasyon, pagkakaron ng pantay-pantay na pagkilala rin sa karapatan, at mabigyan ng tamang alokasyon ng mga kagamitan para sa ating mga mamamayan,” dagdag ni Miranda.

Kaakibat ng mga anomalya sa mga flood control projects, kabilang na rito ang ilang mga gusali sa unibersidad katulad ng KAPP na hindi matapos-tapos, na nagdudulot ng kakulangan ng espasyo para sa mga organisasyon at hadlang sa pagpapabuti ng serbisyo sa edukasyon. 

RELATED: https://sinag.press/news/2025/09/11/budget-cuts-worsen-the-state-of-sucs-an-inside-look-at-the-persistent-lack-of-accessible-student-spaces-in-up-dilimans-cssp/

Kabataang Mulat, Kinakatakutan ng Rehimeng Bulok at Kurakot

Umalingawngaw ang panawagan laban sa police brutality matapos ang marahas na dispersal at arbitraryong pag-aresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa mga nagkilos-protesta nitong Linggo sa Mendiola, kasabay ng paggunita sa ika-53 na anibersaryo ng Batas Militar.

RELATED: https://sinag.press/news/2025/09/20/higit-sa-5000-estudyante-ng-up-diliman-nag-walkout-laban-sa-korapsyon/ 

Sa kabila ng mariing pagtanggi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na gumamit ang kapulisan ng water cannon at tear gas, malinaw na kabaligtaran ang naranasan ng ilang estudyante ng KAPP na direktang tinamaan ng mga ito. May mga kuha rin na nagpapakita ng bakas ng tear gas sa paligid.  

TINGNAN: https://www.facebook.com/share/v/14M7wPs2bSg/?mibextid=wwXIfr 

Ayon sa UP Diliman University Student Council (USC),  hindi bababa sa tatlong (3) kasapi ng mga organisasyong pang-masa, kabilang ang isang estudyante ng UP Diliman College of Arts and Letters (UPD-CAL), isang estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP), isang miyembro ng Kabataan Partylist (KPL) Pasay, ilang mga menor de edad, at persons with disability (PWD) ang dinampot sa kabila ng hindi aktibong paglahok sa kaguluhan matapos ang programa ng kilos-protesta sa oras ng kanilang pagkaaresto.

Isa sa mga inaresto ay si Mattheo Wovi Villanueva, estudyante ng UP College of Arts and Letters, na nagsilbing security officer at paralegal sa nasabing pagkilos. Nakuhanan ng video ang paghila, pambubugbog sa kanya ng mga pulis bago siya dalhin sa ospital at kalaunan sa kustodiya ng MPD Station 12. 

PANOORIN: https://www.facebook.com/share/v/1AB8E1wFmZ/?mibextid=wwXIfr 

Bidyo mula sa Bilyonaryo

Nagpatupad din ng ‘maximum tolerance’ ang Philippine National Police (PNP) sa naging kilos-protesta noong Setyembre 21 sa Mendiola, ayon sa opisyal na ulat ng pambansang pulisya. At sa kabila ng mga dokumentadong ebidensya, iniulat ng Malacañang sa press briefing noong umaga ng Setyembre 22 na: (1) walang dalang baril ang MPD sa operasyon; (2) mapayapang kumilos ang pulisya at dinepensahan lamang ang kanilang sarili at; (3) mga “terorista” umano ang mga nagkilos-protesta. 

Para kay Alexander Lasic, ama ng PWD youth activist na si Alexis “Chokoy” Lasic na inaresto rin, hindi nalalayo ang karanasan sa mga sinapit ng mga Pilipino noong Martial Law. “Akala ko ba maganda ang sistema? Bakit ibinabalik ninyo?” giit niya.

Ang Galit na Dapat Pakinggan

Para kay Monalisa Tagle Tabernilla, beteranong manunulat at aktibista, hindi lang marahas na dispersal ang ugat ng galit ng taumbayan, kundi ang paulit-ulit na siklo ng katiwalian at kawalan ng pananagutan sa gobyerno.

“Umpisa lang itong ginagawa natin pero ang challenge dito ay sustainability. Sooner or later mapapagod ang mga tao, pero kailangan natin itong i-sustain kasi kailangang mapalitan talaga ang sistema natin,” aniya. 

Habang patuloy na nagkakandakuba ang taumbayan sa pagtatrabaho upang kumita, patuloy naman sa pagbubulsa at pagnanakaw ang mga nasa itaas. Sa paglantad ng korapsyon, tanging hiling lamang ng sambayanan sa gobyerno ang unahin ang kanilang mga pangangailangan, pakinggan ang kanilang mga hinaing, ang maging tapat, at ang magsilbi sa bayan. 

Higit sa 5,000 estudyante ng UP Diliman, nag-walkout laban sa korapsyon

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *