SIGAW NG BAYAN: Panahon ng Paniningil

Isinulat nila Damien Lamio, Mark Evan Mangandi, Johan Ong, Jovic Legaspi

Galit ang bumalot sa kalsada. Sa bawat mukha, makikita ang hinanakit at pagod ng bayan—ngunit ang tanong: Saan ba galing ang galit na ito?Ano ang paraan upang ipakita ito? Hanggang saan dapat dalhin ng ating galit? 

Sa isang araw na pinagtagpo ng sigaw at pagkilos, hindi maiwasan ang samu’t saring anyo ng protesta—may organisado, may baha ng maraming tao, at may mga grupong nagdala ng sariling kilos. Sa harap ng ganitong kalituhan, dapat bang ang galit ng mamamayan ay laging organisado, o sadyang bahagi ng pakikibaka ang marahas na pwersa? Kung ang boses na dehado at itatapat sa kagamitang marahas, may nararapat bang paraan ng pagpapakita ng galit ng masa?

Sa nakalipas na ika-21 ng Setyembre taong 2025, ginunita ang ika-53 na anibersaryo ng pagtupad ng Batas Militar o Martial Law sa Pilipinas. Muling sinariwa sa alaala ang mga kawalang-hiyaan at pang-aabuso sa ilalim ng rehimeng Marcos Sr., isang madugong yugto ng ating kasaysayan na hindi kailanman dapat makalimutan. Dito ay walang pakundangang pinagsamantalahan at pinagmalupitan ang karapatan at kalayaan ng taumbayan. 

Maliban sa anibersaryo, isiniwalat rin ng mga raliyista ang kanilang kapootan ukol sa napapanahong isyu ng anomalya sa mga palpak na mga flood control project ng Department of Public Works and Highways o DPWH. Kabilang na rito ang masakim na pagnanakaw ng mga tulad nina Curlee at Sarah Discaya, Zaldy Co, Wawao Builders, at iba pa, mula sa pondo ng bayan sa pamamagitan ng mga anomalya sa mga flood control project at budget insertions sa badyet ng bansa. Batay sa ulat ng Greenpeace Philippines (2025), tinatayang aabot sa 1.089 trilyong piso ang posibleng nawaldas sa korapsyon ng DPWH mula noong taong 2023, kabilang ang 560 bilyong piso para sa taong 2025 lamang. 

Dahil dito,  iba’t ibang sektor  ang nagkaisang tumindig at nakibaka. Marami ang tumungo sa Luneta, isang makasaysayang lugar na matagal nang simbolo ng paglaban para sa kalayaan ng mga Pilipino sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (TAMA NA), Panatang Luntian Coalition, University of the Philippines, at iba pa. Sa bantayog nito, muling nanawagan ang sambayanan ng kalayaan mula sa katiwalian na sumasakal sa bansa. 

Nananatiling simbolo hanggang ngayon ang mga lugar na ito ng pagkakaisa at kapangyarihan ng mamamayan na naglalayong supilin ang mga mapang-abuso sa gobyerno.

Kung gayon, ano kaya ang pinanghuhugutan ng taumbayang tumungo at makiisa sa panig ng Luneta sa makasaysayang araw na ito?

Tubig-maiinom para sa Masa, hindi tubig-baha! 

Sa paglapag sa Luneta ay maririnig kaagad ang maiingay at makapangyarihang boses ng masa para sa pagbabago sa malubhang korapsyong paulit-ulit nang pinapasan ng bayan—korapsyong paunti-unting lumulunod sa atin sa kumunoy ng kahirapan. Makikita natin dito ang mga kababayan mula sa iba’t ibang panig  ng buhay na mayroon ding iba’t ibang anyo  ng pakikibaka at pakikisama. 

Isa na rito si Nerisa na makikitang naghahain ng mga libreng bote ng tubig at pagkain sa gilid ng kalsada para sa mga raliyistang naglilibot sa Luneta . Ito’y kanyang nagsilbing kontribusyon upang makibaka kahit na hindi siya makasama sa mga hanay ng mga nagpoprotesta. Aniya, ang tubig at pagkain ay galing din sa kanyang sariling pera—tila kabalintunaan na ang ordinaryong Pilipino pa ang nagbibigay ng tulong sa kapwa—habang ang mga nakaupon opisyal ay nagnanakaw, nagkakamal ng ganansya, at inuuna ang pansariling interes imbes na unahin ang batayang mga karapatan ng taumbayan. 

“Galit at pag-ibig po para sa country natin. Grabe na yung panlilinlang na ginagawa nila sa atin, lalo na sa mga matatanda. Ngayon, tayong kabataan, kailangan mulatin natin sila. Tayo ang magiging instrumento para mamulat sila sa mga totoong nangyayari sa ating bansa,”kwento ni Nerisa nang tanungin tungkol sa kung ano ang humugot sa kanyang makisama sa panig ng Luneta.

Bukod dito, isinaad niya rin ang naging motibasyon niya sa pakikibaka kasama ang komunidad: “The reason why I’m here is because I want everyone to know that we are fighting for our future, not just for ourselves, for we are one country.” 

Ang binitawan niyang mga salita’y sumasalamin sa saloobin ng kabataan ng ating bansa. Kahit na karamiha’y mayroong limitasyon sa pakikisama sa mga kilos-protesta batay sa katayuan sa buhay ay mayroon pa rin tayong mai-aambag na papel—malaki o maliit man—kahit tayo’y hindi makalahok nang buong-buo o dahil sa pisikal na mga balakid sa mga ganitong uri ng pagkilos sa ating lipunan. 

O Kalusugan, O Karapatan ng Mamamayan 

“Di naman naghahangad yung maraming tao na yumaman o kung ano… It’s just a matter of how to survive everyday life.”

Ito ang ipinahayag ni Randy Ramos na namisikleta tungong Luneta upang makiisa at manood ng mga kilos-protesta mula sa gitna ng kalsada. Aniya, tayo’y nagbabayad ng buwis sa iba’t ibang porma ng mga bayarin at yari tulad na lamang ng mga karanasang overtime ni Randy sa pagtatrabaho. Talinghaga sa mga flood control project na makikita natin kahit saan man—hindi nagmimistulang ang ating mga buwis ay liban sa ating paningin. Kinakailangang kwestyunin natin lalo ang mga flood control project na dapat malinaw ang mga proyekto sa mata ng sambayanan. Sa gayon, naitatayo ba ito nang maayos? Tulad nito, ang mga buwis ba natin ay nagagamit nang maayos? Saan nga ba napupunta ang buwis ng mga Pilipino?

“Masakit tanggapin dahil instead na nagagamit natin yung mga benepisyo tulad ng sa health natin na dapat naibibigay ay ninanakaw lang pala.”

Mula sa korap na paggamit ng DPWH ng pondo ng bayan ay makikita nating maraming sektor sa ating lipunan ang makakaangat mula sa pondong nailahad sana sa ibang mga departamento tulad na lamang ng DOH, DepEd, at iba pa. Masakit at malungkot isipin dahil, ika nga ni Randy, nakikita natin ang sub-standard na kalidad ng ating mga government hospital tulad ng Philippine General Hospital (PGH) na kaya naman sanang masustentuhan kung mayroong sapat na pondo mula sa ating gobyerno. Ito ang isa sa maraming reyalidad na hinaharap ng ating lipunan na kinakailangan nating bigyang-diin bilang mga panawagan ng bayan.

“Sobra na kasi yung korapsyon, kitang kita naman natin. Regardless naman talaga diyan kung sino yung mga nakaupo. Ang importante matukoy natin—paano ba nangyari ‘yun.”

Nananawagan si Randy—tulad na lamang ng lahat ng nag-ingay sa Luneta—ng patas at komprehensibong legal na imbestigasyon upang mailantad ang mga nasa likod ng mga anomalya, malawakang korapsyon, at kalunos-lunos na paggamit ng buwis ng bayan para sa interes ng iilan lamang  Kinakailangang maisulong ang transparency na matagal nang panawagan ng taumbayan mula sa ating pamahalaan. Kundi, tulad na lamang ng anomalya sa mga flood control project, ay kailan natin titindigan ito bago pa mahuli ang lahat?

Mula Noon, Hanggang Ngayon 

“Sa kanya ako natuto.”

Isa sa mga aktibong nakisama sa protesta sa Luneta ay ang pamilya ni Rene Hablado. Tila ba ang pakikilahok sa mga kilusang protesta ay naging isang family affairo tradisyon na sa kanilang pamilya, na ayon sa asawa ni Rene, ay kanyang natutunan mula sa kaniya mismo. 

Hindi na bago sa mga kilusang ito si Rene na nakilahok na noon sa una at ikalawang EDSA People Power Revolution. Bukod pa rito, bilang dating miyembro ng National Citizens Movement for Free Elections (NAMFREL), isang kilalang organisasyong nagbabantay sa mga halalan at nagbunyag ng isyu ng pandaraya noong 1986 snap elections, nasaksihan na niya ang mga suliranin na bumabalot sa bawat termino ng mga pangulo.

Nakikisama kami sa mga Gen Z ngayon dahil yun nga ang mga usapin—yung korapsyon.Wala, pare-pareho lang ang mga Marcos, hanggang ngayon. Parang walang solusyon. Parang ganun pa rin. Kahit sino ipalit mo pa sa Senado, sa Kongreso, korap pa rin talaga. Walang nakukulong.”

Sa kabila ng kanyang edad, lumahok siya ngayon dahil sa mga panawagan na nakita niya sa social media galing sa mga “Gen Z.” Katulad ng mga pagkilos sa Nepal at Indonesia , naging paraan ang social media sa pagpapalaganap ng impormasyon. Sa ganitong paraan, nakikita natin na mahalaga ang pagmumulat sa ibang tao tungkol sa mga nangyayari sa ating lipunan. 

Bukod sa panawagan na panagutin na ang mga tiwali, bitbit din niya ang mas  “Andito tayo para ipahayag ang galit natin ngayon at para ipakita sa estado ang laksa-laksang lakas ng masang estudyante—na ito yung taumbayan at malaki na ang hinanakit ng taumbayan sa korapsyon over the years”

Solidaridad ng Bayan, Tungo sa Iisang Tindig 

“Meron tayong sense of solidarity na itong ginagawa natin, ito yung tinig ng taumbayan. Ito yung panawagan ng masa na baguhin na yung bulok na sistema na meron tayo ngayon. ‘Yun po yung nararamadaman natin ngayon, lalo na’t kasama natin ang taumbayan dito sa Luneta.”

Ito ang emosyong naramdaman ni Fiona Fuentes na nagsisilbing College of Social Sciences and Philosophy Representative to the  University Student Council ng University of the Philippines Diliman ngayong taong 2025. Ang solidaridad ng nakararaming mga Iskolar ng Bayan at iba’t ibang grupo sa Luneta ang nagsisilbing nakakaisang boses at tindig ng masa ukol sa mga sunod-sunod na paglalantad ng samu’t saring isyu ng korapsyong lumilitaw sa kasalukuyan. 

Bilang isang Iskolar ng Bayan, mariin ding tinututulan ni Fiona ang konsepto ng bureaucrat capitalism o burukrata kapitalismo kung saan ginagawang negosyo ang gobyerno at ginagamit ang mga posisyong nakaanib dito para sa personal na benepisyo at kita. 

“Andito tayo para ipahayag ang galit natin ngayon at para ipakita sa estado ang laksa-laksang lakas ng masang estudyante—na ito yung taumbayan at malaki na ang hinanakit ng taumbayan sa korapsyon over the years”

RELATED: https://sinag.press/news/2025/09/20/higit-sa-5000-estudyante-ng-up-diliman-nag-walkout-laban-sa-korapsyon/

Makikita natin mula sa tindig nina Nerisa, Randy, at Rene na ang mga ito’y parehas lang sa saloobin ni Fiona at ng mga Iskolar ng Bayan—ito’y nakakagalit at nakakasakit isipin na ang isang ahensyang dapat na naglilingkod para sa kaunlaran ng ating lipunan ay mayroon na palang inililihim na korapsyon sa ilalim ng mga dike at pilapil na itinatayo sa ating bansa.

Ang Tao, Ang Bayan, Ngayon ay Lumalaban!

Ang mga galaw ay may dahilan at ang mga emosyong nakaakibat dito ay mayroong mga ipinaglalaban na mga paninindigan. Sa iba’t-ibang mga matang nakita sa Luneta, makikita sa loob ng mga ito ang pagtitiis sa pagdurusang hindi matapos-tapos. Hanggang dito na lang ba tayo, dito lang magtatapos? 

Sa bawat boses na narinig ay mayroong kwento ng mga bakit. Bakit ba tayo nagtipon dito? Bakit ba tayo’y may nararamdamang galit? Sa iisang mithi at layunin, nagsama-sama tayo upang mailabas ang ating pagmamahal sa bansa at galit sa korapsyon. Nangyari ito nang may dahilan at nagsisimula nang magsalita ang taumbayan. 

Sa gitna ng mga naglalakihang karatula at umalingawngaw na sigaw, makikita ang mga mukhang pinanday ng galit, pagod, at matinding pagkadismaya. Bitbit ang hinaing laban sa pang-aapi, katiwalian, at sistemang tila nabibingi sa kanilang tinig. Sa bawat hakbang, tindig, at sa bawat kamao na nakataas—naroon ang apoy ng paninindigan, at ang walang kupas na panawagan ng nag-iisang taumbayan. Kaya’t ang tanong: sa susunod na pagtindig, dapat bang organisado ang galit—o sapat na bang ito’y makita’t marinig?

References:

Ika-53 na anibersaryo ng Batas Militar, binaha ng galit at panawagan ng sambayanan

Hind and Ania: The Soul Weeps, The Mortal Writes

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *