Isinulat nila Justin Bueno at Loraine Encila
Sa gitna ng kadilimang bumabalot sa paligid, kapansin-pansin ang nagniningning na buwan sa kalangitan na nagbibigay ng liwanag sa kalupaan at taimtim na nagmamasid sa dilim.Hatinggabi na. Patay na ang ilaw sa mga munting tahanang pumapaligid sa akin. Malamang, mahimbing na ring natutulog ang mga naninirahan dito.
Tahimik na ang paligid, walang kahit anong ingay, walang kahit anong kaluskos—tanging ihip ng malamig na hangin at bulungan ng mga puno lamang ang maririnig. Mapayapa. Na para bang naglaho lahat ng nakatira sa aming bayan, at tanging mga anino lang ang kasama ko.
“Tik-tak!!” Subalit ang katahimikang ito ay agad ring nabasag. Mula sa aking kinatatayuan ay maririnig ang papalapit na yabag at lagitik ng mga paa, at ang pagkadurog ng mga tuyong dahon sa bawat hakbang.
Sinubukan kong maaninag kung sino—o ano—ang mga nilalang na ito. Kawangis nila ang isang normal na tao, ngunit tila may kakaiba sa kanilang mga anyo. Sa mas masinsinang tingin, mababakas ang hubog at lalim ng kanilang mga sugat, mga detalye ng kanilang anyo, at ang nakakapanindig-balahibong presensya sa kabila ng pagkagat ng dilim. Dito ko napagtantong ang mga nilalang na ito’y hindi mortal—sila’y mga kaluluwang pagala-gala, kumakatok sa bawat pintuan, at nanghihingi ng kaunting limos upang makatawid sa kalangitan.
Ngayong gabi ng Nobyembre, muling pagala-gala ang mga kaluluwang iba’t-iba ang naging buhay at iba-iba rin ang rasong ikinamatay. Isa ako sa kanila—isa sa mga tinig na pilit pinatahimik. Ang tanging kasalanan ko lang naman ay ang magsabi ng totoo, at hanggang ngayon, dala ko pa rin ang bigat ng mga salitang hindi nailathala at mga katotohanang pinagtakpan.
Sa aming bayan, may isang tradisyon na kung tawagin ay “pangangaluluwa.” Sa tradisyong ito, ang mga tao, kadalasan bata, ay nagpapanggap na mga kaluluwa sa purgatoryo na humihingi ng kaunting tulong sa bawat tahanang kanilang mapupuntahan. Ngunit ngayong gabi, hindi na ito simpleng pagpapanggap lamang, kundi isang anyo ng paniningil ng mga totoong kaluluwa. Kaya naman sasama ako sa pagkatok sa mga bahay ng mga nilalang na minsan kong isinulat—mga buhay na hindi na nabigyan ng pagkakataon upang ibahagi ang kanilang mga kwento sa totoong buhay. Sa bawat pintong kakatukin, nawa’y may makarinig. Tao po. Mangangaluluwa po.
Marahan akong lumapit sa mga kaluluwa habang pinagmamasdan ang kanilang mga wangis. May mga batang taglay pa rin ang ligaya ng buhay na iniwan nila, may ilang tila pagod na sa mga problemang kanilang pasan hanggang sa kabilang buhay, at ang ilan nama’y nakakapanibagong kita pa rin ang pag-asa sa kanilang mga mata.
Nang marating ko ang kanilang grupo, agad kong naramdamang isa ako sa kanila. Karamihan sa kanila’y marahang ngumiti nang magtagpo ang aming mga mata. Ang ilan nama’y bahagyang tumango, samantalang ang mga bata nama’y nagtungo palapit sa’kin at malugod akong binati.
Maya-maya pa’y nagsimula na kaming maglakad tungo sa pinakamalapit na tahanang aming naaninag—isang payak na kubo. Ang bubong nito’y yari sa pawid, ang pader nama’y kawayan. Kapansin-pansin din ang kawalan ng bintana sa kubong ito, tila ba sinadya upang walang makasilip sa loob, walang makaalam, at walang makapanghusga. ‘Di na kami nag-atubili pa, kami’y kumatok.
Ilang sandali pa’y bumungad samin ang isang babaeng wangis aswang na mayroong dambuhalang pakpak, ang kaniyang katawa’y hati. Nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita kami. Halata sa kaniyang mukha ang gulat at kahihiyan, subalit pinatuloy niya pa rin kami sa kaniyang tahanan.
Sa aming pagpasok, sumalubong sa amin ang masangsang at mala-metal na amoy ng dugo at laman-loob. Ngunit sa halip na mandiri, ang aking nadama ay awa, pagkat ang amoy ng dugo’y tila paalala sa bawat sugat na kaniyang tinatago’t ikinakahiya sa takot na makita ng mga matang mapanghusga. Pinagmasdan ko ang loob ng kaniyang tahanan, simple lang ito. Mayroon lamang itong lamesa at upuang yari rin sa kawayan. Sa kabilang banda’y mayroong munting kwarto, kung saan niya itinatago ang ibabang bahagi ng kaniyang katawan. Humingi siya ng paumanhin sa amin bago pumasok sa kwartong iyon. Ilang sandali pa’y bumalik ang babae na ngayo’y wala na sa kanyang anyong manananggal. Ang aming nasa harapan ay isa nang napakagandang dalaga: balat kayumanggi, mahabang buhok, at maamong mukha. Suot niya’y tulad ng sa isang babaylan. Inabot niya samin ang salapi at kaunting pagkaing nakabalot sa tela, at saka hiniling na magtagumpay kami sa aming paglalakbay tungong langit.
Habang siya’y aking tinitingnan, hindi ko maiwasang mapansin ang hati sa kaniyang katawan—ang literal na pagkahati ng kaniyang pagkatao. Hindi na pangit ang kaniyang anyo ngunit tila hindi pa rin mabura ang kahihiyang nakaukit sa kaniyang mga mata. Marahil ito’y bunga ng hindi magandang pagtingin ng iba sa mga katangian niyang wala naman sa kaniyang kontrol—pagtingin na may halong mapaniil na paghuhusga sa kanyang pisikal na katangian at magaspang na galaw. Subalit pinipili na lamang niyang magtago sa sarili niyang hiya—hindi dahil isa siyang halimaw, kundi dahil iyon ang tingin ng mundo sa mga babaeng hindi nila maintindihan. Hindi ba nakapagtataka na ang mundong nangangaral sa kahalagahan ng pantay na pagtrato sa lahat, ay siya ring mundong humahati sa katawan ng sinumang nagtangkang lumipad?
Nilisan namin ang tahanan ng babae matapos naming magpasalamat at nagtungo na sa sunod sa bahay na aming naaninag. Sa paglapit sa madilim na bahay, dinig ang tinig ng isang sanggol. Matinis, malakas, nakakaawa—at nakakatakot. Babala ng mga matatanda: kapag may narinig kang iyak sa madilim na gabi, huwag lalapit, sapagkat maaaring ito’y tiyanak—nilalang na ginagamit ang awa ng tao upang makapanlinlang. Imahe ng isang inosenteng sanggol, ngunit may tinatagong gutom at kababalaghan. Sa kabila ng lahat ng ito, kami’y kumatok.
Pumasok kami sa bahay at bumungad ang nakakalungkot na imahe. Tahimik at madilim ang bahay; ang mga kagamitan ay balot sa alikabok, tila nilimot ng panahon. Ang tahanang minsang puno ng halakhak ay ngayo’y binabalot ng katahimikang tanging iyak lamang ang bumabasag. Nakakatakot man, pinilit naming hanapin ang pinagmumulan ng pag-iyak, at sa bawat hakbang, napagtanto kong hindi lamang takot ang aking nararamdaman.
Hindi ito iyak ng panlilinlang, kundi iyak ng isang batang pinagkaitan ng lambing at aruga. Hindi siya isinilang na halimaw—bunga siya ng kapabayaan ng mga taong dapat nag-alaga at nagmahal sa kaniya. Sa aking paglapit, nakita ko ang tunay na anyo sa likod ng nilalang—ang matatalas na ngipin ay nawala, ang pulang mga mata ay napalitan ng mga matang tila may pagmamakaawa, at ang halimaw ay naging isang musmos na sanggol. Wala itong maiaalay sa amin ngunit sa kaniyang pag-iyak, tila nabuhay ang pagnanais na mapakinggan ang mga tinig na pilit pinatahimik.
Umalis kami sa abandonadong bahay dala ang bigat ng iyak na hindi sa amin nagsimula at hindi rin kami ang makakapag-patahan. Tahimik ang paligid, ngunit sa aming paglalakad ay isang bagong tinig ang narinig—malamlam, mahinhin, at may hatid na pangamba. Nagmumula sa bahay katabi ng isang ilog, tinig ng isang sirena. Isang tinig na dati’y nagbibigay ng pag-asa sa mga mangingisda, ngayo’y naging babala ng panganib. Kahit may dalang takot, kami’y kumatok.
Habang kami’y papalapit, unti-unting lumilitaw ang kaniyang anyo. Isang babaeng marikit, may buntot na kumikinang sa sinag ng buwan. Umaawit habang nakangiti ngunit kapansin-pansin ang mga luhang gumuguhit sa kaniyang mata. Ang bawat liriko na inaawit ay may halong pagmamakaawa. Umaawit siya hindi upang manlinlang, kundi para manatiling buhay sa ilalim ng kapangyarihang humahawak sa kaniya.
Sa kaniyang mga nota, naramdaman ko ang bigat ng mga salitang hindi nasabi at mga salitang napilitang sabihin. Marahil pareho kaming nalunod—hindi sa tubig-dagat, kundi sa daluyong ng mga kasinungalingan na matagal nang humahampas sa muog ng laksang-bayan.
Malayo-layo na ang aming nalakad, napansin kong paunti na nang paunti ang nadaraanan naming bahay at mas parami na nang parami ang mga punong sa amin ay pumapaligid. Sa aming bawat hakbang, lalong lumalamig ang ihip ng hangin at lumalakas ang bulungan ng mga puno, kasabay nito ang unti-unting pagbigat ng aking dibdib. Heto na, papalapit na kami sa tahanan ng mga engkanto—ang mga tagapangalaga ng kalikasan. Sila ang mga bantay ng gubat, ilog, at ng kapaligiran. Tahimik nilang ginagawa ang kanilang tungkulin, hindi naghahangad ng parangal o ng kahit anong kapalit. Ngunit ngayon, tila sila’y nagagalit. Galit na bunga ng paulit-ulit na pagsira at pag-abuso sa kalikasang kanilang pinoprotektahan. Galit sa mga taong sanhi ng pagkasirang ito. Galit sa mga kayang wasakin ang diwa ng kalikasan kapalit ng pera at kapangyarihan. At galit sa mga hinahayaang mangyari ito at patuloy na nagbubulag-bulagan.
Subalit, sino nga ba ang dapat sisihin?
Hindi ang mga engkantong naghihiganti para sa kanilang tahanan, hindi ang mga sirenang nalunod sa kasinungalingan, hindi ang mga tiyanak na biktima ng kapabayaan, at hindi ang mga manananggal na hinuhusgahan ng lipunan.Ang bulok na sistema at ang mga taong nagpapatakbo nito ang dapat sisihin; sila ang dapat managot. Sila, na pilit kong tinanggalan ng maskara, subalit bago ko pa man mailantad, ako’y pinutulan na nila ng dila upang hindi na ako makapagsalita. Kaya naman ako ngayo’y isang kaluluwa na lamang, gumagala kasama ang mga kapwa kaluluwang tinanggalan ng tinig, ngunit kailanma’y hindi matatahimik.
At ngayon, sa inyo kami kumakatok. Hindi para manghingi ng pagkain, barya, awa, o dasal, kundi para hingin ang inyong pakikiisa. Sumama kayo sa paghingi ng hustisya. Pakinggan ang mga tinig ng mga nilalang na minsang itinuring na halimaw. Sa bawat lipad ng manananggal, sa bawat iyak ng tiyanak, sa bawat awit ng sirena, at sa bawat sigaw ng engkanto—naroon ang ating kwento. Buhay ang diwa ng ating bayan.
Dinggin ninyo ang mga tinig ng mga kaluluwang hindi kailanman natahimik. Sabay-sabay nating katukin at kalampagin ang mga pintong nakasarado sa katotohanan, pananagutan, at pagbabago.
Tao po! Mangangaluluwa po!





