Isinulat nila Lance Navarra at Chloe Gascon
Mga Iskolar ng Bayan Muling Lumiban sa Klase at Nagprotesta Laban sa Korapsyon
Muling nagmartsa ang mga Iskolar ng Bayan noong Nobyembre 21 patungo sa tarangkahan ng Mendiola, kasama ang iba pang batayang sektor, upang ipanawagan ang kagyat na aksyon ng administrasyong Marcos Jr. sa lumalalang katiwalian sa pamahalaan. Sa kabila ng paulit-ulit na pangako ng pangulo na papanagutin ang mga tiwaling opisyal, nananatiling walang kongkretong hakbang ang pamahalaan.
Bitbit nila ang iba’t ibang mga panawagan para sa mas mataas na pondo para sa edukasyon, sa malayang pamamahayag ng mga mag-aaral at publikasyon, at pagtugon ng estado sa lumalalang krisis sa ekonomiya.
Hinarang man ng mga kongkretong barikada, barbed wires, at daan-daang pulisan, matagumpay pa ring nailunsad ng mga kabataang estudyante at mamamayan ang kanilang kilos protesta.
Tuloy-tuloy na liliban sa klase hangga’t walang napapanagot
Ikatlo na ang kilos protesta na ito sa tuloy-tuloy at malawakang mga walkout na ikinasa ng mga kabataang estudyante mula sa iba’t ibang mga kolehiyo at unibersidad. Mahigit isang daang araw na ang lumipas nang sabihin ni Marcos Jr. sa kanyang SONA na ipakukulong niya ang mga sangkot sa korapsyon sa gobyerno ngunit hanggang ngayon ay wala ni isang opisyal ang napapanagot.
Ilang ulit hinaras, tinakot, at pinatahimik ang mga kabataang estudyanteng lumahok sa mga protesta. Sa kabuuan, 224 ang iligal at marahas na inarestong indibidwal sa gitna ng mga kilos protesta, kabilang ang mga menor de edad na payapang ipinahahayag lamang ang kanilang mga panawagan. Marami pa ang kinasuhan kaugnay sa protesta at hindi bababa sa 4 ang sinubpoena ng PNP CIDG kasunod nito. Kabilang na rito sina Mattheo “Wovi” Villanueva, estudyante ng College of Arts and Letters na iligal na inaresto noong September 21, University Student Council president na si Joaquin Buenaflor na hinainan ng subpoena at binantaang sasampahan ng mga gawa-gawang kaso, pati na rin ang pwersahang pagpapatahimik sa mga publikasyong gaya ng Tinig ng Plaridel.
Malinaw na sa halip na tugunan ang mga akusasyon ng katiwalian, lalo lamang umigting ang sistematikong panunupil ng estado sa kabataang mulat at lumalaban.
READ:
Kasunod ng walkout at iba pang organisadong pagtitipon ay idaraos ang Baha sa Luneta 2.0 sa Nobyembre 30, na inaasahang dadaluhan ng libu-libong mamamayan. Layunin nitong ipakita na hindi hihina ang panawagan laban sa korapsyon at panggigipit ng estado; sa halip, hindi mag-aatubiling lumibang muli sa kanilang mga klase ang mga Iskolar ng Bayan upang samahan ang sambayanan hangga’t hindi napapanagot ang mga sangkot sa pangungurakot at pang-aabuso sa kapangyarihan.






