Nagsasawa ka na ba?

Isinulat nila Denise Cavinta at Karl Vicedo

Nagbabagang kahel ang langit sa dahan-dahang paglubog ng araw. Tumatagaktak ang pawis sa noo gawa ng init ng panahon, nangangalay ang mga balikat sa bigat ng pasan, at kumikirot ang magkabilang binti gawa ng pagtakbo papunta sa bawat silid. Sisilip-silip sa kanto, at sa bawat pagsulpot ng dyip na dilaw ang bubong, ay mapapabuntong-hininga sapagkat ang hiling na makauwi agad na lamang ang siyang bumabalot sa isipan. Sa pagsapit ng alas-singko ng hapon mula Lunes hanggang Biyernes, sa ganitong kalagayan ninyo ako matatagpuan dito sa waiting shed sa labas ng Vinzons Hall.

Unti-unting nadadagdagan ang mga tumatakbo paikot sa Academic Oval, sumasayaw muli ng isang pasada ang mga estudyante sa Sunken Garden, at patuloy ang pagdaan sa aking harapan ng mga namamasyal na mayroong bitbit na pagkain mula sa mga kiosk na nakapalibot sa waiting shed. Sa kabila ng sapawan ng busina ng mga sasakyang bumabagtas at mga boses ng mga karamay kong nag-aantay ng dyip, mahiwagang agos ng katahimikan ang humahaplos sa aking katawan, dahil ang alas-singko sa Vinzons Hall ay nangangahulugang nairaos ko na ang araw na ito.

Punas ng noo, hilot ng balikat, at unat ng binti. Hingang malalim, tingin sa oras, sulyap sa kalsada, at—

Sa wakas! Makakauwi na rin. Pero minsan kaya, nagsawa na rin ang mga drayber ng UP IKOT sa ruta nila araw-araw?

VINZONS HALL

Dahan-dahang huminto ang dyip sa tapat ng waiting shedat sumenyas ang drayber ng ‘Ikot kayo?’ sa aming mga nakaabang. Nauna ang ilang mga pasahero sa akin sapagkat hirap akong itulak ang aking mga nangangalay na paa. Humakbang ako sa bukana ng sasakyan, tila babagsak na ang katawan sa pagod, at agad na napaupo sa dulong pwesto. Nilipat ko ang aking kargang backpack upang makasandal nang maayos ang aking nanghihinang likod. Dali-dali kong binuksan ang zipper nito upang kumuha ng pamasahe mula sa aking pitaka — na siyang natabunan na ng aking mabigat na laptop at sandamakmak na reviewer

Lima… Sampu… Wala ba akong piso? Aha! Sakto!

Estudyante po.

Inabot ko ang bayad sa aking katabi at isinarado muli ang aking bag. Bungi-bungi pa ang magkabilang upuan ng dyip na nasakyan ko kaya’t kahit papaano, ako’y nakakagalaw pa. Ngunit alam kong panandalian lamang ang espasyong namamagitan sa aming mga pasahero dahil ilang hintuan na lamang ay magiging tila lata ng sardinas na ang sasakyang ito.

Tumulin ang pag-andar ng dyip paglagpas sa Sunken Garden, na kahit dumidilim na ang himpapawid ay masigla pa rin. At sa pagdampi ng malamig na hangin sa aking wangis, naginhawaan ang aking kalooban sa kabila ng dinanas ko mula kaninang alas-syete ng umaga. Subalit ang kapayapaan na ito ay nabasag nang maalala ang bundok na gawain na nag-aantay sa akin pag-uwi. Napakapit ang aking kanang kamay sa hawakan at napasandal ang aking ulo sa aking braso. Ang byaheng ito nga pala ay ang tanging bintana ng pahinga na matitikman ko ngayon. Ipinikit ko ang aking mga mata at sa araw-araw ba naman na pagsakay sa Ikot, alam ko kung nasa aling bahagi ng ruta na kami base lamang sa bawat pihit at liko ng dyip. Hindi ko nais maging hambog ngunit, maniwala kayo sa akin, kabisado ko na ang—

Huh?

KALYE NG E. GUERRERO

Biglang nakaramdam ng hindi pamilyar na bigat ang aking kaliwang balikat. Takang-taka, ako’y napadilat at napalingon. Nakaidlip na ang lalaki sa aking tabi. Hindi ko binigyang pansin ang ibang mga pasahero nang ako’y sumakay kanina. Sumusuko na ba ang mga mata niya bago pa man makalisan sa Vinzons Hall ang dyip? Hindi ko namataan. Magkakilala ba kami kaya’t ako ang pinili niyang gawing unan? Hindi ko mawari ang kaniyang itsura. O sadyang, sa dala ng pagod, lumaylay na lamang ang kaniyang ulo sa pinakamalapit na sandalan: ang aking balikat.

Komportable ang pormahan ng lalaking humihimbing—puting t-shirt, maong na pantalon, at simpleng sapatos. Suot nito ang sikat na ‘sablay’ lanyard na binebenta sa UPBEAT. Sinubukan kong sulyapan ang kaniyang ID upang malaman ang kaniyang pangalan ngunit hirap akong basahin ito. Na-obserbahan ko lamang na iba ang disenyo ng kaniyang kard, at mula rito’y napagtanto na isang taon ang agwat namin. Hawak niya ang kaniyang cellphone at nakasabit naman sa kaniyang braso ang isang puting tote bag.

At kahit ano pang lakas ng dagundong ng makina at pag-uga ng dyip, himala na hindi napuputol ang pag-idlip ng aking katabi. Gigisingin ko na sana ito, subalit ako’y napaisip. Baka napuyat kagabi sa pag-aaral para sa LE? Papalapit pa naman ang finals season. Pareho yata kaming sadyang napakaraming pinagdaanan ngayong araw. Tinakbo rin niya kaya mula AS hanggang SUB? Katulad ko panigurado, tambak ang mga gawain na haharapin niya pag-uwi. O baka, may kikitain siyang mga tropa sa Maginhawa at bumabawi ng tulog saglit.

Ano pa man ang kaniyang sitwasyon, dama ko ang kapaguran ng aking kapwa pasahero. Kaya’t hinayaan ko na lamang siyang mamahinga sa aking balikat, at sinubukang huwag maging masyadong malikot upang hindi ito maistorbo. Sa katotohanan, unti-unti na rin akong napapapikit ngunit…

Sumagi sa aking tenga ang tunog ng kaluskos ng plastik. 

ABENIDA LAUREL

Nang ako’y tumingala, dumapo ang aking mga mata sa pasaherong nakaupo sa aming tapat. Dali-daling binabalatan ng lalaki ang kaniyang hawak na burger, habang pinupunasan ang mga butil ng pawis na tumutulo sa gilid ng kaniyang namumulang mukha. Nang matanggal ang wrapper, siya ay bumuntong-hininga at saka kumagat sa tinapay na parang nayupi. Suot nito ay isang polo shirt na wari’y uniporme ng ahensiyang hindi ko batid, at isang sling bagna nakapalupotsa kaniyang katawan. Nakaipit sa kaniyang braso ang makapal na sobreng puno ng papel, samantalang nakapatong naman sa kaniyang hita ang kaniyang pitaka.

Halos walang preno ang pagkagat nito sa burger na bitbit at aaminin kong ako ay natatakam na. Kaya ba niya binalatan ang kaniyang meryenda rito sa dyip upang mang-inggit? Kung ganoon, siya’y matagumpay. O baka naman kaya siya’y tila gutom na gutom ay dahil ang burgerna ito ang unang kain niya sa araw na ito. Pwede ring ito na ang magsisilbing hapunan niya ngunit, dahil naubos ang kaniyang enerhiya, hindi na siya nakatiis pa’t nilamon na ito sa byahe. 

Pinagmasdan ko ang wangis ng lalaki at napansin na siya ay bata pa — posibleng ang edad ay nasa bente pa lamang. Nakakunot ang kaniyang noo at halatang may bumabagabag sa kaniya. Baka mayroong nangyaring hindi kaaya-aya habang nasa trabaho? O kaya naman, sinasalamin lamang ng kaniyang mukha ang kaniyang matinding pagkagutom. Posible ring hindi pa pala tapos ang kaniyang araw at mayroon pa siyang karagdagang gawain? Bago lang kaya siya sa kaniyang tanggapan, kung kaya’t tila kabado? O siguro’y matagal na siya rito at ang ekspresyon sa kaniyang mukha ay marka ng pagkabagot? 

KALYE NG ROCES

Sa biglaang paghinto ng dyip sa kanto ng Area 2, nahulog sa sahig ang pitaka ng lalaki. Hindi niya ito maabot sa dami ng kaniyang dala-dala at hindi ko rin siya matulungan gawa ng katabi kong nananaginip pa rin sa aking kaliwang balikat. ‘Ikot kayo?’ senyas ng drayber sa mga nakaabang. Unti-unti nang napupuno ang dyip habang kinukumbinsi ni manong ang mga nasa waiting shedna kasya pa ang ilan, basta’t umusog lamang ang mga pasaherong nakaupo sa kaliwa’t kanan. 

“Sa inyo ho ito?”

“Ay, thank you.”

Dinampot ng bagong sakay na estudyante ang pitaka at inabot ito sa lalaking ninanamnam ang burger. Nang maibalik ang gamit sa may-ari, agad-agad bumalik ang mga mata ng estudyante sa kaniyang hawak na lukot-lukot na papel. Sa gitnang bahagi ng dyip siya naupo at habang inaayos ang bitbit na bag ay tila hindi maihaklas ang tingin nito sa binabasa. Kapansin-pansin ang kaniyang dilaw na buhok kaya’t siya’y nangingibabaw sa kaniyang mga katabi. Suot nito’y simpleng blouse at mahabang palda na sumasayad sa lapag ng dyip. Nakataas ang kaniyang mga kilay, bumubulong ng mga salitang hindi ko mawari, at mabilis na gumagalaw pakaliwa’t kanan ang mga matang nakalapag pa rin sa papel. Ako’y napaisip: naghahabol siguro ito ng readings. O kaya, bukas ay mayroong nakatakdang pagsusulit. Baka naman, kaya siya’y nagsasalita sa ilalim ng kaniyang hininga ay dahil nagsasaulo ito para sa papalapit na recit. Bilib ako dahil kahit patong-patong na ang mga tunog mula sa loob at labas ng dyip, nananatili ang pokus nito sa kaniyang binabasa. Ipinagdarasal kong saniban ako ng kasing-tindi na tiyaga mamaya pag-uwi bagamat dito pa lamang sa byahe ay pasuko na ang aking lakas.

Maya’t maya, natanaw ng aking mga mata ang isang matandang dahan-dahang naglalakad tungo sa bukana ng sasakyan. Mukhang sasakay ito kaya’t tinapik ko na ang balikat ng aking katabi na mahaba-haba na rin ang naging idlip. Pabulong na humingi ng paumanhin sa akin ang pasahero, at tumango naman ako upang ipaalam sa kaniya na ayos lamang.  Nang pahakbang na ang matanda, kusa na umurong ang aming hanay upang bigyan ng espasyo rito sa dulo ng dyip at hindi na mahirapan pang makahanap ng pwesto ang bagong sakay. Nang ako ay tumingin sa kaniya, binati ako ng kaniyang mahinahong mga mata at mahinhin na ngiti. Puti na ang kaniyang buhok at kulubot na ang kaniyang balat, marka ng mga taong kaniyang napagdaanan. Ano kaya ang kaniyang pakay at narito siya sa A2 ng ganitong oras? Siguro, siya ay naninirahan banda rito sa kalye ng J.P. Laurel. Baka naman, siya ay isa sa mga nakapagsimula ng negosyo rito sa sikat na bahagi ng kampus. O kaya naman, siya ay dating iskolar ng bayan din at nagnais lamang na bisitahin muli ang isang kabanata mula sa kaniyang kabataan. Siya ba ay isa sa mga saksi ng kasaysayan ng unibersidad na ito?

“Manong! Bayad po!”

Isang matinis na boses mula sa kabilang dulo naman ng dyip ang pumukaw sa aking atensyon. Ito ay tinig ng batang babaeng kandong ng kaniyang nanay na nakapwesto sa likod ng drayber. Ang mag-ina ay mayroong bitbit na mga supot ng gulay  

KALYE NG E. JACINTO

Sa pagpihit ng dyip sa kanto ng E. Jacinto, muling sumipat ang aking mga mata sa paligid at nasilayan ang iba’t ibang mukhang nagsisiksikan na tila mga sardinas. Pagtagos nito sa interseksyon ng University Avenue, inilipat ko ang aking tingin sa rebulto ng Oblationmula sa malayo. May kumislot na pintig sa aking dibdib; iyon ang estatuwang tumutulak sa libu-libong pangarap katulad ng akin. Marahil ang iba sa kanila ay nasa dyip na ito ngayon — mga estrangherong nakikibahagi sa araw ko kahit saglit.

Nakatawid na ang dyip sa Kolehiyo ng Fine Arts nang maramdaman ko ang angil ng aking tiyan. “Para po!” sigaw ng estudyante sa tabi ko, yaong nakatulog kanina lamang sa aking braso. Baka pagod siya o puyat, kaya’t hindi na niya napiling hilahin ang lubid. Huminto ang dyip sa tapat ng Mang Larry’s. Nagmamadaling bumaba si kuya, pero lumingon muna siya sa direksyon ko, saka bahagyang ngumiti. Simpleng sandali, ngunit may bigat na hindi ko maipaliwanag — parang paalala na minsan, sapat nang maging sandalan ng isang taong pagod sa mundo.

KRUS NA LIGAS

Patuloy ang dyip hanggang makalabas ito sa tarangkahan malapit sa Kamagong. Hindi na kailangan pang humila ng lubid sapagkat kabisado na ng drayber ang paghinto sa Istasyon ng Bumbero ng Krus na Ligas. Isa-isang bumaba ang ilan, bawat pagbaba’y may sariling direksyong tinatahak.

“Halika na, anak,” ani ng nanay sa kanyang anak, sabik na sabik sa pagbaba. Ano kaya ang naghihintay sa kanila? Hapunan? Ama? Mga kapatid? O sadyang isang tahanang puno ng kulay kahit silang dalawa lamang? Hindi na siguro mahalaga iyon; sapat na sakin ang makita ang tuwa sa kanilang mga mukha. Siguradong hindi sila malungkot ngayong gabi.

Sumunod ang trabahador dala ang kanyang burger, pitaka, at bag ng sandamakmak na papel. Hanggang sa kanyang pagbaba, kumakagat siya sa kanyang pagkain na tilang nagsisilbing hapunan na niya para sa araw na ito. Marahil pag-uwi niya, pag-aayos at paghilata na lamang ang kanyang aatupagin — mas importante kaya ito para sa kanya kaysa sa kanyang pagkabusog? 

Huling bumaba ang isa sa magkasintahan. Nasilayan ko ang pamamaalam nila sa isa’t isa, ngiti sa kanilang mga labi, kislap sa kanilang mga mata. Inilapit niya ang kanyang labi sa pisngi ng kanyang “Bal,” sabay ngisi, at nagsimulang maglakad pababa ng dyip. Ganoon pala ang pagmamahal: mag katawagan kahit panandalian, may init kahit sa daang magkaiba.

BRGY. UP CAMPUS

Sinibat muli ng drayber ang kahabaan ng C.P. Garcia Avenue hanggang sa muling ito’y huminto sa kanto papasok ng isang eskinita. Dito, dahan-dahang bumaba ang matanda sa aking tabi. 

“Salamat, anak,” sabi niya nang alalayan ko ang kanyang pagbaba. Bitbit ang kanyang supot na puno ng mga gulay. Hindi ko naiwasang isipin na marahil pagdating niya sa bahay, ay lulutuin pa niya ito para sa kanyang mga apong naghihintay. Sa maikling sandaling iyon, nakita ko ang isang buhay na nagpapatuloy kahit walang nakatingin — isang mundong hinahawakan ng pag-aaruga.

Agad ding bumaba ang kasintahan ng babaeng nauna nang lumabas. Kita mo ang matingkad na kulay sa kanyang mukha at ang masiglang liwanag ng kanyang ngiti — tila ba may iniwang lambing ang huling sulyap sa kanya. Ganito siguro ang pagmamahal: may saya na hindi napuputol kahit pansamantalang magkalayo.

QUIRINO AVENUE

Hinanda ko na ang sarili sa muling pag-andar ng dyip hanggang sa ito’y makapasok sa kalye ng P. Velasquez, sa pook ng College of Science. Lumiko ito sa may Quirino Avenue hanggang sa muling huminto sa tapat ng Kamia Residence Hall. 

Dala-dala ang kanyang mga babasahin, kape, at suot ang kanyang wired earphones, hinila ng babae ang lubid at humakbang pababa ng dyip. Sinilip ko ang kanyang paglakad sa labas papasok ng Kamia. Hanggang sa paglalakad ba naman, patuloy pa rin ang kanyang pagbabasa. Nakakabilib — sa gitna ng ingay, may mga taong kayang panindigan ang pangarap nila.

Sa mga sandaling ganito, unti-unti kong nauunawaan: kahit hindi tayo magkakakilala, sabay-sabay tayong lumalakad patungo sa mga mundong pilit nating binubuo.

DYIP NA HINDI NAUUBUSAN NG KUWENTO

Isa-isang bumaba ang lahat sa kani-kanilang destinasyon. Ang bawat pagbaba ay parang pagbukas ng pinto sa isang bahagi ng kanilang buhay na hindi ko masasaksihan. Ang dyip na ito ang naging sisidlan ng lahat — ng mga bagahe, pangarap, pagod, at pag-asa.

Nang tumingin ako sa paligid, napagtanto kong ako na lang ang natira. Sa liwanag ng bumbilya, sa hangin na pumapasok sa bintana, at sa mga upuang bahagyang umuga sa takbo — ramdam ko ang lungkot ng pag-iisa kasama ang mga kuwentong hindi ko kailanman malalaman hanggang dulo.

Gayunpaman, pinili ko pa ring huminga nang malalim. Napagtanto kong sa dyip na ito, minsang nagkrus ang landas ng aming mga kuwento kahit pa panandalian lamang. At dahil doon, ramdam ko ang kapanatagan na sa ngayon ay hindi ko pa maipaliwanag.

PAGKAWALA SA RUTA, PAGKATAGPO SA SARILI

Sa wakas, nalalapit na ako sa aking destinasyon. Kaunting segundo na lamang, lilisanin ko na rin ang sisidlang ito na maya-maya’y lilingapin na rin ang mga kuwento, ambisyon, pangarap, at hinanakit na aking iiwan. 

Ngunit bigla akong napatigil. Bakit tila ako’y nagbalik sa lugar kung saan ako unang sumakay? Napatingin ako sa paligid, tama nga, nagbalik muli ako sa Vinzon’s Hall. Shet, sa sobra kong pananabik sa kuwento ng mga taong nakasabay ko, hindi ko na namalayan ang dinaanan ng ruta, ang sarili kong destinasyon. Saan nga ba ako bababa? Anong kuwento nga ba ang iiwan ko sa behikulong ito? 

Imbis na mag-alboroto at magreklamo, huminga ako nang dalawang beses, umupo sa kabilang dulo ng dyip malapit kay manong, at iniabot ang bayad para sa pangalawang ikot. 

Magsisimula muli ang lahat. Mapupuno na naman ito ng mga bagong kuwento, pangarap, at laban. 

Marahil hindi ko kilala ang mga taong ito. Marahil hindi na rin kami muling magkikita. Ngunit sa pagbaba ko, alam kong hindi na ako nag-iisa sa siyudad na ito. Dala ko ang kanilang bigat, galak, pagod, tapang, pagmamahal, at katahimikan.

Pagbaba ko, hindi na ako basta pasahero ng lungsod. Isa na akong taong binuo ng bawat sandaling paghinto, bawat pag-arangkada, bawat kuwentong dumaan kahit saglit. 

Sa bawat upuan, may iniwang pagod; sa bawat lubid na hinila, may ipinaglalaban; sa bawat pagbaba, may panibagong mundong haharapin. 

Ngayong ako na ang bababa, dala ko hindi lamang ang katotohanang kayang baguhin ng bawat paglalakbay ang isang tao nang hindi niya namamalayan, kundi pati ang paalala na ang mga buntong-hininga sa buhay ay may kakayahang magturo, magpagaan, o mag-iwan ng bigat. 

Sa huli, ang bawat byahe ay isang tahimik na anyo ng pagkatuto: pinakikita nito kung sino tayo at kung sino pa ang maaaring nating maging, parito’t paroon. Sa bawat pag-ikot, ay bagong pag-iral.

Mga larawan at pagsasaayos mula rin sa mga awtor

Tao Po! Mangangaluluwa Po!

Mga Iskolar ng Bayan Muling Lumiban sa Klase at Nagprotesta Laban sa Korapsyon

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *