Isinulat ni Raphael Mendoza
MANILA—Nahatulan noong Enero 21 ang mamamahayag na si Frenchie Mae Cumpio at community worker na si Marielle Domequil kaugnay ng kasong terrorism financing, halos anim na taon matapos silang arestuhin sa mga kasong patuloy na tinututulan ng mga human rights at press freedom groups bilang walang basehan at produkto ng red-tagging.
Si Cumpio ay isang mamamahayag mula Eastern Visayas at dating editor-in-chief ng UP Vista, opisyal na pahayagang pangkampus ng University of the Philippines Tacloban. Bago ang kaniyang pag-aresto, nagsilbi rin siyang direktor ng Eastern Vista, isang alternatibong organisasyong pangmidya na nag-uulat hinggil sa mga alegasyon ng karahasan ng estado sa rehiyon. Si Domequil naman ay isang community worker na kilala sa pagsusulong ng karapatan ng kababaihan.
Noong siya ay arestuhin, iginiit ng mga awtoridad na may nakuhang baril at pampasabog sa loob ng kanilang opisina. Ngunit mariing itinanggi ng kaniyang kampo ang paratang. Ayon sa mga abogado at mga kasamahan niya sa midya, tinanim umano ang mga ebidensya, at ang search operation ay isinagawa sa mga kundisyong kuwestiyonable—walang malinaw na saksi at may limitadong akses lamang ang midya at mga abogado.
“Si Frenchie [at ang kasamang iba pa], ay iligal na inaresto… matapos i-raid ang kanilang tinutuluyang bahay at opisina at taniman ng mga pekeng ebidensya,” ani National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa isang joint statement na kumukuwestiyon sa legalidad ng operasyon.
Isinaad ng kaniyang mga abogado na may mga iregularidad sa isinagawang search operation, kabilang ang kawalan ng malinaw na independent witnesses at ang limitadong presensya ng midya at legal counsel habang isinasagawa ang raid. Giit nila, hindi sapat ang mga ebidensya upang iugnay si Cumpio sa mga paratang.
Nauna nang sinabi ng international press watchdog na Reporters Without Borders (RSF) na walang malinaw na ebidensyang sumusuporta sa mga kasong isinampa laban kina Cumpio at Domequil. Iginiit ng RSF na ang kanilang patuloy na pagkakakulong ay banta sa kalayaan sa pamamahayag at karapatang pantao sa Pilipinas.
Noong Pebrero 7, 2020, inaresto ng pinagsanib na puwersa ng pulis at militar sina Cumpio, Domequil, at tatlo pang aktibista na bumubuo sa tinaguriang Tacloban 5. Ayon sa kanilang mga abogado at pamilya, sinamahan ang operasyon ng red-tagging at mga paratang na ang mga baril, pampasabog, at salaping ‘di umano’y nakumpiska ay itinanim upang iugnay sila sa mga armadong rebolusyonaryong grupo.
Bagaman napawalang-sala sina Cumpio at Domequil sa kasong illegal possession of firearms and explosives, nanatili silang nakakulong dahil sa kasong terrorism financing, na siyang pagbibigay, pangangalap, o paggamit ng pondo na umano’y sinasadyang ilaan upang suportahan ang mga gawaing terorismo o mga grupong itinuturing na terorista ng estado, kahit walang aktwal na naganap na marahas na insidente, at may kaakibat na parusang 12 hanggang 18 taong pagkakapiit.
Noong Oktubre 29, 2025, naglabas ng desisyon ang Court of Appeals na nagpapawalang-sala sa dalawa sa kasong civil forfeiture, matapos igiit ng korte na walang sapat na ebidensyang nag-uugnay sa P557,360 na nakumpiska ng pulis at militar sa kanilang tahanan sa anumang armadong rebolusyonaryong grupo.
Kasunod ng hatol noong Enero 21, muling nanawagan ang mga grupo ng mamamahayag, simbahan, at sektor ng kabataan para sa pagpapalaya kina Cumpio, Domequil, at iba pang bilanggong pulitikal. Sa isang programang ginanap kaugnay ng kanilang kaso, simbolikong pinunit ng mga kalahok ang kopya ng desisyon ng Tacloban Regional Trial Court bilang patuloy na pagtutol at panawagan sa hustisya.

(photo from Philippine Collegian)
Bagamat iginiit ng estado na lehitimo ang mga operasyon, patuloy namang kinukwestiyon ng iba’t ibang lokal at internasyonal na organisasyon ang kredibilidad ng mga kaso.
“Frenchie Mae Cumpio’s conviction represents a devastating failure on the part of the Philippine justice system and the authorities’ blatant disregard for press freedom. The Philippines should serve as an international example of protecting media freedom — not a perpetrator that red-tags, prosecutes and imprisons journalists simply for doing their work,” ayon kay RSF Advocacy Manager Aleksandra Bielakowska, na naglabas ng pahayag na tinuligsa ang hatol bilang base sa mga gawa-gawang kaso at red-tagging.
Para sa kanila, ang pagkakakulong at pag-uusig kina Cumpio, Domequil, at Tacloban 5 ay hindi lamang usapin ng batas—ito ay usapin ng kalayaan sa pamamahayag, karapatang pantao, at espasyo ng kritisismo sa isang demokratikong lipunan.
Ayon sa mga taga-suporta, ang kaso nina Cumpio, Domequil, at ng Tacloban 5 ay sumasalamin sa mas malawak na padron ng kriminalisasyon sa pamamahayag at lehitimong aktibismo sa bansa sa pamamagitan ng red-tagging at mga kasong sinasabing gawa-gawa.
#FreeFrenchieMae
#FreeTacloban5
#DefendPressFreedom





