Iniibig ka, Kahit sa mga Panandaliang Pagbitaw

sulat ni Karl Angelo R. Vicedo

Ipinangapangakokong lagi kong babalikan ang gabing iyon kung saan banayad ang agos ng gabi, dahan-dahan ngunit may patutunguhan, lalo pa’t ikaw ang katabi. 

Sa paligid, umiindak ang lahat: mga ilaw na parang nagtatampisaw sa kadiliman, hanging malamig sa bagong taon, halakhakang tayo lamang ang nakaririnig. Pumipintig ang puso sa bawat pihit ng ulo sapagkat ikaw ang nasisilayan ng mga mata — ano na lamang ang nagawa ko para matamo ang matinding kapalaran katulad nito? 

Binabagtas ng ating mga paa ang semento na saksi sa ating mga yakap at halik; ikaw ay nasa aking tabi, sumasabay sa katahimikan kongtila lihim na ritwal ng ating pag-ibig. Magkahugpong ang ating mga daliri — palatandaan ng isang kasunduang walang salita, isang sumpang hindi pakakawalan kahit paulit-ulit tayong sinubukan ng mundo.

Subalit bago pa man sumayaw ang mga salita sa iyong labi, nadama ko na ang pagbabago ng hangin: ang panginginig ng magkasalikop nating mga palad, ang pag-urong ng aking pulso, ang bigat ng mundong muli tayong pinatitigil. 

At sa pagitan ng dalawang tibok ng puso, ang patuloyna paglalakad ay naging pag-iingat, ang paghawak sa isa’t isa ay naging kasalanang kailangan nating itago.

PALAD

Sa pagtama ng mga tingin ng estrangherong hindi man lang kilala ang ngalan natin, unti-unting bumitaw ang ating mga kamay, at sa paghihiwalay, narinig ko ang puso konghumihikbi — isang panaghoy na walang makaririnig maliban sa dilim at sa iyo. Hindi dahil hindi mo ako mahal kundi dahil may mundong sabay nating kinatatakutan, isang mundong handang lamunin ang bawat lambing na ipinakikita natin.

Paulit-ulit kong tinanong ang sarili, parang sirang plaka sa gabi: Bakit nagiging kasalanan ang pag-ibig kapag hindi pumapasa sa sukatan ng iba? Bakit kailangang itago ang tibok na alam nating totoo at walang niloloko?

Sa pagbitaw ng palad mo, nasilayan ko ang pag-ibig na kailangang maging talinghaga, ang katahimikang inuukit natin sa sariling dibdib, ang pag-asang pilit hahanapinsa gitna ng dilim. 

Atsa aking palad, nananatili ang bakas ng init, isang alaala na hindi tayo nag-iisa sa kwentong ito — kwento ng mga umiibig upang makibaka, ng mga nananahimik upang kumanlong, ng mga patuloy na lumalaban sa mga patay-sinding pangarap, sa gitna ng mundong ayaw tanggapin ang katotohanan ng ating pagmamahal.

HINLALAKI

Yaong paghawak ng kamay natin ay hindi kailanman naging simpleng haplos; isa itong wikang hindi kayang ipaliwanag ng dila, hindi kayang isalin ng kahit sinong saksi — wikang tayo lamang ang nakakaunawa. Isang wikang isinilang mula sa takot, mula sa bulong ng gabi, mula sa lihim na tintang isinulat natin sa hangin, umaasang walang makabubura. 

Para sa iba, marahil ito ay wala lamang, isang natural na pagdampi. Pero para sa atin, ito’y kasunduan: kung paano magtatago sa liwanag, kung kailan dapat kumapit, kung aling landas ang lalakarin, at kung kailan magpapanggap na parang wala tayong nadarama kahit nabubulabog na ang dibdib.

Sapagkat sa bawat tingin ng iba, ramdam ko anghatol — parang nakataas na hinlalaking naghihintay ng pasya: thumbs upo thumbs down? Tatanggapin ba nila ang pag-ibig nating hindi umaayon sa itinakda ng mundo, o isusuka nila bago pa man natin masabing totoo ito?

HINTUTURO

Sa bawat daan, may hintuturong nakadirekta sa atin, nakatutok na tila naghihintay ng pagkakamali. Sa bawat dyip, may titig na sumusukat sa bawat galaw ng ating mga katawan. Sa bawat sandali, pakiramdam mo’y ipinanganak tayong mga eksena sa mga palabas na kailangang siyasatin, pintasan, at hatulan. 

Ano man ang maging hatol nila, hindi na ito mahalaga sapagkat sa isang sulyap, natatangi pa rin tayo sa ating mundo, isang tinging pabaliksa atin na nagpapaalala kung gaano kadaling maliitin ang pag-ibig na ito. Hindi lamang ito dahil sa lambing na isinisiwalat sa publiko, kundi dahil sa pagmamahal sa paraang hindi inaasahan ng lipunan. Ano ba rito ang kakaiba? Kasalanan ba ang maging totoo?

Romansa — karaniwang tawag sa babae’t lalaking magkayakap, magkaakbay, magkahalikan. Ngunit kapag dalawang taong magkapareho ang kasarian, ito’y kabastusan, isang palabas na tatantusan ng mga pangungutya. 

Araw-araw, may hintuturong sumusunod sa atin. Hindi laging nakataas, ngunit laging naroon. Hindi nito kailangan magsalita; sapat na ang direksyong itinuturo nito upang maramdaman ang turok na dumadausdos sa balat at umaabot salaman, na para bang ang bawat galaw natin ay may nakahandang paratang bago pa man tayo makapagsalita.

HINLALATO

Mula sa mga bulong, titig, panunuri, at pagmamasid, lumalantad ang mga sugat — mga insultong pawang katatawan lamang sa iba, mga tanong na naglalaman ng lason sa ilalim ng mga salita, mga karahasang tila kutsilyo sa pagitan ng tadyang. Araw-gabi, sumisiklab sa dibdib ang poot, sapagkat tila isang malupit na sumpa sa mundo ang tangan nating pag-ibig at sa pagkamuhi’y nakataas ang kanilang mga hinlalato. 

Tila ba ang iyongbawat haplos sa akin ay paghamon, ang mgangiti mo ay paglapastangan, ang pagsinta ay krimeng sinadyang isulat sa ating mga katawan at kaluluwa.

Ngunit narito pa rin tayo, patuloy na humihinga sa mundong wala sa bokabularyo ang “pagtanggap,” sumisinta sa mundong puno ng panunungayaw, na para bang mismong mga kamaynatin ang ayaw nilang makita. Nakatuon ang mga hintuturo sa atin, wari’y tayo ang pagkakamali; gayong ang nararapat nilang usigin ay ang sistemang patuloy nagpapagalaw sa paniniwalang mali ang pag-ibig natin. Habang sila’y mariing nagtuturo, tayo naman ang kinakapos, bawat hinga’y hinahabol sa kakulangan ng puwang na ibinigay sa atin.

PALASINGSINGAN

Sa daliring ito nakatira ang mga pangako, pero dito rin nakalibing ang mga takot dahilang palasingsingan ay altar ng mga pangakong hindi natin alam kung kailan magiging atin.

Tulad ng mismong daliring hindi kayang tumindig nang mag-isa, tayo man ay sinusubok ng mga matang nanonood, ang pag-aalinlangan ay dumaragsa, humahampas, sumasagi sabawat sandaling pinipilit nating maging matatag. Sapagkat ang singsing ay pangarap, hindi katiyakan; ang pag-iisang dibdib ay isang kuwentong pinapaso muna ng panahon bago natin mabuksan ang pintuang matagal nang ipinagdamot ng paniniwalang lipas at hindi makatao.

At ang bawatsandali ng pag-ibig ay isang mundong kailangan pang patunayan bago matawag na isang tahanan.

At sa bawat pag-abot ko sa’yo, muli’t-muli akong natatalo sapagkat matapos ang bawat pagbitaw, ikaw pa rin ang inuuwian ng mga daliri kong napagod sa pagtatago. Mas matimbang kaysa sa mga titig ng iba ang kinabukasang nakikita ko sa iyong tabi — ikaw, suot ang liwanag sa iyong palasingsingan, kung papalarin man. 

Madalas akong nauunahan ng pangamba, parang bawat pagmamahal ay may kapalit na takot, ngunit ako’ypatuloy pa ring umaasa. Sapagkat ang pag-ibig ko sa’yo ay sumisibol kahit sa pinakatuyong lupa, mas matatag kaysa sa anumang maaaring ipataw sa atin. Hindi ito mawawala; ang pag-ibig ko ay patuloy na hihinga, lalaban, at aasa.

HINLILIIT

Nais kong maunawaan at maalala ng sinumang makaririnig sa tinig nitong pahina: ang pag-ibig namin ay hindi kathang-isip. Hindi ito imoral. Hindi ito kalapastangan. Hindi ito dapat isuksok sa anino’t ipagpag sa hiya. Ang pag-ibig na ito ay umiindak sa ibabaw ng bubog — isang balseng apat na kaliwang paa — habang pinagmamasdan ng libu-libong madlang naghihintay sa ating pagdapa. Ngunit nandito tayo, magkahawak-kamay pa rin, dumudugo man ang mga talampakan.

Sa bawat hatol, sa bawat tingin, sa bawat bulong na binibitawan nila na parang sumpa, patuloy akong umiibigsa’yo. Iaabot ko ang aking hinliit at sa pag-ibig na ito, ako’y nangangakong hinding-hindi tayo tatalikod. Gagawin nating tabak ang takot. Gagawin nating kalasag ang bawat sugat. Sa bawat titig na manunuot sa balat at buto, pipilitin nating lumaban hanggang malampasan ang mga matang nanlilibak at makaalpas tungo sa katahimikan.

Kung kinakailangan kong harapin at hamunin ang matagal nang naghaharing sistema, gagawin ko. Hindi na ako luluhod sa kung sinong nagtatakda kung sino ang dapat mahalin. Darating ang araw na hindi na natin kailangang bumitaw — ang araw na makahahawak tayo nangwalang sumisipat sa likuran, na makapaglalakad tayo nang hindi nagtatago. Maaaring hindi ngayon, hindi bukas, hindi sa susunod na linggo, ngunit makikibaka ang mga kamao hanggang masilayan natin ang mundong iyon. 

At hangga’t hindi pa iyon dumarating, patuloy kitang sasamahan sa lakaring kahit marahan ay mayparoroonan. Patuloy kitang mamahalin sa pagitan ng dilim ng gabi at liwanag ng bulan. Patuloy kitang pipiliin kahit masakit. Patuloy akong lalaban para sa atin. Pangako ko ito sa’yo. 

Dahil kung kasalanan mang ika’y mahalin, lalabag ako — paulit-ulit, walang pag-aatubili, walang pag-aalinlangan. At sa bawat paglabag, ipagpapatuloy ko ang aking walang-tigil na paglaban, sapagkat mas masahol pa ang mawala ka sa aking tabi. Mas masahol pa ang ika’y hindi ibigin. Pangako ko ito sa’yo.

Matatakot. Mananatili. Lalaban. Aasa. 

At sa lahat ng ito, pipiliin pa rin kita.

Ipinapangako kong patuloy kong hahanapin at lalakarin ang daan pabalik sa iyong mga kamay dahil sa bawat pag-abot, ako ay umiibig nang may paglaban.

Matapos ang anim na taon, nakabinbin pa rin ang hustisya para sa Tacloban 5

Kahit Kamatayan ay Hindi Tayo Mapaghihiwalay

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *