Kahit Kamatayan ay Hindi Tayo Mapaghihiwalay

Kasalanan daw ang ibigin ka. Nakadidiri at nakahahawa—matagal kong kinimkim ang nararamdaman ko, na parang isang sakit na mahirap gamutin.

Gusto kong punitin ang suot-suot kong gown ngayon. Maganda naman ang tela, pero nangangati akong hubarin ito. Ang fantasy ko? Custom-made na cropped Barong Tagalog, at mahabang paldang sumasayad sa sahig, tapos magsusuot ako ng boots na may kaunting takong. Siguro, maglalagay rin ako ng shoulder padding para magmukhang mas malapad ang mga balikat ko. Pero naalala ko ang pagkadismaya ng nanay ko noong sinabi kong gusto kong mag-suot ng tuxedo sa prom, kaya nanahimik na lang ako.

Nagpadala ako sa mga maaaring sabihin nila sa atin. Nais kong ipagsigawan sa buong mundo ang pag-ibig natin, ngunit naduwag ako. Ikinahiya ko kung anong mayroon tayo. Nilayuan ko ang nagniningas na apoy, sa takot na mapaso ako nito.

Gusto kong basagin ang lahat ng makikita kong salamin. Buti na lang at naipaglaban kong ako ang magmamakeup sa sarili ko. Bukod sa maalam naman ako, ayokong maglagay ng makapal na foundation sa aking balat, at mas ayokong malagyan ng mabibigat na mga pilikmatang hindi naman babagay sa eye shape ko. Paunti-unti akong naglalagay ng contour, lalo na sa aking ilong, para naman mas maging defined ang aking soft features. Kinapalan ko rin ang aking kilay, at naglagay ng kakaunting kulay sa aking labi. Makeup can only do so much, at hindi ko na mababago ang hulma ng mukha ko.

Iba ka. Ikaw ang tagapagligtas sa ating dalawa. Palagi kang handang ipaglaban ako, kahit na alam mong hindi ko iyon magawa sa iyo noon. Sa mundong walang kasiguraduhan, alam kong hinding-hindi ka mawawala. Patuloy pa ring lumaki ang apoy kahit na pilit ko itong iwasan, at sa matagal na panahon, nag-iisa kang sumugod sa sunog.

Gusto kong gupitin ang buhok na ako rin naman ang nagpahaba. Matagal ko nang pangarap ang magpagupit sa barbero, pero hindi ko magawa. Nakakahiya. Ano na lang ang iisipin nila? Hindi raw normal itong nararamdaman ko—paano ko ba ito maipapaintindi sa kanila? Sino ba kasi ang nagpauso ng sistemang dapat umiikot ang identidad mo sa aring mayroon ka? O kahit sa mga suot mong damit, sa iyong buhok, o sa hulma ng iyong mukha’t katawan? 

Kung titingnan natin, walang tiyak na kahulugan ang pagkababae o pagkalalaki ng isang tao. Sa mga kahulugang hindi naman mapagkaisa ng mga tao ay nahahati lang tayo. Siguro para sa akin, at marahil para rin sa iba, inilikha tayo upang ipagpatuloy ang sining ng paglikha—ang paglikha na ito ay nagsisimula sa ating mga sarili. Lahat tayo ay ipinanganak na artista, at ang ating mga katawan ang sarili nating canvas. Nakalulungkot lang na marami sa amin ang hindi maipinta ang aming obra maestra, dahil ninakaw ng mapangkutya at mapang-abusong  lipunan ang aming mga makukulay na pintura.

Marumi raw ang pag-iibigan nating dalawa, ngunit bakit tila masilayan lamang ang iyong ngiti ay malinis na ako? Ang paborito kong kanta ay ang iyong mga hagikgik habang ako’y iyong hinahalikan, at ang paborito kong tula ay ang mga salitang lumalabas mula sa iyong bibig. Nakatanim na sa aking kaluluwa ang bawat bahagi ng iyong pagkatao—may sarili ka nang hardin sa aking utak at puso.

Buong buhay ko’y nangangati ako, na para bang may suot akong kakaibang telang hindi ko mahubad. Wala na akong ibang ginawa kundi ang magkamot; tadtad na sa mga sugat ang aking balat. Sa ngayon, magtitiis muna ulit ako. Lagi ko namang nakakayanang magtiis, pero ngayon ay hindi ko maiwasang kamutin ang aking balat sa sobrang kati. Magtatago na lamang ako muli, at ibibigay ang araw na ito sa kapatid kong makikipag-isang-dibdib. Hindi naman ako ang ikakasal—malabo pa iyang mangyari sa ngayon.

Kung malaking kasalanan ang ibigin ka, bakit nasa paraiso ako? Handa na akong masunog sa impyerno para sa pag-ibig mo. Ano pa ba ang dapat kong ikatakot, kung dinala mo na sa akin ang buong kalangitan? 

Bakit parang nasalo ko naman lahat ng problemang maaari kong makuha? Alam ko na ang sasabihin nila: gawa-gawa ko lang ang mga ito sa aking utak. Pinili ko raw kung anumang kabaklaan ang nangyayari sa akin ngayon. Bakit ko naman pipiliin ito, kung kinakailangan ko pang magmakaawa upang magkaroon ng karapatang mabuhay?

Nais ko rin siyang dalhin sa altar, at ipagkalat ang kwento ng aming pag-ibig—isang pag-ibig na makasalanan daw. Sa halip ay kailangan naming magtago; ni hindi ko nga siya maipakilala sa aking pamilya. Nararapat lang bang ganito ang palaging kahihinatnan ng mga taong tulad namin?

Ang tunay na kasalanan ay ang hindi ka ibigin. Ikaw na nagpakita sa akin ng tunay na pagmamahal nang walang kapalit; ikaw na tinanggap ako nang buong-buo. Isang malaking kalapastangang ikinahiya ko ang pag-iibigan nating dalawa, at sana hayaan mo akong pagbayaran ang pagkakasala ko sa iyo.

Nakakapagod mamuhay nang ganito, lalo na’t pilit kaming sinasakal ng isang lipunang tinitiis lamang kami. Karapatan namin ang paboritong paksa ng mga debate sa paaralan, na para bang hindi kami mga tao. Pero buti pa sa mga debate sa paaralan, may tyansang manalo ang koponang ipinaglalaban ang karapatan namin. Pero sa gubyerno ng Pilipinas? Ilang taon nang nakabinbin sa kamay ng mga pulitiko ang desisyon kung dapat ba kaming kilalanin at tanggapin sa lipunang ito. Bibihisan nila ang kanilang mga sarili ng ng mga retaso ng kulay ng bahaghari kapag madali para sa kanila, ngunit patuloy pa ring hungkag na hinuhusgahan ang pagkakakilanlan ng mga taong nakakasalamuha nila.

Isinusumpa kong hindi ko ikukulong ang nag-aalab na apoy na inilikha ng ating pagmamahalan, at yayakapin ko ang init na ibinibigay nito. Mula ngayon, sasamahan kita sa nagliliyab na apoy, hawak-hawak ang iyong kamay, at kailanma’y hindi na ako bibitaw pa.

Marahil ay mas lumalakas at nagiging makahulugan ang pag-ibig namin, dahil araw-araw namin itong ipinaglalaban. Naitatag ang aming pag-ibig at pagkalinga para sa isa’t isa sa patuloy naming pagkilos. Malayo pa ang kailangan naming lakbayin, ngunit nakagagaan ng pusong malamang hindi ka nag-iisa. Balang araw, mabubuo rin namin ang aming obra maestra.

Ngunit ngayon, lalo na sa araw na ito, itatago ko muna ang tunay na ako, hanggang sa ligtas na para sa akin ang magladlad. Palihim ngunit patuloy akong lalaban, dahil hindi ako papayag na habambuhay akong nakakulong. Patuloy akong sisigaw at mangangalampag sa loob ng aking kloseta, hanggang sa ako’y tuluyang lumaya

Kasalanan daw ang ibigin ka, ngunit nakikita kong nagdiriwang ang mga anghel sa sumasayaw nating apoy, handang lagyan ng sinag ang aking ulo. Ang pagmamahalan natin ay isang malaking sakripisyo, sapagkat ikaw ang relihiyon, at ako ang natatangi mong deboto. 

Hanggang sa aking pagkalibing, kahit ang kamatayan mismo ay hinding-hindi tayo mapaghihiwalay. Hanggang sa ating huling hantungan, ikaw ang paborito kong sablay.

Iniibig ka, Kahit sa mga Panandaliang Pagbitaw

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *