Sulat ni Raphael Mendoza
Isinabuhay ng mga multisektoral na grupo ang diwa ng People Power Revolution, apat na dekada matapos itong ganapin sa kahabaan ng Epifanio de los Santos Avenue (EDSA), upang gunitain ang makasaysayang pagpapatalsik sa diktadura ni Ferdinand Marcos Sr, Pebrero 29.
Umalingawngaw ang mga panawagan ng mga dumalo sa pananagutan at tunay na pagbabago. Bitbit ang mga isyung ikinahaharap ng bansa, inirehistro ng mga mamamayan ang kanilang mga hinaing. Para sa kanila, nananatiling entablado ng patuloy na pakikibaka para sa demokrasya at hustisyang panlipunan ang parehong lansangang minsang naging simbolo ng pagkakaisa.
Pananagutan at Panawagan sa Lansangan
Muling nasaksihan ng kahabaan ng EDSA ang tensyon sa pagitan ng mga mamamayan at mga awtoridad. Bago pa man nagsimula ang programa sa EDSA Shrine, hinarang ng kapulisan ang ilang grupo dahil sa kawalan umano ng permit sa pagtitipon. Bagaman protektado ng konstitusyon ang karapatan sa mapayapang pagtitipon, naging mitsa ito ng negosasyon at pag-antala sa pag-usad ng martsa patungo sa Shrine.
Ilang sandali bago magsimula ang martsa, libo-libong miyembro ng kapulisan ang sumalubong sa mga mamamayan. Sinubukang pigilan ng mga pwersa ng kapulisan ang mobilisasyon na makalapit sa Shrine na nagresulta sa serye ng gitgitan, tulakan, at marahas na pagharang sa hanay. Humantong ang tensyon sa pag-aresto sa dalawang aktibista ng Eastern Police District.
Nauwi sa pag-aresto kina Three Odeña ng progresibong grupong SPARK at Edel Parducho ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates ang naganap na tensyon. Ayon sa mga saksi, kabilang sila sa mga nagtamo ng minor injuries habang itinutulak at pinagsiksikan ang mga kalahok. Hindi ito naiiba sa pang-araw-araw na pagpapatahimik sa mamamayan sa pamamagitan ng pamamasista. Mula pa noong panahon ng Martial Law hanggang sa kasalukuyan, patuloy ang atake sa karapatan ng mamamayan na magpahayag at magtipon.
Entablado ng Patuloy na Pakikibaka
Noong 1986, naging simbolo ang EDSA ng mapayapang paglaban ng mamamayan laban sa diktaduriya. Milyun-milyong Pilipino ang nagtipon upang igiit ang demokrasya at wakasan ang mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng diktadura. Pagbawi sa demokrasya at pagtapos sa madilim na kabanata ng Batas Militar ang pangunahing layunin ng malawakang pagkilos na ito.
Subalit para sa ilan, nananatiling bukas ang mga katanungan ukol sa mga ipinangakong reporma. Ayon kay Satur Ocampo, dating bilanggong pulitikal noong Batas Militar at pangulo ng Bayan Muna, hindi umano nagkaroon ng malalim na pagbabago sa sistemang panlipunan at pang-ekonomiya matapos ang 1986.
“Ang nangyari kasi noong EDSA 1986, hindi nag-install ng mga fundamental reforms na baguhin yung umiiral na sistema. Yung mga mayayaman na mariwasa sa buhay ay yumaman, pero yung mga karaniwang mamamayan na laging problema ang pang-araw-araw na pamumuhay ay hindi nabago,” aniya.
Tila nagiging maputla sa harap ng mga panibagong hamon ng kasalukuyan ang makulay na tagumpay noong 1986. Muling nagiging lunsaran ng tunggalian ang kalsadang dating pinuno ng pagkakaisa—lalo na’t isang Marcos muli ang nakaupo sa pwesto makalipas ang apatnapung taon. Patunay ito na nangangailangan ng patuloy na pagbabantay at hindi natatapos sa pagpapalit lamang ng mga mukha sa kapangyarihan ang kalayaang nakamit noon.
Sa kabila ng mga pangyayari, nananatiling sentro ng paggunita ang usapin ng karapatang magpahayag at magtipon—may permiso man o wala. Sa huli, nakarating ang hanay sa Shrine at naituloy ang kanilang programa, tanda na patuloy na sinusubok at ipinaglalaban sa lansangan ang diwa ng EDSA.
Para sa mga dumalo, hindi lamang pag-alala sa nakaraan ang People Power—isa itong hamon sa kasalukuyan. Sa harap ng mga alegasyon ng korapsyon, krisis sa kabuhayan, at mga banta sa karapatang pantao, muling iginiit ng mga nagmartsang hindi dapat manatili sa aklat ng kasaysayan ang diwa ng 1986. Sa gitna ng magkakaibang pananaw at presensya ng estado sa lansangan, malinaw na patuloy na isusulong ng mamamayan ang laban para sa demokrasya at hustisyang panlipunan.





