sulat ni Lance Navarra
Ang oras ay alas-sais ng gabi, araw ng Martes.
Oras ng hapunan.
Oras din ng balitang paulit-ulit nang nagsasabi kung sino ang dapat katakutan ng bayan.
“Sa ulo ng mga nagbabagang balita!”
Sumabog ang pamilyar na himig mula sa lumang telebisyon habang unti-unting sumisilip ang buwan sa pagitan ng makakapal na ulap. Kumakalansing ang ambon sa yerong bubong ng aming bahay, parang marahang palakpak ng ulan sa bawat balitang inilalabas.
Sa kusina, abala si Nanay sa paghalo ng kumukulong sabaw.
Sa unang langhap pa lamang ng nakasalang ay agad na akong naakit upang bumaba.
Ipinatong ko ang bolpen sa ibabaw ng mesa at tumabi sa kaniya.
“‘Nay, ako naman maghalo.”
Hindi man lang siya lumingon.
“Huwag muna rito. Mapapaso ka lang. Umupo ka na ro’n.”
Ganito palagi.
Bawal makialam.
Bawal makisawsaw.
Umupo ako sa mesa, nakasimangot, habang hinihintay ang pagkain… at ang susunod na balita.
“Lider-estudyante mula sa UP, kinasuhan ng PNP!”
Napabuntong-hininga si Nanay.
“Naku. ‘Yang mga batang ‘yan, puro gulo. Sana hindi ka lumaking gaya nila.”
Napalingon ako.
“Bakit po sila nag-iingay?”
Saglit siyang natigilan, saka muling hinalo ang sabaw.
“Kasi may mga bagay na dapat pinapabayaan na lang sa matatanda. Mag-aral na lang sila.”
Tahimik akong nag-isip.
“Eh kung mali po ‘yung ginagawa ng matatanda?”
Napalingon siya ngayon.
“Saan mo naman narinig ‘yan?”
Hindi ko rin alam.
Siguro sa mga napapanood kong reels.
Siguro sa klase.
Siguro sa mga tanong na hindi nawawala sa ulo ko.
“Kung nakikita namin na may ginagawa silang mali, wala po ba kaming sasabihin?”
Napailing si Nanay.
“Pia, sampung taon ka pa lang. Kumain ka na.”
Pero habang sinasandok niya ang sabaw, parang may iba ring hinahalo: takot, pagod, at mga alaala na hindi niya sinasabi.
Habang kumakain kami, tuloy ang balita.
Mga rally.
Mga plakard.
Mga estudyanteng hinahabol ng pulis.
“Bakit po sila inaaresto?” tanong ko ulit.
“Kasi nakikialam sila,” sagot niya, halos pabulong. “Noon pa naman ganyan na.”
Noon pa.
Hindi ko alam kung kailan ang “noon” ni Nanay.
Pero parang mabigat iyon.
“Bakit ba sila lumalaban, nay?” dagdag ko. “Para saan ba ‘yung pagp-protesta nila?”
“Kasi sa tingin nila may magagawa ‘yang pagra-rally nila. Pero kahit sino namang umupo na presidente ay may masasabi sila.”
“Eh bakit po kayo galit sa nagra-rally, hindi sa nirereklamo?”
Tumigil ang kutsara niya sa ere.
“Sophia,” babala niya, “Isa mo pang tanong, wala kang baon bukas.”
Sapat na iyon para tumahimik ako.
Sa bahay namin, ang katahimikan minsan ay disiplina.
Minsan naman, proteksyon.
Matapos kumain, ako ang naghugas ng pinggan.
Sa likod ko, tuloy pa rin ang telebisyon.
“Susunod: publikasyon ng mga mag-aaral, pinapatahimik umano ng awtoridad—”
Napahinto ako.
Manunulat ako sa school papernamin.
“Nay…” sigaw ko mula sa lababo.
“Paano po kung journalists naman ‘yung pinapatahimik?”
Matagal bago siya sumagot.
“Kasi minsan,” sabi niya, “Delikado ang magsalita. Mas mabuti nang wag makisawsaw.”
Humalo sa tunog ng tubig ang katahimikan.
“Pero ‘di po ba mas delikado kung walang nagsasalita?”
Hindi siya agad makasagot.
Sa unang pagkakataon, hindi galit ang nasa mukha niya, kundi pag-aalala.
“Anak,” mahina niyang sabi, “Wala tayong pambayad sa abogado. Wala rin tayong kakilala. Ang meron lang tayo… ikaw.”
Doon ko naintindihan.
Hindi niya kintatakutan ang protesta.
Ako ang kinatatakutan niyang mawala.
Pagsapit ng gabi, lumakas ang ulan.
Patay na ang telebisyon ngunit gising pa rin ang bahay.
Narinig ko si Nanay sa kusina.
“Paano ko kaya pagkakasyahin ‘to hanggang Biyernes…”
Parang mas tahimik siyang magsalita kapag akala niyang walang nakakarinig.
“Sophia,” tawag niya maya-maya.
“Ikaw muna magluto bukas ha. Maaga akong aalis.”
Tumango ako kahit inaantok.
Tinuruan niya ako — maghiwa, maggisa, magpakulo.
Parang pagtuturo kung paano mabuhay.
Kinabukasan, nauna akong gumising.
Tahimik ang bahay. Wala ang ulan. Wala rin si Nanay.
Sinunod ko ang bilin niya.
Hinugasan ko ang mga gulay. Inihanda ang rekado.
Pagdating sa karne, napasimangot ako.
Iba ang amoy.
Panis na.
Saglit akong nag-isip.
Hindi ko na tinawag si Nanay.
Hindi ko na rin hinihintay ang utos.
Kinuha ko ang supot at itinapon iyon sa basurahan.
Mas mabuti nang alisin ang nabubulok na bago pa nito malason ang kakain.
Hindi ba?
Sa kusina namin, natutunan ko ang unang leksyon.
May mga bagay na hindi hinahayaan mabulok.
May mga tanong na kahit bawal, kailangan itanong.





