Alas-dose ng hatinggabi nang walang-ingay na nagbago ang mundo.
Walang lindol. Walang sirena. Walang balitang pumutol sa himpapawid.
Sa isang bahay, may ilaw na naiwan sa kusina.
Sa isa pa, may plantsang nakasaksak pa rin.
Sa isa naman, may selpon na patuloy ang pagtunog sa tabi ng kama, walang pumapansin.
Kinaumagahan, magigising ang mundo na may kulang.
Ngunit wala pang makatutukoy ng hamong kakaharapin nito. Subalit, susubok naman ako.
6:01 AM
Pagsapit ng umaga, unang nagising ang mga bagay sa bahay na umaasa sa presensya ng iba: mga ilaw na naiwan, mga kagamitang hindi naasikaso, at mga gawaing hindi natuloy.
Idinilat ko ang mga mata dahil sa patuloy na pag-iyak ng alarm sa telepono. Agad ko itong pinatahimik, ngunit may kakaibang katahimikan na pumalit sa kwartong dati’y napupuno na ng talak sa ganitong oras. Tumayo ako at iniwan ang kumot at mga unan na nakasalansan sa kama.
Pagkalabas ng kwarto, sinalubong ako ng kapatid kong papikit-pikit pa, nagkukusot ng muta at nakakunot ang noo; parang may mali sa umagang hindi pa namin kayang pangalanan.
Sa kusina, nakabukas pa ang mga ilaw. Tila sila’y kumikislap, halos mapundi, na para bang may hinahanap na liwanag na wala na roon. Hindi ang nakagigising na amoy ng bagong lutong almusal ang sumalubong sa amin kundi ang masangsang na singaw ng ulam na naiwan magdamag sa mesa. Patong-patong ang mga kaldero at plato sa lababo. Malamig ang kalan. Walang laman ang rice cooker. May alikabok sa sahig at simi sa mesa. Nakahanda ang aming mga baunan at tubigan — walang laman. Naka-hangerang mga uniporme — gusot at lukot-lukot.
Wala ring listahan ng mga dapat gawin, walang nagbibilin kung anong kailangang dalhin, walang nagpapaalala kung may nakalimutan ba kami. Ang umaga ay hindi lamang pala binubuo ng mga gawaing nakikita, kundi ng mga iniisip at inaalala bago pa man kami magising.
Doon bigla na lang sumingit sa isip ko na hindi pala basta-basta gumagalaw ang mga bagay na ito para mabuo ang isang umaga. Parang sandali akong napatigil , nalito ako kung bakit may kung anong hindi ko maipaliwanag.
9:00 AM
Sa una, inakala kong isa lamang itong karaniwang umaga… hanggang sa dalhin ng liwanag ang pagkawala palabas ng mga tahanan.
Tahimik ang pasilyo ng paaralan sa bawat hakbang ko. Walang bumabati ng “Magandang umaga!” Walang may dalang baon na puno ng kwento o tawanan. Walang ingay na kahit sa simpleng mga ngiti lamang ay umaalingawngaw sa bawat sulok.
Sa klasrum, malinis ang pisara. Walang nakahandang libro sa mesa ng guro. Bungi-bungi ang mga upuan, tanging mga tropa ko lamang ang masisilayan — bakas din ang pagtataka sa mga mukha. Walang nasisimulan sa mga pangkatang gawain; walang nagkukusa. Sa club room, walang nakatambay upang mag-organisa ng mga aktibidad. Iba ang pakiramdam ng kawalang ito.
Kailan pa naging ganito katahimik ang isang lugar na dati’y puno ng pagkatuto at buhay?
12:00 PM
Sa pagdating ng tanghali, hindi na maitatanggi ang kakulangan. Ang mga puwang ay nagsimulang magkaroon ng pangalan.
Tila wala akong mapapala kaya’t umuwi na ako. Sa ugong ng balita sa telebisyon, takang-taka ring naghatid ng impormasyon si kuyang mamamahayag. Ramdam na raw sa mga opisina ang pagbabago: maraming nars ang hindi dumating sa ospital, ilang empleyado sa admin ang nawawala, at ang simpleng proseso ng papeles ay bumagal nang husto. Walang sumasagot sa tawag ng mga telepono at sigaw ng mga boss. Kahit ang mamamahayag sa telebisyon ay nagtataka sa pagkawala ng kanyang “partner.”
May mga batang hindi naihatid sa paaralan. May mga sanggol na walang nagbabantay at nag-aalaga habang abala ang buong bahay sa paghabol sa oras. May mga panganay na dati’y tahimik na umaako ng responsibilidad, ngunit ngayo’y wala rin upang sumalo.
Kung narito pa rin ang mga gusali, ang mga mesa, at ang mga makina… sino ang nawawala upang tumigil ang lahat?
2:00 PM
Habang umiikot ang orasan, unti-unting napapansin ng lungsod na may mga trabahong hindi kayang ipagpaliban.
Marahil sa pagkagulo ng utak ay naisipan ko na lamang magtungo sa mall, magpalamig, at kumain. Subalit puno ng nakabinbing gawain ang mga restawran, walang nakaka-servenang maayos. Ni hindi ka makakakuha ng tamang sizeng sapatos sa mga bilihan. Ni hindi mahanap ang mga tamang bagay sa grocery, walang cashierna bukas at mapipilahan. Ang kaayusan ng araw ay tila nakabitin, nakasalalay sa mga kamay na hindi dumating.
Nakaramdam ako ng init sa ulo at pagkadismaya na hindi lang mula sa gutom o pagod, kundi mula sa unang pagkakataon ngayong araw ay napagtanto kong maraming bagay ang umiikot hindi dahil sa nakasanayang daloy, kundi dahil may mga taong tahimik na nagbubuhat sa bigat nito araw-araw.
Gaano karaming gawain ang nakatago sa likod ng isang ordinaryong araw sa lungsod? Kailan ko pa pala inakalang kusang nangyayari ang lahat ng ito?
6:00 PM
Pagsapit ng hapon, hindi na lamang serbisyo ang nawawala; wala na rin ang pakiramdam na mayroong nag-aalaga sa kaayusan ng araw.
Sa muli kong pag-uwi, mas nadama ko ang kakulangan. Wala nang nag-aayos ng hapag-kainan; tahimik ang pamilya — kung matatawag pa man itong “pamilya.” Ang dating masisiglang usapan ay napalitan ng kalungkutan at katahimikan. Ni hindi na maayos ang maliit na alitan naming magkapatid; siya’y nagkukubli sa galit habang unti-unting pumapasok ang kapanglawan sa aking dibdib. Ilang beses na pala kami iniligtas ng mga kamay na hindi man lang namin napansin?
9:00 PM
Sa paglubog ng araw, nagsimulang tumahimik ang mundo sa paraang hindi dulot ng gabi, kundi ng pagod ng isang araw na walang masandalan.
Umupo ako sa dulo ng kama ng aking kapatid habang siya’y humihikbi. Hindi ko alam kung paano siya patahanin. Wala akong matawagan, wala akong mahagkan, walang boses na makakapagsabi sa amin na magiging maayos din ang lahat. Sa unang pagkakataon, napansin kong ang katahimikan ay may bigat, parang may malaking bagay na nawala sa gitna ng bahay at walang makapuno sa puwang nito.
Sa buong araw, sinubukan naming magpatuloy ang mga gawain: pumasok, kumain, maghintay. Ngunit sa sandaling ito, malinaw na ang kakulangan ay hindi lamang sa trabaho o serbisyo.
May mga bagay palang nagpapatuloy sa isang tahanan hindi dahil sa tungkulin, kundi dahil may mga taong marunong magdala ng bigat ng iba. May mga taong tahimik na sumasalo sa lungkot, takot, at pagod na hindi kayang sabihin ng salita. May mga taong tahimik ding nag-iisip kung paano gagaan ang bawat araw bago pa man namin maramdaman ang bigat nito.
At ngayon, sa unang pagkakataon, nararamdaman ko ang bigat ng isang mundong wala ang mga babaeng matagal na pala naming sinasandalan nang hindi man lamang napapansin.
12:00 AM
Pagsapit muli ng hatinggabi, bumalik ang mga kababaihan.
Walang liwanag na sumabog sa langit. Walang opisyal na pahayag. Kinabukasan, muling may naghanda ng almusal, may nagbukas ng klinika, may nag-ayos ng silid-aralan, may nakinig sa mga kuwentong hindi kayang dalhin nang mag-isa. Nagpatuloy ang mundo na tila walang nangyari.
Gayunpaman, may ilan ding nakapansin: mas maingat nang nagsara ng pinto ang iba, mas matagal ang pasasalamat sa hapag-kainan, mas malinaw ang pag-unawa na ang kaayusan ng araw ay hindi kailanman kusang umiral. May mga sandaling napapatingin kami sa kusina, sa sala, sa mga pasilyo ng paaralan at sa mga mesa ng opisina. Unti-unti, nagsimula akong kumilos. Hindi na ako basta dumadaan; tumitigil na ako upang maghugas ng sariling pinagkainan, maglipit ng kalat na hindi naman ako ang may gawa, magtanong kung may maitutulong kahit hindi hinihingi. May mga sandaling hindi pa rin ako sigurado kung tama o sapat ang ginagawa ko, pero pinipili ko pa ring kumilos. Ngayon, malinaw na: may mga kamay na matagal na itong inaayos bago pa man napansin ang kaguluhan. At dahil kung may mga kamay na tahimik na bumubuo ng bawat araw, marahil panahon na ring maging isa ako — at tayo — sa mga iyon.
Sapagkat sa loob ng dalawampu’t apat na oras, nasilayan ng mundo ko kung gaano ito kabigat kapag wala sila at kung gaano kabilis gumagaan muli ang lahat sa sandaling may mga babaeng muling nagbubuhat sa mundong matagal na nating inakalang kusang umiikot.
Habang muling umandar ang mundo, may isang tanong na naiwan sa isip ko: Kung pasan na nila ang kalahati ng langit, bakit tila nakasanayan nating ipaubaya pa sa kanila ang buong bigat ng araw-araw?
Marahil hindi lamang pasasalamat ang utang natin sa kanila, kundi ang pagkatutong makibahagi sa mga pasaning matagal na nilang dinadala, kundi ang pagkatutong makita ang mga gawaing matagal na nating hindi napapansin at ang pagnanais na hindi na lamang ipaubaya sa kanila ang mga ito.
Marahil sa mga susunod na araw, hindi lamang natin dapat pansinin ang kanilang mga kamay, kundi matutong tumulong sa pagbubuhat ng mundong matagal na nating iniasa sa kanila.





