Sa Bawat Hakbang ng Pag-unlad, Isang Hakbang ng Pag-usog

Isinulat nina: Ace Banatao, Shielo Naluz, Marcus Santos, at Lynelle Soon

Mayaman ang Lupa…

“Nay, yung kalakal mong talong nandyan na!”

Sa gitna ng kabundukan sa Antipolo, Rizal,  matatagpuan ang Sitio Apia, Barangay Calawis, kung saan ang umaga ay nababalot ng hamog at ang lupa ay laging may bakas ng putik. Ang lupang ito ang nagbubunga ng mga kalakal na kanilang inilalako bilang hanap-buhay. Ito ang bungang-hininga ng lupang ninuno na sumisimbolo ng patuloy na pakikipag-ugnayan ng mga Dumagat-Remontado sa kanilang kapaligiran.

Bilang mga Tagalog na laking-Maynila, nakasanayan natin ang salitang kalakal bilang pambalana sa komersyo—sa palengke, sa bentahan, sa tubo. Ngunit para sa mga Dumagat-Remontado, ang yaman ay hindi lamang nililikha ng merkado kundi ng lupa. Ang kanilang kayamanan ay hindi iniipon; ito ay inaalagaan, inaani, at ibinabahagi. Ang kabuhayan nila ay buhay.

Ngunit ang yamang ito ng lupa ay hindi agarang nangangahulugan ng maginhawang buhay. Sa kabila ng kanilang mayamang lupain, patuloy na kinakaharap ng mga Dumagat-Remontado ang samu’t saring hamon sa lupa, edukasyon, kabuhayan, at kultura.

Ngunit Nanganganib ang Pagkakakilanlan…

Binubuo ng tatlong komunidad ang Sitio Apia; ang mga Dumagat na pansamantalang naninirahan sa Sitio Paglitaw at Sitio Malasya dahil naroroon ang pinakamalapit na pampublikong mataas na paaralan.Upang masamahan ang kanilang mga anak at apo, naglalakbay ang mga magulang nang ilang oras sa matarik na daan ng bundok kung saan ang putik ay minsan umaabot hanggang tuhod. 

Kung may bitbit silang kalakal, maaari silang sumakay ng kabayo, ngunit may katumbas itong mahigit anim na daang piso (₱600)—halagang dumadagdag sa bigat ng kanilang kabuhayan. Pagdating nila sa Sitio Apia, sila ay nangungupahan upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga anak dahil ang biyahe pabalik sa kanilang mga sitio ay mahaba at mapanganib para sa maliliit na bata. 

Sa paaralan naman, nagiging biktima ng pangungutya ang mga batang Dumagat dahil sa kanilang pagkakakilanlan, nagsisilbing mitsa sa kanilang pagtigil sa pag-aaral—isang tahimik ngunit malalim na sugat para sa kanilang kinabukasan.

Mula pa sa mga naunang henerasyon, paulit-ulit nang nararanasan ng komunidad ang ganitong uri ng  diskriminasyon. Dulot nito ay ang patuloy na panganib sa kanilang wika. Kakaunti na lamang ang marunong gumamit ng Padumagat, ang wikang katutubo ng mga Dumagat, matapos itong bansagang “usap matsing” ng mga hindi Dumagat. Maraming kabataan ang piniling talikuran ang sariling wika upang makaiwas sa pangungutya, sanhi ng unti-unting pagkawala ng kanilang identidad.

Bukod pa rito, nanganganib ding mabura ang kanilang tradisyunal na sayaw at iba pang anyo ng sining. Hindi na naipapasa ang mga ito sa mga nakababatang henerasyon. Gayunpaman, nananatili pa rin ang ilang kolektibong  kultura. Tuwing Pasko at Bagong Taon, nagdiriwang sila sa pamamagitan ng pagsasalo-salo sa handaan na may pansit, manok, at ani mula sa lupa. Mayroong inuman, kantahan, at sayawan. At minsan, sila rin ay  nagsisiga na may kasamang pakain at selebrasyon. 

Mayroon din silang tribal house kung saan sabay-sabay silang nanonood ng iba’t ibang midya. Sa mga ganitong sandali, muling nabubuo ang diwa ng kolektibo—isang patunay na sa kabila ng pagkawala ng ilang tradisyon, buhay pa rin ang kanilang pakikipagkapwa bilang komunidad. Ngunit ang mga natitirang hibla ng kulturang ito ay unti-unting nasasapawan ng interes ng korporasyon at ng puwersa ng modernisasyon sa Sitio Apia. Mula sa aming mga naging panayam sa kanila, marami sa kalalakihang Dumagat ang nagtatrabaho sa konstruksyon ng Wawa-Violago Dam, isang proyekto ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).

Layunin man umano ng MWSS ang magbigay ng karagdagang tubig para sa Metro Manila, malinaw na hindi makatao—ni hindi makatarungan—ang pananamantala sa mga Dumagat. Umaabot lamang sa humigit-kumulang limandaang piso (₱500) ang pang-araw-araw na sahod ng mga trabahador na Dumagat  kapalit ng labindalawang (12) oras nilang inilalaan sa paggawa. Marami rin sa kanila ang natatanggal sa trabaho dulot ng kawalan nila ng papeles—isa pang batayang serbisyong matagal  nang ipinagkait sa kanilang komunidad.

Higit pa rito, ang dam na inaasahang magdadala ng kaunlaran ay siya ring sumisira sa lupang pinagmumulan ng buhay ng mga Dumagat. May mga ulat ng paglabas ng mapaminsalang kemikal sa ilog kung saan sila naglalaba at naliligo, isang nakababahalang banta sa kanilang kalusugan. Ang tubig na dumadaloy patungong lungsod ay nagmumula sa lupang unti-unting winawasak sa kabundukan.

Dagdag pa rito, ang kakulangan ng pormal na dokumento, imprastraktura, at batayang serbisyo ay  patuloy na nagiging balakid sa pag-angkin ng mga Dumagat sa kanilang mga karapatan bilang mamamayan. Sa ganitong kalagayan, ang kanilang kalakal—maging ito man ay ani, lakas-paggawa, o kultura—ay patuloy na pinapakinabangan ngunit hindi pinahahalagahan.

Dahil sa Ngalan ng Pag-unlad, ay ang Pag-usog

Sa huli, ang kuwento ng mga Dumagat-Remontado sa Sitio Apia ay hindi lamang tungkol sa pakikibaka sa malalalim na putik o maiilap na serbisyong panlipunan; ito ay kuwento ng marangal na pagkapit sa lupang nagbibigay sa kanila ng buhay. Subalit habang lumalawak ang mga lungsod, ang mga Dumagat ay napipilitang “umusog” o lumikas palayo sa sentro ng kaunlaran at palapit sa mas liblib na bahagi ng kabundukan. Ang bawat hakbang paitaas ay isang masakit na paalala na ang paglayo sa kanilang lupang ninuno ay katumbas na rin ng pagkawalay sa kanilang nanganganib na wika, kultura, at identidad. Bagaman bahagi ng kaunlaran ang modernisasyon, ang kasalukuyang kalagayan ng mga Dumagat ay isang patuloy na tunggalian sa pagitan ng pagpapanatili ng sarili at ng puwersa ng asimilasyon. Ang tunay na hamon ay hindi lamang ang pisikal na pag-atras sa bundok, kundi ang panganib na maging dayuhan sila sa sarili nilang kultura habang pilit na sumasabay sa mundong madalas ay hindi kumikilala sa kanilang tunay na halaga. Pag-unlad para kanino?Hangga’t hindi kinikilala ang buhay ng mga Dumagat, mananatiling hungkag ang anumang proyektong tatawaging ‘pag-unlad’.

Pawns Strangled at the Pump: Filipinos and the Cost of a Dying World Order

Kung Biglang Mawawala ang Kababaihan sa Loob ng Dalawampu’t Apat na Oras

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *