Patuloy na makibaka, kamtin ang lipunang malaya


“Walang mawawala sa mga manggagawa kundi ang ating mga tanikala. May mundo tayong ipagwawagi. Mga manggagawa ng lahat ng bayan, magkaisa!” – Karl Marx, 1848.

Ngayong araw, kumilos ang mga manggagawa at mamamayan upang makibaka para sa ayuda, bakuna, trabaho, karapatan, at singilin ang administrasyong Duterte sa kriminal na kapabayaan at kapalpakan nito. Napakalinaw sa pagkilos kaninang umaga ang gutom, kahirapan, at sakit na nararanasan ng mamamayan sa isang nabubulok na lipunang lipos ng krisis at pagsasamantala.

Malalim na nakaugat ang panawagan ng mamamayan sa ayudang sapat para sa lahat sa krisis pang-ekonomiya. Sa gitna ng pandemya, milyon-milyon ang nawalan ng trabaho at walang sapat na kita. Samantala, hindi nakabubuhay ang sahod at ayuda ng gobyerno sa mga mamamayan habang busog ang bulsa ni Duterte sa lampas P4-Trilyong inutang niya at ipinamahagi sa mga kakampi ng diktadura.

Ang pagdagsa ng mga manggagawa at lahat ng demokratikong grupo at sektor upang militanteng gunitain ang Mayo Uno ay ebidensya na nabubulok na ang diktadura ni Duterte at paninibasib ng mga dayuhang mangangamkam ng ating kayamanan. Isa lamang itong paghahatol ng manggagawa at mamamayan sa mga krimen at inutang na dugo ni Duterte sa limang taon.



Natitiyak na hanggang nananatili ang mekanismo ng pagsasamantala — ang pribadong pagmamay-ari ng ekonomiya at sistemang sahuran — araw-araw na nahihinog ang mga kondisyon upang padagundungin ang pag-aaklas ng mga manggagawa at lagutin ang kanilang tanikala. Natitiyak din na makikiisa ang lahat ng demokratikong sektor at grupo na nais lumaya at waksan ang pagsasamantala sa pagsulong ng pakikibaka ng hukbong mapagpalaya, ang uring manggagawa.

Patuloy na makikibaka ang uring manggagawa upang ibaba kay Duterte ang hatol ng sambayanang maghuhukom sa kanya. Tangan nila ang mga masong gigiba sa bulok na lipunan at magpapanday ng panibago na walang pagsasamantala sa mga manggagawa.

Sa ngalan ng mga Manny Asuncion at Dandy Miguel na kinitil ng mga pwersa ng terorismo ng estado, akma ang materyal na kondisyon upang sumulong ang pakikibaka ng uring manggagawa sa tagumpay. Bagaman mulat na hinarang ng mga tagapatanggol ng bulok na sistema (i.e. ang kapulisan) ang programa sa ikutang Welcome Rotonda kanina, ang araw-araw na krisis, at pasista-teroristang tugon ng estado, ang magluluwal pa sa mas maraming Manny Asuncion at Dandy Miguel.

Mulat ang manggagawa na isa si Duterte sa nagpapanatili ng tanikala. Kasama niya ang imperyalismong US at China na sumasamsam sa ating yaman. Subalit, magbabangon ang uring manggagawa upang lagutin ang tanikala, maningil ng pautang, at bawiin ang sinamsam na yamang kanilang nililikha—sapagkat ang proletaryo ang makinarya ng martsa ng kasaysayan na hindi mapipigilan ng diktadura.

Mula ngayong araw, tunay na tatalima ang manggagawa sa prinsipyong “magbigay batay sa kakayahan, kumuha batay sa pangangailangan.” Sapagkat, ibibigay ng manggagawa ang buong kakayahan upang makamit ang lipunang kinakailangan.

At magsisimula ito sa pagbagsak ng rehimeng Duterte — ang numero unong terorista at kontra-manggagawa sa Pilipinas. Kaya, makibaka na!

Editorial cartoon by Kate Gotis.

Youth orgs decry use of swab testing to abduct gov’t critics

Tagapagbalita, hindi mga teroristang lalagot sa tanikala

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *