Nakasalig ang mga mamamahayag sa hindi mapasusubaliang katotohanan—ang karanasan ng sambayanan.
Araw-araw nananatili ang panganib na nakaamba sa mga mamamahayag—pamamaslang, paniniktik, pag-aresto, kaso, at pagpapatahimik ng estado. Ito ang mga tanikalang humahadlang na ipahayag ang katotohanan.
Sa ilalim ng administrasyong Duterte, naging mas mapanganib ang klimang politikal para sa ating lahat. Unti-unti rin nitong pinakikitid ang espasyo ng malayang pamamahayag.
Ngayong tumitindi krisis, ang katotohanan, marapat lamang na magbalikwas ang mga mamamahayag–bansagan mang terorista–upang magbalita at ibunyag ang katotohanan. Kagyat nating tungkuling magbalita, magsuri, pumuna, at kumilos tulak ng pangangailangan ng panahon.
Sa panahong pinatatahimik, literal at piguratibo, ng diktadura ang pamamahayag, nararapat lamang ang mag-ingay. Sapagkat patay ang bayang walang nagsasalita at wasto ang magsalita sa bayang pinapatay.
Panahon na upang tanungin natin kung para kanino ang ating panulat. Panahon na upang patalasin natin ang dulo ng mga panulat upang makisangkot ito sa digmaan ng mga salita, sa digmaan ng propaganda, upang manaig ang katotohanan at kalayaan.
Dapat tayong sumulat upang magpaliwanag, magpakilos, at magpalaya! Dapat na nating kalagin ang tanikala at para tayo’y lumaya, hindi lang sa salita.
Artwork by Kate Gotis.