Ikubli man ang kasalanan; damitan man ng anumang pangalan at sandamakmak na parangal, ang berdugo ay berdugo pa rin.
Ang pa-despedida ni Mañanita King Debold Sinas ay pag-aresto sa pitong aktibista — lider-kabataan, lider-masa, magsasaka, at katutubo — sa Southern Tagalog at Bicol. Patunay na wala namang ibang “ambag” ang heneral kundi maghasik ng panunupil para sa kanyang amo na si Pangulong Duterte.
Sa unang araw ng pagreretiro ni dating PNP Chief Gen. Debold Sinas, alalahanin natin ang kanyang mga kasalanan at krimen. Siya ay matapat na nagtaguyod at humimok ng karahasan sa kanyang panahon bilang pulis na may mantrang “serve and protect”. Ngunit ang kanilang pinagsisilbihan at pinoprotektahan ay ang madugong rehimeng Duterte at ang namamayaning bulok na sistema.
Mula 2018 hanggang 2019 ay naging matunog si Sinas sa Central Visayas nang pamunuan at patindihin nito ang noon ay binabatikos ng oplan tokhang. Isiniwalat noon ni Mayor Osmeña na sa ilalim ni Sinas, na noo’y hepe ng Central Visayas PNP, naging madugo ang operasyon ng pulisya. Kabilang rito ang napatay ang isang barangay kagawad, dalawang ahente ng PDEA, at isang walang muwang na bata sa isinagawang tokhang sa lugar.
Napatay rin sa magkaparehong operasyon ang nasa 20 kataong sa sumunod na mga buwan, ayon sa mga balita. (Basahin: https://tinyurl.com/Sinas-Sins)
Nasundan pa ang paglabag sa karapatang pantao nang bigyang katwiran ng pamahalaang Duterte ang pamamaslang. 2018 nang isabatas ang Memorandum Order 32 kasabay ng Synchronized Enhanced Managing of Police Operations (SEMPO) at Oplan Sauron sa pangangasiwa ni Sinas kung saan naging talamak ang patayan sa mga kritiko ng gobyerno at sibilyan sa probinsya ng Negros.
Sa pamumuno rin ni Sinas, serye ng mga masaker, sa tabing ng anti-komunismo, ang nasaksihan ng Negros sa mga bayan ng Guihulngan, Sagay, at Kanlaon. Sa bisa rin ng MO32, higit 50 mga kritiko ng gobyerno ang inaresto at tinaniman ng ebidensya batay sa mga gawa-gawang search warrant na pinirmahan ni Judge Cecilyn Burgos-Villavert ng Quezon City Regional Trial Court. (Basahin: https://tinyurl.com/MO32-Timeline)
Karumal-dumal din na pinaslang ang magiting na abogado ng bayan na si Atty. Ben Ramos noong Nobyembre, 2018. Marso 2019 naman nang minasaker ng kapulisan ang 14 na magsasaka sa Canlaon, Negros Oriental sa taktikang “paratang” para katwiranan ang pamamaslang ng pwersang pulis at militar. Biktima rin ng masaker si Councilor Toto Patigas ng Escalante Abril ng parehong taon.
Naipoposisyon ang berdugo ayon sa atas ng Pangulo. Hindi na bago sa kasaysayan ng bansa ang promosyon sa mga kapulisan o kasundaluhan na nakapatay nang maraming kritiko ng sinumang rehimen. Taong 2006 nang dukutin ng mga militar ang dalawang Iskolar ng Bayan na sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan sa Hagonoy, Bulacan na noon ay nagsasagawa ng tesis ukol sa pakikibaka ng mga magsasaka. Sa halip na panagutin si Maj. Jovito Palparan ay hinirang pa ni Gloria Arroyo bilang pinakamahusay na sundalo ng kanyang rehimen. Si Sinas ay itinalaga rin ni Duterte matapos itong nagtagumpay sa pamamaslang.
Taong 2019 nang ilipat kay Sinas ang operasyon sa Maynila para iligal na manghuli ng kritiko. Madaling araw nang salakayin at taniman ng ebidensya ang tahanan ng limang aktibista sa Tondo, Maynila. Abril ng 2020, nang paulanan ng bala si Winston Ragos dahil lamang sa paglabag nito sa kwarantina. Depensa ng pamunuan nila Sinas ito ay tipo lang ng kanilang depensa. Kasangkot din siya sa harassment at trespassing sa lugar ng pamilya Delos Santos na inaangkin ng PNP sa Taguig bilang bahagi diumano ng kampo nila.
Disyembre 2020, nang iligal na inaresto ang pitong aktibista kasama ang isang mamamahayag sa hiwalay na mga lugar sa Maynila. Walang pagsisisi sa mga nangyari. Ito ang tindig ni Sinas at ng mimsong pamahalaang Duterte. Katunayan, walang habas na nanghuli ang PNP sa ilalim ni Sinas ng mga maralita nakalabag sa militaristikong lockdown ni Duterte bunsod ng kagutuman sa gitna ng pandemya na walang ayuda, at kongkretong planong medikal, at aksesible’t makamasang serbisyo pampubliko.
Higit sa mañanita, nasa mga kamay ni Sinas ang dugo ng napakaraming mamamayan na kanyang pinatahimik, pinatay man o inaresto, habang sila ni Duterte ay nagbubunyi sa pag-uululan na siya ay isang “good cop” kahit pa sa katunayan, siya ay isang terorista — ang katotohanang dapat laging maibunyag.
Artwork by Kate Gotis.