Tipikal lamang na magdiwang ang mga guro tuwing nakikita nila ang kanilang mga estudyante na magtatapos na sa kanilang ilang taong pagsusumikap sa pag-aaral. Ngunit halo-halo ang nararamdamang emosyon ni Teacher Ando ngayong nalalapit na ang graduation ng mga kabataang Lumad, at tuwing naaalala niya ang mga pang-aabusong ginawa at kasalukuyang ginagawa pa rin ng administrasyong Duterte sa kanila.
“Wala namang dapat nagbabakwit,” sabi niya.
Nagboluntaryo si Teacher Ando na magturo para sa mga nagbakwit na Lumad sa Maynila noong 2019. Aniya, plinano niya talagang manatili lamang ng ilang buwan sa pagtuturo, hanggang sa umabot ito ng dalawang taon.
“Ang una kong naging struggle [sa pagtuturo] ay ang language barrier talaga. Siyempre, hindi ako from Mindanao talaga. Iba yung pag-aaral [sa bakwit school] dahil kailangan mong ikonekta ang konsepto sa mga karanasan ng estudyante sa larangan ng agrikultura at health,” lahad niya.
Dagdag pa ni Teacher Ando na iba talaga ang karanasan hindi lang sa pagtuturo kung hindi pati ang pag-aaral mismo ng kanyang mga estudyanteng Lumad. “Kung ako nag-aaral dati, iniisip ko makaangat sa ibang mga kaklase ko, sa bakwit school hindi. Kailangan collective ang pag-aaral. Kapag mali, pinupuna agad maging teacher ka man.”
Diniin niya na mahirap talikuran ang inhustisya na nangyayari sa mga Lumad. Bagama’t mabigat na desisyon ang pananatili niyang magturo, hindi niya mapipikitan ang mga pagpaslang tulad na lamang ng nangyaring Lianga Massacre noong Hunyo 15 kung saan pinatay ang tatlong Lumad-Manobo kasama ang isang 12 taong gulang mag-aaral sa Surigao del Sur. Ginamit pa ng militar ang kanilang pagkamatay bilang propaganda at pinangalanan pa silang mga rebelde kahit ang tatlong walang habas na binaril ay ‘di hamak lamang na mga magsasaka.
Ayon sa Save Our Schools (SOS) network, nasa 30 na lamang ang mga estudyanteng magmamartsa sa kabuuan ng mga paaralang Lumad. Mula sa 215 na paaralan, 178 ang pilit na ipinasara ng estado. Nasa 8,000 sanang mga mag-aaral ang sabay-sabay na aakyat ng baitang o magsisipagtapos ngayong taon ngunit hindi na sila makakapagpatuloy ng pag-aaral.
“Kaya naman nagkaroon ng bakwit school ay dahil sa pag-intensify ng attacks ng estado. Sinasabi ng gobyerno na magproprovide daw sila ng education pero nababalitaan na lang namin sa dating mga estudyante ng Lumad schools na sila ay nag-asawa na o kaya nagtrabaho na sa ibang lugar kasi hindi kayang magprovide ng mga magulang nila sa kanilang pag-aaral,” dagdag ni Beverly Gofredo ng SOS.
Sa sobrang laking dagok ng pandemya at ng kahirapang mag-operate sa gitna ng remote learning, mababa pa sa 1% ang mga kabataang Lumad na makakapagtapos ng pag-aaral, kung kaya’t hindi matiyak ni Teacher Ando ang nararamdaman sa nalalapit na graduation ng kanyang mga estudyante.
“Hindi ka totally masaya kasi ang daming na-left out na students at ang daming nagsarang schools. Ang hirap maging masaya pero at the other side naman, ito na. Dito, umaasa kaming mas maririnig kami ng tao na kahit na ganoon ang naranasan ng bakwit school sa isang buong school year, nagpapatuloy kami,” sabi ng volunteer teacher.
Giniit rin ng guro na dapat hindi ganito ang nangyayari sa kahit na sinong estudyante. Kaya naman panawagan niya na tuluyan nang wakasan ang madugong pamamalakad ni Duterte upang mawakasan na rin ang sunod-sunod na mga atake sa mga Lumad at makapag-aral na nang payapa ang mga kabataang layunin lamang na protektahan ang kanilang lupang ninuno.
“Ang dami nang nangyari. Ang dami nang pagpatay. Sobra na. Wakasan na,” ani Teacher Ando
Militanteng sasalubungin ng bawat guro at mag-aaral ng mga bakwit schools ang nalalapit na graduation sa Hulyo 17 at napapanahon lamang na pagpugayan ang patuloy na paggiit ng mga Lumad para sa kanilang karapatan, hindi lang makapag-aral, kung hindi manatili rin sa kanilang mga komunidad.
“Madasigon,” bitaw ni Teacher Ando. “May takot man akong nararamdaman, laban lang!”
Art by Kate Gotis