Paano kung pwedeng markahan ng masa ang gobyerno nito gaya ng ginagawa sa mga estudyante sa paaralan?
Sa loob ng limang taon, hindi lingid sa kaalaman ng lahat ang kapabayaan at kapalpakan na ipinapakalat ng administrasyong Duterte sa pamahalaan, at nananatiling si Duterte ang nasa likod nitong lahat. Sapagkat nalalapit na naman ang kanyang SONA, nararapat lamang na kilatisin ang mga ginawa ng rehimeng Duterte at bigyan ito ng akmang marka mula sa taumbayan.
Upang pangunahan ang pamimigay ng marka sa pangulo, nararapat lamang na unang dinggin ang sektor ng edukasyon bilang isa sa mga primaryang biktima ng pananamantala ng administrasyong Duterte.
Magandang simulan ang diskusyon sa pagpasa ng administrasyong Duterte sa batas na ginagawang libre ang pag-aaral sa mga pampublkong pamantasan: Ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
UNANG PROYEKTO: EDUKASYONG HINDI PARA SA LAHAT
Subalit, nakapanlulumong isipin na dito rin nagtatapos ang usapin ukol sa kanyang “ambag.” Bagaman mahalagang hakbangin ang naturang batas, hindi pa rin ito sapat para tugunan ang inaksesibilidad ng edukasyon na isa sa mga pinakamatinding sakit ng edukasyon sa Pilipinas.
Sa ilalim ng rehimeng Duterte, lalo lamang tumindi ang pagiging inakeksisble ng edukasyon sa bansa. Upang makita ang pangunahing manipestasyon nito, tinataya ng Philippine Statistics Authority (PSA) na 3.6 milyon ang bilang ng mga kabataang out-of-school noong 2018.
Kahit na tatlong taon pa lamang ang nakalilipas mula sa pag-aaral ng PSA, hindi maitatanggi na dumami ang mga kabataang hindi makapag-aral ngayon, lalo na’t pinaigting ng pandemya ang kahirapan sa pag-aaral sa bansa. Bunsod ng remote learning, humigit-kumulang 2.3 milyong kabataan ang hindi nakapag-enrol nitong nakaraang taon at kagimbal-gimbal na wala pa ring kongkretong aksyon ang pamahalaan para mapanumbalik ang face-to-face classes.
Liban sa mga talamak na kahirapang dulot ng remote learning, pumapatong din ang hamon ng pagtaas ng tuition sa ilang mga paaralan sa kalagitnaan ng pandemya. Ayon mismo sa Commission on Higher Education (CHED), walumpu’t siyam na paaralan ang humingi ng pagpapataas sa tuition para sa nagdaang taong panuruan.
Sa kabilang dako, bidang-bida rin ang problema sa pagkakaltas, pagkakapos, at paglulustay ng pondo para sa sektor ng edukasyon kung kaya’t umiigting din ang inaksesibilidad ng edukasyon ng bansa. Noong 2019, nakatanggap ang CHED ng P11.6 milyong kaltas sa pondo nito. Hindi rin naging sapat ang inilaang pondo para sa remote learning, kahit na isa ang sektor ng edukasyon sa may pinakamataas na pondo sa bansa.
Subalit, nananatiling puno’t dulo ng inaksesibilidad ng edukasyon sa bansa ang malawakang kahirapan. Kahit na kilalaning karapatan ang edukasyon, hindi maikakaila na uunahin pa rin ng mga estudyante ang kanilang kumakalam na tiyan kaysa pumasok sa paaralan.
Hangga’t hindi nareresolba ang isyu ng kahirapan sa bansa, lalo lamang titindi ang kahirapan ng pag-aaral para sa karamihan ng mga kabataang Pilipino. Kaugnay nito, may problema pa ring kinakaharap ang mga may abilidad makapag-aral hinggil naman sa kalidad ng kanilang edukasyon.
IKALAWANG PROYEKTO: MGA BALAKID SA KALIDAD
Gaya ng nabanggit, dahilan din ang panay na pagkaltas sa pondo ng edukasyon kung kaya’t apektado ang mga operasyong nagpapabuti sa kalidad nito. Noong 2020, umugong ang balita ukol sa pagkaltas ng P76 milyon sa pondo ng Department of Science and Technology na lubhang nagpahirap sa sari-saring programa ng bansa para sa agham at teknolohiya.
Maliban dito, apektado rin ng pagkakaltas sa pondo ang libo-libong guro ng Pilipinas sapagkat hindi sapat ang kanilang suweldo para sa trabahong kanilang isinasagawa. Nitong Hulyo 8 lamang, inilunsad ng mga guro, kasama ang Alliance of Concerned Teachers, ang kanilang panawagan para sa pagpapataas ng kanilang suweldo lalo na’t “ipinangako” ng pangulo na dodoblehin ang kanilang mga sahod.
Buhat ng kawalan ng sapat na pondo para sa sektor ng edukasyon, hindi nakapagtatakang nasa laylayan ang kalidad ng edukasyon ng Pilipinas kumpara sa mga ibang bansa. Sa isang pag-aaral ng Programme for International Student Assessment noong 2018, isa ang Pilipinas sa mga pinakamababang bansa pagdating sa kasanayan ng mga mag-aaral nito sa pagbabasa, matematika, at agham.
Maski ang World Bank ay naglabas din ng pahayag ukol sa lumalalang kalidad ng edukasyon sa bansa, subalit “binawi” nila ito matapos umalma sila Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones sa naturang ulat. Kahit na pilit tanggihan ni Briones ang realidad, hindi pa rin mawawala ang bulok na sistema ng edukasyon sa bansa hangga’t patuloy itong pinaiiral ng mga nakatataas, kasama na ang World Bank.
Upang ipakita sa administrasyong ito ang katotohanan ng palyadong edukasyon sa bansa, kailangan lamang tingnan ang resulta ng pagpapatuloy ni Duterte sa programang K-12 kahit na ilang beses itong tinutulan ng mismong mga mag-aaral at guro ng bansa. Hindi pa rin pinapanagutan ng pamahalaan ang mga kabataang pinaniwala na makapagtatrabaho kaagad pagkatapos ng Senior High School, sapagkat ginagawa lamang silang murang lakas-panggawa para sa mga dayuhang korporasyon ng K-12.
Mahalaga ring tanawin ang mga problematikong modyul na naglabasan ngayong pandemya bilang manipestasyon ng nawawalang kalidad sa remote learning. Iba’t ibang uri ng modyul ang isinawalat ng mga Pilipino gaya ng mga modyul na tinuturo ang mababang pagtingin sa mga kababaihan at katutubo, at masamang paglalarawan sa mga aktibista.
IKATLONG PROYEKTO: PINAKAMAHUSAY SA PAMUMULIS NG MGA PAARALAN
Hindi natatangi ang nabanggit na modyul sa mga hakbanging tinahak ng administrasyong Duterte para hubugin ang pagtanaw ng publiko sa mga aktibista. Sa kabuuan ng kanyang pamamahala, hindi tumigil ang mga aktibista’t kritiko ni Duterte sa paniningil ng katarungan sa paglalapastangan nito sa sambayanang Pilipino.
Kasabay nito, buong puwersa namang pinapatahimik ng pangulo ang bawat boses na sumisiwalat sa kanyang mga kamalian, at isa ang edukasyon sa mga primaryang paraan niya para dito. Sa halip na maging mapagpalaya, naging tanikala ang edukasyon para sa mga kritikal na estudyante dahil kay Duterte.
Sa kasalukuyan, sobrang talamak ng red-tagging sa mga kabataan-estudyanteng pinupuna ang pamahalaan dahil sa mga pagkukulang nito. Sa ilalim ng administrasyong Duterte, sari-sari ang mga programang ipinatupad sa sektor ng edukasyon para lamang supilin ang kalayaan nito.
Nangunguna rito ang pagpapatupad ng Anti-Terror Law noong 2020 na nilalagay sa panganib ang buhay ng mga kabataang kritikal dahil sa banta ng pagiging “terorista.” Hindi rin maikakaila ang pagpasa ng Kongreso sa batas na ginagawang sapilitan ang programang Reserve Officers Training Course (ROTC) sa Senior High School noong 2019, kahit na talamak sa naturang programa ang karahasan na nagdulot ng kamatayan ng ilang estudyante.
Naging maugong din ang isyu ng walang batayang, sarilinang pagbabasura ng Department of National Defense (DND) sa UP-DND Accord, na nagbabawal sa pagpasok ng mga puwersa ng estado sa kampus ng pamantasan. Inaabuso rin ng estado ang programang National Service Training Program (NSTP) upang mapalaganap ang kanilang propaganda laban sa mga aktibista, gaya ng isinagawa nilang red-tagging sa isang NSTP webinar sa Cavite State University noong 2020.
Higit sa lahat, dapat balikan ang lantarang panunupil at pang-aatake ng administrasyong Duterte sa mga paaralang Lumad. Noong 2017, mismong pangulo ang nagbanta sa mga Lumad na ipabobomba niya ang mga paaralan nito dahil tinuturuan daw lamang silang magrebelde, at pinanindigan ito ng pangulo noong 2018 nang bombahin ng mga sundalo ang Talaingod, Davao del Norte kung saan nakatayo ang isang paaralang Lumad.
Liban sa pandarahas, hindi rin nakaligtas ang mga Lumad sa pang-aabuso ng administrasyong Duterte nang ipasara ng DepEd ang 55 na paaralang Lumad dahil sa pangamba na tinuturuan ang mga kabataang Lumad ng mga ideolohiyang “kumokontra” sa gobyerno. Sa kasalukuyan, patuloy ang pakikipagsapalaran at pakikipaglaban ng mga Lumad para sa kanilang karapatan sa edukasyon, na kamakailan lamang ay matagumpay na idinaos ang seremonya ng kanilang pagtatapos.
Dagdag pa rito, hindi rin dapat kalimutan ang mga kabataang naging biktima sa madugong War on Drugs ng administrasyong Duterte, gaya nila Kian Delos Santos at Carl Arnaiz. Sa mga nabanggit, napakalinaw ng intensyon ni Duterte na sugpuin ang kakayahang maging matalas at mapanuri ng mga mag-aaral dahil sa takot nito sa mga mamamayang kritikal.
ANG HULING HATOL: KAILANGANG IBAGSAK SI DUTERTE
Sa kabuuan ng kanyang administrasyon, kitang-kita ang pagmamaliit at paniniil ni Duterte sa edukasyon ng bansa. Matatanaw rin ang aktibong pagpigil nito sa kakayahan ng edukasyon na baguhin ang lipunan para sa ikabubuti ng lahat, gaya na lamang ng sitwasyon ng mga Lumad.
Kung susuriin, nakaugat pa rin ang mga nabanggit na problemang ng sektor ng edukasyon sa tatlong, nabubulok na oryentasyon nito—ang komersyalisado, kolonyal, at anti-demokratikong edukasyong ipinapalawig nila Duterte at Briones sa buong bansa.
Hangga’t ganito ang oryentasyon ng edukasyon natin, hindi aangat ang antas ng pamumuhay ng mga Pilipino kahit na magtrabaho ito nang sobra-sobra. At upang mawakasan na ito, isang malaking hakbang ang pagpapatalsik kay Duterte at sa mga alipores nito sa puwesto sapagkat sila rin mismo ang nagpapatibay ng mga polisiyang pumapabor sa bulok na estado ng edukasyon sa bansa.
Bunsod nito, hindi na magiging mahirap ang pagdedesisyon sa ibibigay na marka kay Duterte, lalo na’t sobra-sobra na ang limang taon ng kanyang pagpapatakbo ng edukasyon sa bansa. Kung gagamitin ang sistema ng pagmamarka sa UP, wala nang ibang dapat ibigay kay Duterte kundi singko lamang—ang katumbas ng bagsak at pinakamababang grado.
Kadalasan, kinakausap muna ang mga estudyanteng nakatatanggap ng bagsak na marka sa paaralan, ngunit hindi na ito maaaring gawin pa kay Duterte. Nagkaroon na siya ng sapat na panahon para tunay na pagsilbihan ang sektor ng edukasyon sa bansa, subalit lalo lamang sumasama ang kanyang pagpapahalaga rito sa paglipas ng bawat taon.
Kasama ang kanyang bagsak na marka, nararapat lamang din na patalsikin na siya sa kanyang puwesto kahit na patapos na ang kanyang termino. Hindi na maaaring tumagal pa nang isang taon ang pagpapahirap ni Duterte sa mga Pilipino, lalo na sa sektor ng edukasyon.
Sa madaling salita, si Duterte mismo ang pangunahing hadlang sa pagpapaunlad ng edukasyon sa bansa.
Featured image courtesy of AP News.