“Hangga’t marami ang lugmok sa kahirapan
At ang hustisya ay para lang sa mayaman”
Kilala ang dalawang linyang ito mula sa kantang “Tatsulok” na binuo ni Rom Dongeto na unang kinanta ng bandang Buklod noong 1991 at naging mas tanyag nang kantahin ni Bamboo. Tatlumpung taon na ang nakalipas at hanggang ngayo’y naiaangkop pa rin sa sitwasyon ng Pilipinas ang kantang ito. Wala namang nagbago sa 30 taon na iyon dahil nabubuhay pa rin ang tatsulok na tinutukoy ni Rom. Ang pinagkaiba lamang ay mas lalo pang nalugmok ang nasa ibaba habang mas umaangat pa ang mga nasa itaas.
Mayaman ang Pilipinas ngunit naghihirap ang sambayanang Pilipino — walang trabaho, walang makain, walang pang-gastos sa araw-araw. Mapapatanong ka na lang talaga ng Bakit? Bakit? Bakit?
Paano ang mahihirap ngayong may pandemya? Paano ang kanilang mga kabuhayang ipinasara at ipinatigil, pati ang kanilang mga maliliit na ‘raket’ para kumita? Saan sila kukuha ng perang bubuhay sa kanilang mga sarili at sa kanilang pamilya?
Nagkaroon ng tinatawag na Social Amelioration Program (SAP) ang gobyerno na naglalayong tumulong sa mga pamilyang naapektuhan ang trabaho at kita ngayong pandemya. Hindi man kalakihan ang ayuda, malaking tulong pa rin ito lalo na sa mga walang-wala talaga.
Ang programang ito na hawak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay lubusan at maingat daw na isinasagawa. Bilyon-bilyon ang pondo para dito kaya’t natural na isipin nating lahat na gano’n din karami ang matutulungan nito.
‘Di mo sure!
Bagama’t sinasabing maayos at organisado ang pagtanggap ng SAP, marami pa ring mga benepisyaryo ang hindi nakakakuha. At kung sino pa ang pinaka-nangangailangan, sila pa ang nagmimistulang nganga. Kung sino pa ang nasa rurok ng kahirapan, ang may higit sa limang bibig ang kailangang pakainin, sila pa ang walang nakuha.
Kwinestyon ng Commission on Audit (COA) ang DSWD sa mga pondo ng SAP na hindi nagastos at hindi napatunayang nagamit nang maayos. Lagpas 780 milyong piso ang hindi nagastos at 4.3 bilyong piso naman ang unliquidated. Ayon naman sa ulat ng COA para sa taong 2020, maraming mga rehiyon ang hindi sinusuri ng maayos ang mga indibidwal na nabebenepisyuhan ng SAP.
Dagdag pa dito, mayroong mga indibidwal na kabilang sa masterlist na hindi naman pala kwalipikado. Ang 780 milyong pisong hindi nagastos ay kaya pa sanang tumulong sa 139,000 na pamilyang mahihirap na siyang pinaka-kwalipikado.
Sinabi rin ng COA na maraming pagkukulang at pagkakamali sa pamimigay ng SAP at iba pang mga ayuda sa mga rehiyon. Kawalan ng maayos na daloy ng impormasyon, biglaang pagbabago sa mga dokumento, kulang na petsa at iba pang mahahalagang detalye ang ilan pa sa mga kwinestyon ng COA.
Talagang mapapatanong ka kung nasaan ang integridad ng mga taong nasa likod ng pangyayaring ito. Kung tapat ba nilang ginagawa ang kanilang mga trabaho, hindi rin natin alam. Sa pagkalat ng balitang ito, nagkalat rin ang pagdududa at pagkagalit. Ang dami pa sanang natulungan, ang dami sanang nakakain, ang dami sanang may hawak na perang magagamit sa oras ng pangangailangan.
Mayaman ang Pilipinas ngunit naghihirap ang sambayanang Pilipino — walang trabaho, walang makain, walang pang-gastos sa araw-araw. Mapapatanong ka na lang talaga ng Bakit? Bakit? Bakit?
Ah, alam ko na.
Mahirap ang sambayanang Pilipino dahil sa mga nasa itaas ng tatsulok. Silang mga ibinulsa ang pera ng taumbayan para sa kanilang personal na interes.
Mahirap ang sambayanang Pilipino dahil pinagsamantalahan tayo ng mga sakim at sabik sa kapangyarihan. Habang karamihan ay nagugutom, sila’y busog sa salaping hindi naman sa kanila. Habang ang mga pamilyang mahirap ay araw-araw na humahanap ng pagkakakitaan, sila nama’y naghahanap ng pagtataguan ng perang nadukot nila sa kaban ng bayan. Kahit anong pagtatrabaho’t pagsisikap, hindi pa rin makaangat sa kahirapan sapagkat biktima ang mga Pilipino ng piyudalismo, imperyalismo, at kapitalismo. Ang yumayaman sa ating pagkayod ay hindi tayo kundi silang mga mapagsamantala. Tayo’y mga alipin sa ating sariling bayan at alipin ng ating mga kapwa Pilipino.
Mayaman ang Pilipinas ngunit naghihirap ang sambayanang Pilipino. Ironic, hindi ba?
Ang hamon sa atin ng pandemya ay hindi ang lutasin ang kahirapan at iba pang mga problema ng bansa. Ang hamon sa atin ay ang punahin ang bawat pagkakamali ng mga taong ang trabaho’y lutasin ang mga problemang ito para sa atin. Sila’y binoto hindi para pagsilbihan, ngunit para magsilbi. Hindi sila mga hari o mga artista kundi empleyado ng sambayanang Pilipino. Hanggang kailan pa ba tayo madurusa’t magtitiis dahil sa kapabayaan nila?
Buksan mo ang iyong mga mata at pakinggan mo ang sigaw ng masa: TAMA NA!
“Habang may tatsulok, at sila ang nasa tuktok
‘Di matatapos itong gulo.”
Featured image courtesy of BenarNews.