Ngayong ika-30 ng Agosto ay ipinagdiriwang ang ika-79 na Araw ng mga Bayani sa ating bansa bilang pagpupugay sa mga Pilipinong hindi lamang nagbuwis ng buhay para sa ating kalayaan, kung hindi pagpupugay pati sa mga mamamayang buong-pusong nagsasakripisyo para sa ikauunlad at ikabubuti ng Pilipinas.
Sa kabila ng pagdiriwang na ito, patuloy lamang na pinipili ng administrasyong Duterte ang pagiging kontrabida sa naratibo ng lipunan. Mula sa panghahamak at paniniil sa kabataan, health workers at frontliners, at pati sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), hanggang sa pagpigil sa mga makabagong bayani ng bansa na silang tatamo sa pangarap ng magandang kinabukasan sa Pilipinas.
Isa sa pinakabagong paandar ng kontrabidang administrasyon ay ang pagkaltas nito ng 44% sa P36.5 bilyon sa pondo ng UP sa panukalang 2022 badyet na ipinasa ng Kagawaran ng Pagbabadyet at Pamamahala noong ika-23 ng Agosto. Malinaw na ang pagkaltas na ito ay hindi lamang patunay ng baluktot na prayoridad ng pangulo sa pangangailangan ng bansa, kung hindi ay isa ring personal at desperadong pagtatangkang patahimikin ang komunidad ng pamantasan.
Kung titingnan, isa sa pinakamalaking maaapektuhan sa pagkaltas na ito ay ang Philippine General Hospital (PGH) na siyang pinakamalaking COVID-19 referral center sa bansa at ang Philippine Genome Center na nangunguna sa mga pananaliksik kaugnay sa kasalukuyang pandemya. Bagaman parte ng sektor pangkalusugan, ang mga ito ay nakapasailalim at parte ng pondo ng UP.
Tinatayang aabot ng P1.2 bilyon ang matatanggap na kaltas ng PGH sa pondo nito sa susunod na taon. Mahihinuha rito na kung ang mga alagad ng kalusugan ay humahagok na sa paghihirap dahil sa kapabayaan ng administrasyong Duterte, papaano pa sa susunod kung ang nakalaang pondo ay mas kinuripot pa nito?
Isa pa, ang pagkaltas rin na ito ay nangangahulugan ng mas maliit na kompensasyon para sa mga makabagong bayani ng bayan na isinasakaprisyo ang sariling buhay upang makapagligtas ng iba. Sa halip na bigyan ng mataas na sahod at nararapat na mga benepisyo ang mga alagad ng kalusugan, sila ay naghihirap dahil sa kawalan ng sapat na suporta at sa pananamantala sa kanilang kagustuhang magligtas ng buhay sa gitna ng pandemya.
Bukod sa aspetong pangkalusugan ay pipilayin din ng administrasyon ang unibersidad sa tungkulin at kakayahan nitong humulma ng kabataan para sa mas maayos at maunlad na lipunan. Sa pagkakaroon ng higit sa P900 milyong kaltas sa pondo ng UP para sa edukasyon, kasabay ng lumalalang kalagayan ng remote learning, ay siguradong mas maraming mag-aaral, guro, at kawani ng paaralan ang sasailalim sa mas masidhing pagdarahop sa darating na taong panuruan.
Bunsod ng pagkaltas na ito ay ang pagbagsak ng bilang ng mga mag-aaral na matutulungan sana ng unibersidad sa kanilang pag-aaral at sa remote learning. Hindi rin makakapagpa-regular ng mga kawani sa buong UP System, at mahihirapan ang mga guro sa mainam na paghulma sa kabataan dala ng kakulangan ng mga tamang kagamitan at pasilidad.
Ipinapakita ng mga atake ng estado na takot ito sa UP, sa mga tasyong nabubuo nito na dilat at mapagmasid sa kapangyarihan.
Kung tutuusin nga, paano nga ba nakarating ang pangulo sa panukalang budget cut na ito?
Malinaw para sa mga mamamayan kung ano ang pangangailangan ng ating bansa sa kasalukuyan. Kaya nga ilan sa mga kagawarang may pinakamalaking parte sa isinumiteng panukala ng pangulo para sa pondo sa susunod na taon ay ang Department of Education at Commission on Higher Education (P773.6 bilyon), Department of the Interior and Local Government (P250.4 bilyon), at ang Department of Health and the Philippine Health Insurance Corporation (P242 bilyon).
Katulad ng UP, ang mga ahensiyang ito ay mayroon ding malaking tungkulin sa pagsugpo sa pandemya at ang kaakibat nitong lumalalang krisis, kung kaya’t tama lang na paglaanan ito ng sapat na badyet ng pamahalaan. Subalit, ang mga ahensiyang ito ay. hindi matibay na kritiko ng pamahalaan gaya ng UP. Sila rin ay ilan sa mga minarkahan ng Commision on Audit na may kakulangan at anomalya sa epektibong paggamit ng pera ng taumbayan.
Mahalaga na malaman natin na ang pondong pagdedesisyonan ng legislasyon ngayong taon ay maaaring magdikta sa magiging kalagayan ng ating lipunan sa mga susunod pang taon. Hindi lamang ang pandemya ang masasakop ng 2022 badyet. Makakaapekto rin ito sa magiging takbo ng papalapit na eleksyon.
Ang UP ay kumakatawan sa lahat ng sektor ng lipunan. Dapat maintindihan ng administrasyong Duterte na ang pagsira at pagpilay sa UP ay hindi magreresulta sa pagkalumpo’t pagsuko ng mga kritiko nito.
Ang pagpilay sa UP ay magreresulta sa pagkasira at pagkapilay ng mga doktor, nars, mananaliksik, mamamahayag, inhinyero, siyentipiko, politiko, abogado, ng mga front liners at health workers, ng iba pang mga eksperto, ng mga bayani ng lipunan, at ng pangarap ng magandang kinabukasan sa hinaharap.
Bilang mga konsensiya ng bayan, mahalaga na palaging kritikal sa pagiging makasarili ng mga makapangyarihan para sa ikabubuti ng mamamayang Pilipino. Mahalaga rin na maabot natin ang konsensiya ng ating kapwa at mapalawak ang kanilang mga pananaw na magiging inklusibo sa lahat ng miyembro ng lipunan – tungo sa ikakaunlad ng bawat isa.
Bilang mga iskolar ng bayan, mahalaga na patuloy tayong mag-ingay para sa ating karapatan at sa nararapat. Dapat ay palakasin natin ang boses ng bawat istorya sa ating pamayanan na magdurusa dahil sa administrasyong ito; mapa-estudyante man, guro, kawani ng paaralan, alagad ng kalusugan, o ordinaryong mamamayan.
Patuloy tayong lumaban para sa ating mga ospital, paaralan, at sa kaginhawahan at kaunlaran ng ating bayan.
At bilang mga Pilipino, patuloy tayong lumaban sa paniniil at panghahamak ng mga ganid sa ating lipunan. Mahalaga na mabantayan at masiguro natin na ang buwis ng ating bayan ay nagagamit para sa mamamayan at hindi napupunta sa mga makapangyarihan. Sama-sama at tulong-tulong tayo – proteksiyonan at ipaglaban ang sarili, ang kapwa nating Pilipino, at ang ating bayan.
Sa loob ng 79 na taon ay buong puso nating inaalala at pinagpupugayan ang lahat ng ating mga bayani para sa kanilang kontribusyon sa ating lipunan. Mahalaga na ating malaman na ang mga bayaning ito ay kumilos para sa ating lipunan upang makamit ang kanilang mga pangarap para sa ating bayan.
Kaya naman ngayong Agosto 30, nawa ay hindi na lamang alaala at pagpupugay ang ating maigawad sa mga naging bayani, kasalukuyang bayani, at magiging bayani ng ating lipunan; sa mga guro, doktor, inhinyero at sa lahat ng Pilipinong kumikilos para sa bayan – bagkus sana ay maibigay na natin sa kanila ang katagumpayan ng kanilang pinapangarap na mas maunlad, mas maginhawa, mas ligtas, at malayang Pilipinas.
Featured image courtesy of ABS-CBN News.