Sa kabila ng mga krisis na kinahaharap ng bansa, patuloy pa rin ang pag-arangkada ng konstruksiyon ng P740-bilyong New Manila International Airport (NMIA), ang mapaminsalang proyekto ng San Miguel Corporation (SMC) sa baybayin ng Manila Bay. Mahigit 2,000 ektarya ng lupain at latian ang sasagasaan nito sa bayan ng Bulakan sa Bulacan, kung saan ay paliligiran ang paliparan ng isang bagong lungsod na tatawaging Aerotropolis.
Pakay ng proyektong ito na matugunan ang matinding congestion sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nasaksihan ng lahat bago balutin ang bansa ng pandemya. Kumpara sa NAIA, ‘di hamak na mas malaki ang kapasidad ng ginagawang paliparan na tinatayang aabot sa 100-200 milyong pasahero kada taon.
“Kaunlaran” ang matamis na pangako ng NMIA para sa mga taga-Bulakan.
Inaasahang maraming lokal na residente ang mabibigyan ng hanapbuhay habang isinasagawa ang konstruksiyon at operasyon ng paliparan. Nilinaw kamakailan ng SMC na prayoridad ang mga lokal na residente ng Bulacan na makuha bilang manggagawa habang itinatayo ito.
Sinasabing uusbong din ang turismo sa kinasasakupan nito, sa mga karatig-bayan, at maging sa buong bansa sa pagtatapos ng naturang ambisyosong proyekto. Marami rin umanong kapitalista ang magkukumahog na mamuhunan dito dahil sa estratehikong lokasyon ng NMIA.
Dahil dito, ang Bulakan, kagaya ng eroplano, ay inaasahang magte-take off mula sa isang agrikultural na munisipalidad patungong industriyal na lungsod.
Masarap basahin o pakinggan ang mga benepisyong makukuha mula sa dambuhalang proyektong ito. “Game changer” ito, anila. Gayunpaman, mahalagang tandaan na delikadong magpabulag sa mga pangako ng isang korporasyon na ang pangunahing layunin ay kumita at magpalawak ng negosyo, at hindi ang gawing maginhawa ang kalagayan ng taumbayan.
Tunay ngang babaguhin ng NMIA ang laro — ang laro ng mga kapitalista at naghaharing-uri — habang patuloy na magdurusa ang mamamayan sa mga kaakibat nitong negatibong epekto.
Pagkasira ng kalikasan
Ang magiging pundasyon ng paliparan ay ang itatambak na lupa sa wetlands ng Barangay Taliptip sa Bulakan. Dito pa lamang, kaduda-duda na ang hangarin ng proyekto. Bakit ka naman magtatayo ng higanteng impraestruktura, sa ngalan ng “kaunlaran”, sa lugar na walang taal na lupang maaapakan? Kakalabanin mo ang kalikasan para “umunlad,” o marahil, para kumita? Hindi ba’t para kang naghanap nito ng bato na ipupukpok sa ulo mo? Hindi na ba tayo natututo sa kasaysayan?
Hindi maikakailang banta ang NMIA sa kalagayang pangkalikasan ng mga komunidad sa paligid ng Manila Bay. Isang marine sanctuary ang katubigang sakop ng Taliptip. Tahanan ang lugar na ito ng mga bakawan (mangrove forest) na nagsisilbing “paliparan” ng mga dayuhang ibon at mahalagang breeding ground ng mga isda sa look.
Ayon sa isinagawang pag-aaral ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) noong 2017, lumalabas na ang Bulakan ay ang primaryang nursery area ng yamang dagat sa Manila Bay, kasunod ang Las Piñas-Parañaque Critical Habitat and Ecotourism Area (LPPCHEA). Dagdag pa rito, pananggalang din ang mga bakawang ito laban sa mga daluyong at tsunami.
Kaya naman, sa oras na matambakan ng lupa ang Taliptip at maitayo ang itinuturing na susi sa “kaunlaran”, asahan na ang food insecurity at malalang pagbaha. At sino-sino nga ba ang direktang gagambalain ng mga pagbabagong ito?
Pasakit sa lokal na populasyon
Warak ang mga taga-Taliptip. Pangingisda ang pangunahing pinagkakakitaan ng mga komunidad dito sa loob ng mahabang panahon. Sa pagkawasak ng mga bakawan at palaisdaan sa lugar dulot ng reklamasyon, tiyak na mahihirapang makakuha pa ng mga yamang dagat ang mga mangingisda na siyang ibinibenta o ipinanglalaman-tiyan nila.
Nanakawin ng paliparang ito ang nakasanayang kabuhayan ng mga mangingisda. Sadyang mananatiling aping sektor na nga lang ba ang mga namamalakaya habambuhay?
Hindi lamang kabuhayan ang lilimasin ng “kaunlarang” ito sa mga naninirahan sa Taliptip. Mahigit 700-1000 residente ang pinalipat ng tirahan sa mga relokasyong itinakda ng SMC. Bagama’t may ibang nabigyan ng pabahay o bagong hanapbuhay, mayroon pa ring mga bumabalik sa pangingisda sapagkat ito lamang ang kanilang nakasanayang kabuhayan o kulang ang kanilang pantustos dahil sa pandemya.
Bukod pa rito, hindi nga ba masakit mawalay sa lugar na naging kabahagi na ng buhay mo sa matagal na panahon? Marahil, hindi kailanman magiging sapat ang anumang pabahay o kabuhayan upang mabayaran ang gunita ng mga mangingisda sa Taliptip. Walang katumbas na kabayaran ang alaala.
Maruming politika?
Pagdating naman sa aspektong politikal ng paliparan, mapapansin ang mga kaduda-dudang prosesong kinasasangkutan ng mga nasa likod nito. Nakapagtataka ang apurahang pagtatayo nito samantalang may krisis-pangkalusugan na kinahaharap ang bansa. Samakatuwid, limitado ang paggalaw ng mga tao sa loob at labas ng bansa; bakit naman kailangang madaliin?
Isang malinaw na dahilan sa agarang pagpasa ng konstruksiyon ng NMIA ang kawalan ng solidong oposisyon dito mula sa pamahalaan. Mula sa pambansa hanggang lokal na pamahalaan, ‘ni walang may pakialam sa mga kapahamakang idudulot nito. Ang malala pa, may pandemyang dapat mas pagtuunan ng pansin. Hindi ba dapat ito ang prayoridad?
Patunay lamang ito na epektibo ang isinasagawang aksyon ng mga nasa likod ng proyekto upang maisakatuparan ang paggawa ng paliparan. Nagawa nitong kunin ang basbas at suporta ng mga nakaupo sa gobyerno.
Dagdag pa rito, may pagkukulang sa partisipasyon ang mga taga-Bulakan sa mga diskusyong pumapatungkol sa paliparan. Ayon nga kay Fr. Francis Cortez, ang tagapagsalita ng Bulacan Ecunemical Forum na kumokontra sa pagtatayo ng paliparan, hindi sapat ang public awareness ng mga lokal na residente sa NMIA.
“Hindi po nagkaroon ng malayang pag-uusap, assessment tungkol dito. Kulang din po ang kamulatan ng mga mamamayan [on] what will happen to them right after sila’y mai-transfer o malipat sa isang lugar,” aniya sa isang interbyu ng Rappler.
Mahalaga ang pag-iral ng oposisyon at partisipasyon ng mga taga-Bulakan sa usaping ito sapagkat tanda ito ng pagiging responsableng mamamayan at malusog na demokrasya. Subalit, sadya nga bang matagumpay na namamayani ang kaduda-dudang politika sa likod ng paliparan? Paano pa kaya kung matapos na ito? Ano pa kayang klase ng politika ang masasaksihan sa hinaharap?
Sa kabuuan, mahirap ipagkaila ang mga bangungot at dagok na binibigay at dadalhin ng NMIA sa taumbayan, higit lalo sa mga taga-Taliptip. Tiyak na apektado ang kalikasan, kaligtasan, kabuhayan, at maging ang kalagayang pampolitika ng nasasakupan nito. Tunay ngang ito ang mga kabayaran sa “kaunlarang” hatid ng NMIA.
Maganda ang hangarin na makapagtayo ng bagong paliparan, ngunit hindi sa Bulakan, partikular sa Taliptip. Solusyon ito sa problema ng NAIA. Ngunit kung itatayo ito sa pamamagitan ng reklamasyon sa isang kritikal na lugar, sa halip na maging solusyon, marahil ay maging panibagong problema na naman ito. Bukod dito, hindi reklamasyon ang kailangan ng Taliptip, kung hindi, rehabilitasyon. Sa gayon, hindi lamang piling mga tao ang makikinabang dito, kung hindi, ang lahat.
Featured image courtesy of 1 Premiere Land.