Ayuda para sa mga mag-aaral, ipinagpaliban sa 2022 budget ng CHED


Walang inilaan na pondo ang Commission on Higher Education (CHED) para sa ayuda ng mga mag-aaral ngayong pandemya sa kanilang inihaing 2022 badyet sa naganap na deliberasyon ng pondo sa kongreso noong Setyembre 9, Huwebes.

Ipinaliwanag ni CHED Chairman Prospero De Vera III na hindi naglaan ng pondo ang ahensiya para sa nasabing ayuda dahil kabilang na ito sa inihaing pondo ng CHED sa Bayanihan Act 3 o ang Bayanihan to Rise as One Bill na magbibigay umano ng mas maraming tulong sa mga Pilipino ngayong panahon ng pandemya.

Iginiit din ni De Vera na inilagay ng ahensiya ang pondong pang-ayuda sa Bayanihan Act 3 sa paniniwalang mas madali at mas maaga itong maipapatupad kaysa sa 2022 General Appropriation Act (GAA).

Subalit higit tatlong buwan matapos maipasa ng kongreso ang nasabing panukala noong Hunyo 1, 2021 ay hindi pa rin ito naikakasa. 

Dagdag pa rito, dinepensahan din ni De Vera sa nasabing deliberasyon ang halos P10 bilyong pondong tinapyas ng Department of Budget and Management (DBM) sa inihaing 2022 badyet ng CHED.

Pinangatwiranan ni De Vera na mahalagang maibalik sa orihinal na P62.3 bilyon ang pondo ng ahensiya sapagkat hindi nito mapopondohan ang mga bagong naaprubahang batas sa ilalim ng CHED tulad ng Doktor Para sa Bayan Act na layuning matulungan ang mga mag-aaral na maglingkod sa mga pampublikong ospital na kapos sa tulong medikal at ang Transnational Education Law na magsusulong sana ng edukasyon sa bansa.

“Nakakahiya at sa totoo lang nakakaiyak sa galit ‘yung pinakita ng CHED sa budget presentation na para wala tayo sa gitna ng pandemya,” komento ni Hon. Sarah Jane Elago sa hindi pagbibigay prayoridad ng DBM sa mga programang medikal.

Binanggit din ni Hon. Elago na hindi pa naibibigay ang mga subsidiya para sa matrikula ng mga mag-aaral ng medisina na noong taong 2020 pa dapat. 

Hindi rin mapapalawig ng CHED ang proyekto nitong Smart Campuses sa mga State Universities and Colleges (SUCs), at hindi na nito kakayanin pang magbukas at panatilihin ang mga iginagawad na scholarships kung susundin ng kongreso ang pagtapyas ng DBM.

Samantala, sa pangunguna ni Iloilo Representative Janette Garin ay ipinagpaliban ng kongreso ang nasabing pagdinig. 

Ito ay matapos isiwalat ni De Vera na 19.58% pa lamang sa P47 bilyon na 2021 badyet ng ahensya ang nagagamit nito dahil karamihan sa pondo ng CHED sa 2021 GAA ay nakapasailalim sa “For Later Releases (FLR)” na nananatiling nakabinbin sa DBM at naghihintay pa ring maapruba ng pangulo.

Matatandaan na patuloy na kinukwestiyon ng mga mambabatas ang FLR na ito ng DBM sa pangambang maaari itong ipitin at gamitin sa darating na 2022 eleksiyon.

Itinaas ni Garin na ipagpaliban muna ang deliberasyon hanggang hindi nasisiguro ng kongreso na hindi mapupunta sa FLR and pondo ng CHED sapagkat nauubos ang oras nila sa pakiusap na isakatuparan ang mga ito sa kabila ng dami ng mga proyekto. 

“I move that we suspend the consideration of the budget of CHED pending an answer from whichever agency is responsible to commit to us that they will not put FLRs in the budget of CHED,” aniya.

Featured image courtesy of Rappler.

Malantic farmers get cease and desist order from UP admin, assert right to till land

Oh shut up, Harry

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *