Mag-aral, maglingkod, mangahas na makibaka!*


Historikal at simboliko ang 9/11 sa kasaysayan: isinilang ang diktador na si Marcos, pinatalsik sa Chile ni Pinochet ang sosyalistang si Salvador Allende, at nagsimula ang “global War on [of] Terror” ng US. Sa Pilipinas, taong 1977, itinatag naman ang organisasyong League of Filipino Students o mas kilala bilang LFS.

MAG-ARAL

Ang 44 taon ng mahabang kasaysayan ng LFS ay siya ring mahabang kasaysayan ng pakikibaka ng kilusang kabataan-estudyante sa bansa. Hindi alintana ang Martial Law ni Marcos, nabuo ang LFS bilang alyansa ng mga estudyante para tutulan ang pagtaas ng matrikula  sa pamantasan. Sa madaling sabi, sila ay mga mag-aaral na lumalaban para sa karapatang mag-aral, sa kabila ng matinding krisis sa ekonomiya.

Nang lumaon, niyakap nito ang anti-imperyalismo bilang saligang prinsipyo nito at ang pambansa-demokratikong kilusan. Dumanas man ng mga pagkakamali at paglihis, matibay na umangkla ang organisasyon sa masang-api upang bigyang-direksyon ang kanilang pagkilos sa iba’t ibang isyu gaya ng military bases, pambansang soberanya, patakarang panlabas, isyung pang-ekonomiya, isyu sa mga pamantasan at sektor ng edukasyon, at iba pang kampanya.

Sa chant ng LFS, pinakaunang maririnig ang salitang “Mag-aral.” Ito ay dahil organisasyon sila ng mga estudyante sa pamantasan. Matatagpuan ang kanilang mga chapter sa iba’t ibang unibersidad at lugar sa bansa. Kaya nga, marahil kalakhan ng mga estudyante ay nakarinig na ng mga babala (na may bahid ng red-tagging) na iwasan ang grupong ito dahil sagabal daw sa pag-aaral at pagtatapos ng kolehiyo.

Gayunman, ang pananaw na ang aktibismo ay sagabal sa pag-aaral ay iniluwal ng isang aparatong pang-ideolohiya na nais panatilihin ang namamayaning kaayusan. Ang edukasyon ay sinusukat sa mga pamantayan ng pamilihan, sa grades, awards,rankings, at kapasidad na mapigaan ng labis-na-halaga. Ang pag-aaral ay hindi nagiging kontra-agos na karanasan para sa pagpapalaya at dekolonisasyon. Nagiging proseso ito ng pawang pagkakahon at pagsasaulo na ang layunin ay magpalago lamang ng kapital at patindihin ang pagsasamantala.

Kapag sinabi ng LFS na mag-aral, hindi ganitong edukasyon ang nais nila. Nais nilang wasakin ang umiiral na kolonyal, komersyalisado, at anti-demokratikong edukasyon. Nais nilang wasakin ang mga tore at palengke ng edukasyon na ugat ng pagiging pribilehiyo nito kaysa karapatan. Nais nilang muling bigyang-kahulugan ang edukasyon, higit sa pamantasan, bilang pag-aaral sa lipunan, ng mga katotohanan nito, at ng mga paraan kung paano ito babaguhin kasabay ng pagpapaunlad ng sarili na sumabay sa agos ng pagbabago.

Testimoniya nga ni Toni Anonuevo, miyembro ng LFS-CSSP, “All in all, hindi lamang sa sociopolitical aspect ang naambag sakin [ng LFS] kundi character development na rin para sa sarili ko. Hindi ako nagsisisi na sumali ako kasi malaki ang binago ng LFS sa buhay ko.” 

Ang pagsapi sa LFS, na pinaparatangang sagabal sa pag-aaral, ay naging kurso sa pagpapanibagong-hubog at pagmamalasakit.

Sa madaling sabi, ang hamon sa LFS sa 44 taon ng pag-iral nito ay ang pagpapaunlad ng edukasyong umiigpaw sa sistemang takda ng imperyalismo. Batid nila ang tungkulin ng sinumang estudyante na mag-aral. Subalit batid din nilang walang saysay ang pag-aaral na walang ipinagsisilbi sa paghulagpos ng bayan sa tanikala ng dayuhang pandarambong at pananamantala. Sa pagkilalang ito ng LFS sa sistemang panlipunan na mahigpit na kontrolado ng dikta ng US umuugat ang kanilang edukasyong mapagpalaya, ang edukasyong nag-aaral at kumikilos sa paglikha ng isang lipunang ganap na malaya.

MAGLINGKOD

Mula sa pagkilala sa halaga ng teorya, mula man sa pamantasan at higit sa mga pamayanan, sunod na hakbang para sa mga aktibista ng LFS ang “Maglingkod.” Para kanino? Para sa sambayanan. 

Ika nga ni Mao Zedong, simbigat lamang ng balahibo ang paglilingkod sa imperyalistang dayuhan habang simbigat naman ng bundok ang buhay na inilaan para paglingkuran ang sambayanan.

Tapat sa tungkuling mag-aral at maglingkod, mayaman ang karanasan ng mga aktibistang iniluwal ng LFS sa paglilingkod sa sambayanan. Ginagabayan ng anti-imperyalistang prinsipyo, ang ilan sa kanila ay nasa sektor ng kabataan-estudyante, kilusang paggawa, human rights work, mass media, at iba pang sektor ng pambansa-demokratikong kilusan na kumikilos para baligtarin ang timbangan ng lakas na naghahanay sa pwersa ng rebolusyon at reaksyon. Saanmang may masa, mayroong LFS.

Mayroon ding mga alumni ang LFS, batid na internal ang mapagpasya, ang nagpasyang tahakin ang landas na hindi masyadong tinatahak—tumangan ng armas at sumampa sa New People’s Army (NPA). Ito ay hindi dahil wasto ang red-tagging ng estado na “front organization” ang LFS kundi dahil nananatili ang kawastuhan ng armadong pakikibaka sa isang lipunang sinasamantala ng imperyalismo.

Ilan sa kanila ang mga estudyante ng UP na sina Recca Monte, Wendell Gumban, AJ Jaramillo, Ian Dorado, at Malvin Cruz pati na si Queenie Daraman ng PUP. Ilan lamang sila sa mga martir na ibinunga ng mahaba-habang paglaban sa dayuhang hegemonya. Hindi sila terorista. Sapagkat kailanman, hindi maitatakda ng estado at mga berdugong heneral nito ang pamantayan ng terorismo kung sila ang numero-unong terorista sa bansa. Ang mga martir na ito ay mag-aaral ng lipunang hindi nasapatan na intindihin at pag-aralan lang ang mundo; alam nilang kailangang baguhin ito.

Kaakibat ng pag-aaral ng lipunan ay paglilingkod. Hinding-hindi maipaghihiwalay ang dalawang ito dahil ang pag-aaral ng lipunan ay magagaganap lang sa paglilingkod sa sambayanan. Nananatili ang katotohanang magkakaroon lamang ng tunay na kapangyarihan ang pakikibaka ng kilusang estudyante kung isasanib nito ang kanyang pwersa sa pakikibaka ng mga manggagawa at magsasaka. Ito ang aral ng First Quarter Storm, Diliman Commune, EDSA 1 at 2, at iba’t iba pang makasaysayang pagkilos.

MANGAHAS NA MAKIBAKA

Sa panahon ng multiperspective activism at new social movements, may silbi pa ba ang pagiging anti-imperyalista? Oo. Itinuturo sa atin ng 44 taong karanasan ng LFS ang kahalagahan ng lahatang-panig na pagsusuri ngunit ang malinaw ding paninindigan at ang kahalagahang gumamot kasabay ng pagtukoy sa sakit. Tignan na lamang natin ang tagumpay ng UP-DND Accord para sa halimbawa nito. 

Makabuluhan pa rin ang pagiging anti-imperyalista dahil nagpapatuloy ang krisis na dulot ng imperyalismo—ang pandemyang COVID-19, kontra-insurhensya, pagbagsak ng mga ekonomiya, inter-superkapangyarihang ribalan ng US at Tsina, at mga neoliberal na polisiyang nakakiling sa interes ng malalaking negosyo at panginoong maylupa. 

Iniluluwal ng krisis ang pakikibaka at ang pagtindi ng krisis ay nangangailangan ng mas maigting na pakikibaka. Kaya dapat maging anti-imperyalista tayo.

Malinaw na may ugnay sa imperyalismo—pangingibabaw ng dayuhang kontrol sa ekonomiya, politika, militar, kultura, at relasyong internasyunal—ang pinakamaiinit na isyu ng kabataan ngayon. Ang nakaambang jeepney phaseout na mag-aalis ng trabaho sa mga tsuper na naghahatid sa atin, ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin dulot ng krisis sa ekonomiya, ang kawalan ng ligtas-na-balik-eskwela habang nagpapakasasa sa tubo ang malalaking kumpanya ng internet at gadgets, at ang panghihimasok ng pwersa ng estado sa pamantasan para sa kontra-insurhensiya, pati na ang banta ng digmaan at agawan ng teritoryo na nagpapanganib sa ating kinabukasan ay iniaanak ng imperyalismo.

Samakatuwid, ang mundo sa ilalim ng imperyalismo ay mundo ng krisis. Kaya naman para kay Via Millamina, opisyal sa propaganda ng LFS-CSSP, “Ang palugmok nang palugmok nating estado sa pamumuhay araw-araw ay nagmumula sa matinding sabwatan ni Duterte at ng naghaharing-uri sa mga dayuhang korporasyon at bansa na kinakalakal ang ating kalayaan, teritoryo, yamang likas, at mismong mga kababayan para magkamal ng kita.” Kasabwat si Duterte bakit tumitindi ang krisis na ito.

Ang palagian at papatinding krisis sa iba’t ibang aspekto ng lipunan ang batayan kung bakit nananatiling makatarungan ang anti-imperyalismo hanggang sa kasalukuyan. Ang 44 taong kasaysayan para “Mangahas na makibaka” ng LFS ay paalala lamang sa halaga ng pagbabalikwas sa dayuhang hegemonya upang kamtin ang tunay na kalayaan at kapangyarihan sa poder ng mamamayan.

Hamon sa lahat ng mga mag-aaral na “mag-aral, maglingkod, mangahas na makibaka.” Ito ay magandang gabay para sa lahat ng mag-aaral ng Agham Panlipunan na hinahanapan ng ambag sa lipunan—sa pamamagitan nito tayo makalilikha ng mas marami pang kasaysayan, ng bagong lipunan.

*Paumanhin sa chant ng LFS

Featured image courtesy of Cheska Estepa; edited by Jewel Christopher Politico.

This image has an empty alt attribute; its file name is 02-sinag-logo_variation-a_black.png

Students and teachers stage protests as Briones hails “Victory and Success”

Amid worsening pandemic, 2022 becomes Duterte’s scapegoat

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *