Sa darating na Biyernes, Setyembre 17, na magsisimula ang panibagong akademikong taon, ngunit lantad pa rin ang patong-patong na pagsubok at pangangamba na dinaranas ng mga mag-aaral, kaguruan at staff ng UP.
Pinangunahan ng Rise for Education Alliance-UP Diliman, kasama ang iba’t ibang mga organisasyon ang pangangampanya na iurong ang pagsisimula ng paparating na semestre. Panawagan sa UP Administration na maging mas maagap sa kanilang mga desisyon upang masigurong walang mga mag-aaral, guro, at kawaning maiiwan.
Ang mga grupo at organisasyon sa College of Social Sciences and Philosophy ay naglabas ng kani-kanilang mga pahayag tungkol sa kanilang pakikiisa sa panawagang #MoveTheSem. Ilan sa mga ito ang UP Polis Core Group, UP Geomajie Core Group, UP Diliman Apeiron Core Group at iba pang mga pormasyon.
Para sa mga estudyante, isang malaking problema ang sistema ng pag-eenlist ng mga klase lalo na’t inanunsyong hindi na magkakaroon ng pangalawang batch runngayong taon. Buhat ng pagbabagong ito, malaking porsyento ng mga estudyante ang hindi nakatanggap ng sapat na units (underloaded) at naiwang balisa dahil sa kawalan ng katiyakang sila ay makakapagtapos sa tamang oras. Sa kasalukuyan, marami pa rin ang kumakapit sa mga slots na maaaring sumulpot pagkatapos ng waitlisting period.
Ang kaguruan naman ng unibersidad ay lubha ring nakakaranas ng mga hadlang dahil sa kakulangan ng mga propesor at klase kaya’t mayroong ibang mga guro na nag-ooverload ng klase upang mapaunlakan ang pangangailangan ng mga estudyante. Isa pang nakitang pagsubok ay ang kahirapan sa paggamit ng iba’t ibang teknolohiya o materyal pang-edukasyon katulad ng panibagong University Virtual Learning Environment o UVLê.
Bukod pa rito, lalo pang pinapalubha ang mga internal na problema sa unibersidad matapos kaltasan ang pamantasan ng badyet na nagkakahalagang P1.3 bilyon. Ang isa sa mga maaapektuhan nito ay ang Philippine General Hospital (PGH) na nagsisilbing primaryang COVID referral center ng bansa. Dahil ito ay saklaw ng UP budget, lubos na mababawasan ang pondo para sa pagpapanatili ng ospital at pagpopondo para sa mga healthcare workers. Sa kakulangan ng sapat na sahod ay magkakaroon din ng malaking antala sa regularisasyon ng mga empleyado sa ospital at sa unibersidad.
Naglaan naman ng mas malaking budget na nagkakahalagang P28.1 bilyong para isulong ang kontra-insurhensiya na mga operasyon ng NTF-ELCAC sa susunod na taon. Kasama na rito ang paglobo rin ng pagpopondo sa Barangay Development Program (BDP) nito. Samantala, patuloy pa rin ang lumulubhang krisis pang-ekonomiya at pangkalusugan. Makikita ang kakulangan sa ayuda nakalaan sana sa pagbili ng mga pangunahing pangangailan at maraming mga manggagawa ang hindi pa rin nabibigyan ng maayos na kompensasyon at benepisyo dahil sa delayed hazard pays. Bukod pa rito, may kakulangan sa suplay ng vaccines at nananatiling hindi makatao ang kondisyon ng pagtatrabaho ng mga healthcare workers.
Kasalukuyang pinalalakas ang panawagang #MoveTheSem sa pagsisigurong walang mapag-iiwanan ni isang Iskolar ng Bayan. Dakong alas-9 nang umaga, Setyembre 15, ay nakapagkalap na ng tataas sa 3,200 pirma ang petisyon. Maaaring makilahok sa kampanyang ito sa pamamagitan ng paglagda sa petisyon: bit.ly/MoveTheSemUP
Featured image courtesy of Manila Bulletin