Pormal nang pinahintulutan ng Pre-Trial Chamber I ng International Criminal Court (ICC) ang imbestigasyon sa mga kaso ng “crimes against humanity” na isinampa laban kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa madugong ‘war on drugs’ nito at mga pagpatay ng kanyang administrasyon, paghahayag ng ICC sa website nito kahapon, Setyembre 15.
Ayon sa anunsyo ng hukuman, nakakalap sila ng makatwirang batayan upang simulan ang pag-iimbestiga sa mga pagpatay na ginawa sa bansa sa pagitan ng 1 Nobyembre 2011 at 16 Marso 2019.
Nangangahulugan ito na hindi lamang sisiyasatin ng ICC ang karumal-dumal na ‘war on drugs’ ni Duterte na isinagawa ng mga pulis, vigilante, o ng mga hindi tukoy na mga suspek, kundi pati na rin ang mga pagpaslang na isinagawa ng tinaguriang Davao Death Squad noong siya ay alkalde at bise-alkalde pa ng Lungsod ng Davao.
Ang kahilingan upang pahintulutan ang imbestigasyon sa kaso laban kay Duterte ay inihain noong Hunyo 14 ng dating chief prosecutor ng ICC na si Fatou Bensouda alinsunod sa mga alituntunin ng Rome Statute, ang kasunduan na nagtatag sa ICC noong 17 Hulyo 1998. Pinagtibay ng Pilipinas ang Rome Statute noong 2011.
Idineklara ni Duterte ang pormal na pagtiwalag ng Pilipinas sa Rome Statute epektibo noong 17 Marso 2019. Ang hakbanging ito ni Duterte ay tinuligsa ng Amnesty International at iba pang mga tagapagsulong ng karapatang pantao bilang isang “walang kabuluhang pagtatangka” upang makatakas sa pananagutan sa pang-aabuso at paghahain ng hustisya sa mga biktima ng administrasyon.
Paulit-ulit na pinananatili ng gobyerno ng Pilipinas na ang ICC ay wala nang kapangyarihan sa Pangulo at sa giyera laban sa droga sapagkat ang bansa ay hindi na bahagi ng ICC.
Kanilang iginiit na hindi makikipagtulungan ang pamahalaan ng Pilipinas sa anumang imbestigasyon. Ani Salvador Panelo, ang chief legal counsel ni Duterte, hindi papayagan ang mga imbestigador ng ICC na pumasok sa bansa upang magsagawa ng pagsusuri.
Ngunit sa kabila ng pagmamatigas na ito ni Duterte, mayroon pa ring hurisdiksyon ang hukuman sa mga hinihinalang krimen dahil naganap ang mga ito mula 1 Nobyembre 2011 hanggang 16 Marso 2019, kung saan ang Pilipinas ay kabahagi pa ng Rome Statute.
Sa naturang desisyon na nilagdaan nina Presiding Judge Péter Kovács, Judge Reine Adélaïde Sophie Alapini-Gansou at Judge María del Socorro Flores Liera, isinaalang-alang nila ang mga ipinadalang representasyon sa hukuman ng mga biktima ng administrasyong Duterte. Ang 204 na mga representasyon ay kumatawan sa 1,503 indibidwal na biktima at 1,050 pamilya ng war on drugs ni Duterte.
Sa kanilang pagsusuri sa mga materyal na inihain, napag-alaman na ang tinaguriang giyera kontra droga ni Duterte ay hindi maaaring tingnan bilang isang lehitimong legal na operasyon, kundi bilang isang malawakan at sistematikong pag-atake sa mga sibilyan alinsunod sa naging patakaran ng kanyang pamahalaan.
Inihayag ng ICC noong Agosto na ang imbestigasyong ito ay pinapaboran ng nasa 94% ng mga biktimang dumulog sa naturang international tribunal.
Si Duterte, 76, na nanalo sa pagkapangulo bunsod ng kanyang kampanya laban sa droga at korapsyon, ay nakatakdang matapos ang termino sa darating na June 2022. Ngunit, sa kabila ng mga kaso nga abuso at tahasang pagpaslang, nagbabalak pa rin itong muling tumakbo bilang bise-presidente sa 2022— isang hakbang na hinihinuha ng kanyang mga kritiko bilang muling pag-iwas sa pananagutan ng kanyang mga krimen.
Ipinagtanggol pa ni Duterte sa kanyang huling SONA ang naging kampanya ng pamahalaan laban sa droga, kung saan sinasabing binawasan daw nito ang mga krimen sa bansa, at pinagbuti ang kapayapaan at kaayusan sa lipunan.
Limang taon mula nang simulan ang brutal na polisiyang ito, higit sa 52% ng 42,045 na barangay sa bansa ang ‘nalinis’ na mula sa iligal na droga ayon sa tala ng pamahalaan. Nasa 293,841 suspek na ang inaresto habang 6,147 ang napatay sa 203,715 anti-illegal drug operations na isinagawa mula Hulyo 1, 2016 hanggang Mayo 31, 2021. Ito ay bukod sa higit sa 20,000 na kaso ng “death under investigation” ng PNP noong 2018.
Ngunit pinabulaanan ng mga human rights groups ang mga talang ito ng pamahalaan. Anila, tinatayang hindi bababa sa 27,000 na ang mga pinaslang ng pulisya sa mga naging operasyon na nag-udyok sa publiko upang kwestiyunin ang mga estadistikang nilalabas ng pamahalaan.
Sa naging panayam sa CNN ni Kristina Conti, kasapi ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) at isa sa mga abogadong humahawak sa mga kaso ng ilan sa mga biktima ng war on drugs ni Duterte, ang pangulo mismo ang naghimok at nagpalakas sa loob ng pulisya na pumatay.
“Hindi lang niya basta inutos na ubusin ang droga. Inutos niya rin na ubusin ang drug addict, na patayin ang drug addict. He encouraged it. Inengganyo niya ang mga pulis, ipinasok niya ang konsepto sa kukote ng mga pulis na OK lang na mapatay niyo, patayin niyo,” ani Conti.
Ayon rin sa mga human rights groups, sinasabing pinatay rin ng pulisya ang mga suspek na walang armas at pinapalabas na “nanlaban” ang mga ito. Itinanggi ito ng pulisya at iginiit ni Duterte na ang pulisya ay sumusunod sa kanyang mandato na sila’y pumapatay lamang upang ipagtanggol ang sarili.
Buhat ng kultura ng karahasan na ito, ipinagbunyi ng mga lokal na grupong pangkarapatan ang desisyon ng ICC na buksan na ang imbestigasyon sa mga pang-aabuso ng rehimeng Duterte. Ani ng Karapatan, ang hakbang ito ay nagpapatibay sa pananaw at danas ng mga biktima at ng kanilang pamilya.
“Dapat managot si Duterte at ang kanyang mga kasamahan sa mga krimeng ito,” ani nito sa desisyon ng ICC.
Ang ICC na nakabase sa The Hague ay itinatag upang imbestigahan at usigin ang anumang kaso ng genocide o pagpatay ng lahi, mga krimen laban sa sangkatauhan, mga krimen sa giyera at mga krimen ng pananalakay na hindi kayang suriin ng mga lokal na hukuman.
Featured Image by Noel Celis