Ang panayam ni Toni Gonzaga kay Bongbong Marcos sa kanyang YouTube Channel segment na ‘ToniTalks’ ay isang pagtatangka na gawing makatao ang imahe ng kanyang diktador na ama. Kapansin-pansing sa pamagat pa lang ng panayam na “The Greatest Lesson Bongbong Marcos Learned From His Father” ay nakatatak na ang layunin nitong pabanguhin ang imahe ng kanilang pamilya upang makakuha ng simpatya at suporta, lalo na at papalapit na muli ang eleksyon.
Ang problema sa patuloy na pagbibigay ng plataporma sa mga Marcos ay naililihis ang naratibo ng masalimuot nating kasaysayan. Sa halip na panagutin ang kanilang pamilya, ay nabibigyan pa sila ng pagkakataong isulong ang kanilang mga politikal na agenda, gaya na lang ng pagtakbo ng anak ni Bongbong na si Sandro Marcos.
“Hearing their [mga biktima ng batas militar] stories and struggles will be much more inspirational for your audience than talking to anyone from the Marcos family. These are the stories that celebrities and influencers should strive to popularize and disseminate as they are exemplary models of how we can strive to create a better country for everyone,”mula sa liham ng Ateneo Martial Law Museum kay Toni.
Sa kasalukuyang paglaban sa korapsyon at pagpatay sa ilalim ng rehimeng Duterte, dapat ipaalala kay Toni na ang pakikipagpanayam sa anak ng isang diktador ay isang pagbabalewala sa danas ng masa, maging sa ginawang pagnanakaw, pagpatay, at pagyurak sa karapatang pantao at sa malayang pamamahayag. Hindi kailanman magiging patas ang pagkuha ng panig ng mga Marcos dahil hindi rin naman naging patas ang naranasang kalupitan ng lahat ng naging biktima ng batas militar.
May malaking ginagampanan ang mga kagaya ni Toni sa pagpapayaman pa lalo ng mga usapin at diskurso sa lipunan. Kung hahayaan lamang ng mga kagaya niyang influencer ang mapaloob sa interes ng mga sinungaling, mamamatay-tao, at magnanakaw, hindi lamang sila nagagamit para sa pagbaluktot ng kasaysayan kundi sa politikal na propaganda upang muling maghari sa bansa.
Sa anupaman, dapat nating himukin ang lahat, lalo na ang mga kilalang influencers na ibigay ang kanilang mga plataporma sa hinaing ng masa upang mailantad ang kalagayan at pakikibaka ng mamamayang Pilipino sa pagpapalakas pa lalo ng mga panawagan para sa ikabubuti ng bansa.