Magsasagawa ng mga protesta ang mga Iskolar ng Bayan sa Bulwagang Quezon, sa PHILCOA, at onlinebukas, Setyembre 17, bilang pagsalubong sa pagsisimula ng panibagong akademikong taon at kalampagin ang kawalan ng kahandaan ng pamantasan.
Isiniwalat ng Rise for Education-UP Diliman (R4E-UP Diliman) ang hinaing ng mga mag-aaral, kabilang ang pahirapang pagkuha ng units, kakulangan ng gadgets, at kakapusan ng salapi na pambayad ng internet.
Bukod dito, pinuna rin ng Rise for Education-CSSP (R4E-CSSP) ang pambabalewala ni Pangulong Duterte at ng kanyang administrasyon sa kapakanan ng edukasyon sa bansa. Kaya patuloy ang panawagang #MoveTheSem at #LigtasNaBalikEskwela.
“Patuloy na ipinapakita ng pamahalaan ang kanilang pagkawalang-bahala sa edukasyon ng kabataan at nalalagay sa alanganin ang kinabukasan ng mga mag-aaral. Gayon din, nanganganib ang mga guro dahil hindi sila nabibigyan ng sapat na sustento upang mapagpatuloy ang kanilang pagtuturo sa gitna ng hindi matapos-tapos na krisis pangkalusugan at pang-ekonomiya. Dahil sa mga ito, napepeligro ang karapatan ng mga mag-aaral na magkaroon ng kalidad na edukasyon,” anila.
Nagbahay-bahay naman ang SALiGAN sa CSSP kahapon,Setyembre 15, sa pook Aguinaldo upang kumustahin ang mga mag-aaral, ipalaganap ang pagkilos sa Biyernes, at tutulan ang budget cut ng pamahalaan sa UP. Kaisa rin ang SALiGAN sa gaganaping #FirstDayFight bukas at hinihimok nila ang mag-aaral na pumirma sa petisyon upang iusad ang semestre. Inaanyayahan ng R4E at SALiGAN sa CSSP ang mga mag-aaral na sumamasa pagkilos bukas, Setyembre 17, sa Bulwagang Quezon nang 4:00 n.h. at sa PHILCOA nang 5:00 n.h. Magkakaroon din ng online protest ang Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (KAPP) sa Zoom bukas nang 4:00 n.h. at ang #KilosNaUP: First Day Rage Online Protest and Social Media Rally, isang system-wide na pulong, na gaganapin bukas nang 6:30 n.g.
Featured Image by Deondre Ng